You are here

1. Parable of the Great Banquet

Talinghaga ng Malaking Piging

(Parable of the Great Banquet)
Lucas 14:12-24
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Magpapatuloy tayo ngayon sa ating pag-aaral sa katuruan ng Panginoon sa Lucas 14:12-24 sa Talinghaga ng Malaking Piging. Narito ang isa pang talinghaga ng Panginoong Jesus na, tulad ng dati, ay napakayaman sa kahulugan, napakayaman sa nakapagbibigay-buhay na laman nito. Nag-uumpisa ito ng ganito: “Sinabi rin naman niya (ni Jesus) sa nag-anyaya sa kanya….” Nabanggit sa b.1 na ang taong ito na nag-anyaya sa kanya ay isang pinuno ng partido ng mga Fariseo, iyon ay, hindi lang siya Fariseo, kundi isa sa mga pinuno sa gobyerno o sa sinagoga. Mababasa natin sa b.12-14:

Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o ang mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ang kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan. Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag, at pagpalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Ang salitang ‘matuwid’ dito ay ang salitang isinalin mula sa Griyego tungo sa Ingles bilang ‘righteous’ o ‘just – “ang pagkabuhay ng mga matuwid”. Magpatuloy tayo sa b.15:

Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.” Subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan. At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’

Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, “Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.” Sinabi ng isa pa, “Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila’y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.” Sinabi ng iba, ‘Ako’y nagpakasal kaya’t hindi ako makakarating.”

At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, “Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.” At sinabi ng alipin, “Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.” At sinabi ng panginoon sa alipin, “Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.” Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”

Narito ang isa pang talinghaga ng Panginoong Jesus, na puno ng mga yaman at puno ng malalim na kahulugan. Ang kaagapay na sipi o ‘parallel passage’ nito ay nasa Mateo 22:1-14, na may kaunting kaibahan at di-istriktong ‘parallel’, pero may ilang punto ng pagkakapareho ang dalawa.

Isang Imbitasyon sa Malaking Hapunan

Nakita na natin na isinalaysay ang talinghagang ito sa bahay ng isang Fariseo. Bilang isang grupo, tinatanggihan o nire-reject ng mga Fariseo ang Panginoong Jesus, pero hindi naman sila walang pag-uusisa at pag-uusyoso. Makalipas ang panahon, ang ilan sa kanila’y tunay na sumunod na sa Panginoong Jesus. Alam ninyo na si apostol Pablo mismo, sa katunayan, ay isang Fariseo. At narito ang isa pang Fariseo na kahit papaano’y gustong makinig sa kung anong sasabihin ng Panginoong Jesus. Mukhang may pag-asa ang simulaing ito. At kaya, inanyayahan niya ang Panginoong Jesus sa isang hapunan. At sa kainang ito, isinalaysay ng Panginoong Jesus ang talinghaga.

Ngayon, sasabihin ko na sa inyo sa simula pa lang kung saan tayo tutungo. Ang talinghagang ito ay Ang Talinghaga ng Malaking Piging, ang Piging ng Panginoon, o ang tinutukoy sa b.24 bilang “ang aking hapunan”. Ang Hapunan o Ang Piging ng Panginoon! “The Lord’s Banquet”! Ano ang isang ‘banquet’? Sa mga salitang ayon sa Biblia, tinutukoy ng ‘banquet’ o ‘hapunan’ ang Piging ng Kaligtasan, na minsan-minsa’y tinatawag na ang Pista ng Mesiyas o “Messianic Feast”. Ito ang Pista ng Kaligtasan para sa lahat ng sama-samang maliligtas, na sama-samang magsasaya. Naipapakita sa isang pista ang damdamin ng kagalakan, ang diwa na may ipagdiriwang. Ang ipinagdiriwang dito sa Pista ng Mesiyas ay ang mga naligtas, at kaya, ito’y “the celebration of salvation”. Tunay na isang napakagandang larawan niyon!

Sinong Aanyayahan Ninyo?

Bago niya ibinigay ang talinghagang ito, sinabi muna niya ang ilang bagay sa nag-anyaya sa kanya. Mababasa natin mula sa b.12ss, kung saan sinabi ng Panginong Jesus sa taong ito, na isang punong Fariseo at may mataas na posisyon sa lipunan, “Kapag naghanda ka ng hapunan o piging, huwag mong basta imbitahan ang uri ng tao na – dahil lang inanyayahan mo sila – ay aanyayahan ka rin nila bilang pagganti.” Kaya, kung aanyayahan mo ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, sila ang uri ng tao na ginagamitan mo ng mga pag-aanyaya para makabuo ng koneksyon sa kanila.”

Ito’y isang nakasanayang gawi sa mundo sa ngayon. Bakit ninyo aanyayahan ang isang tao? Dahil umaasa kayong makabuo ng koneksyon sa taong iyon, upang sa hinaharap ay makakuha kayo ng mga pabor sa business, upang mapakinabangan siya. Kung palagi ninyong inaanyayahan ang inyong boss at nagkaroon ng mabuting ugnayan sa pagitan ninyo, malay ninyo, baka sakaling magkaumento kayo o ma-promote. At kaya, inaanyayahan ninyo sila na may intensiyong makakuha ng anumang pakinabang pabalik sa inyo. Hindi kayo magbibigay maliban sa intensiyong makakaani kayo ng kapalit. Bakit? Dahil nakatuon ang inyong mata sa pansarili o materyal na pakinabang kahit paano.

Pero sinasabi ng Panginoong Jesus sa taong ito, “Kung gagawin mo ang ganito, kung maghahanap ka ng madaliang gantimpala, iyon ay, sa buhay na ito at sa mundong ito, sa lipunang ito, kung gayon, ang mangyayari’y hindi mo makukuha ang gantimpala mula sa Diyos.” Kailangang pag-isipang mabuti ang katuruan ng Panginoon dahil hindi tayo ganito mag-isip. Kinukundisyon ng mundo ang ating pag-iisip. Na-brainwash na tayo ng mundo kung saan ang natatanging kapaki-pakinabang na transaksiyon ay yaong pwedeng mapag-ganansiyahan.

Kaya, kung aanyayahan ko ang isang tao, kukuwentahin ko kung anong uri ng pakinabang ang makukuha ko sa pag-anyaya sa kanya. Kung walang magiging pakinabang ang taong ito sa akin, kung gayon, hindi ako magbabalak na anyayahan siya dahil masasayang lang ang pera. Ibig kong sabihin, mahal ang pagkain sa panahong ito. Kailangan pa ninyo na gumugol ng oras, kailangan ninyong ihanda ang pagkain, at ang lahat ng mga ito’y hindi sulit maliban na lang kung may makukuha kayo bilang kapalit. Ganyan ang uri ng ating kaisipan, pero hindi iyan ang paraan ng pag-iisip ni Jesus.

Aanyayahan Ba Ninyo ang Mga Di-Makakabayad sa Inyo?

Ano ba ang paraan ng pag-iisip ni Jesus? Naaalala ba ninyo ang mga salita ng Panginoong Jesus sa Gawa 20:35, “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.”? Hindi ganito kasimple ang paraan ng pag-iisip natin. Pero ito ang paraan ng pag-iisip na gusto ng Panginoong Jesus na matutunan natin. Sinasabi niya sa Fariseo sa b.13, “Kapag naghanda ka ng piging...” – napakamahal ang magkaroon ng piging, hindi ito isang ordinaryong kainan lamang – “ang gawin mo’y anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, at ika’y mabibiyayaan dahil hindi ka nila mababayaran.”

Anong ibig sabihin ng, “Kapag inanyayahan mo ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, mga bulag…”? Sa Israel, “ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, mga bulag...” ay di nabibigyan ng tulong mula sa ‘social welfare’. Walang gayong tulong ng mga panahong iyon. Ang mga ito ang mga pulubi sa lipunan. Sila ang mga taong hindi makapagtrabaho dahil sa mga kapansanan nila, at kaya, hindi sila makahanap ng disenteng hanap-buhay. Dumedepende sila sa panlilimos upang manatiling-buháy. Sinasabi ng Panginoong Jesus, “Humayo ka’t anyayahan mo ang mga dukha.” Bakit? Dahil tiyak na hindi nila kayo mababayaran.

Subalit, tatanungin natin, “Anong pakinabang kung hindi nila kayang maibalik ang pabor sa akin? Ang mga taong makakabayad lamang sa akin ang nais kong anyayahan!” Pero, pansinin na ang paraan ng pag-iisip ng Diyos ay lubos na kabaligtaran ng paraan ng pag-iisip ng tao. Kung gusto ninyong malaman kung paano nag-iisip ang Diyos, baligtarin lang ninyo ang kaisipan ng tao, ng 180°. Ikutin ang direksiyon nito at malalaman ninyo kung paano mag-isip ang Diyos. Iyan ang simpleng paraan upang madiskubre kung paano ang paraan ng pag-iisip ng Diyos. Palaging kabaligtaran ito sa ating kaisipan.

Kung may biglaan kayong desisyon na masasabi ninyong isang mabuting ideya, malamang na mas mabuti ang kabaligtarang ideya. Bakit? Dahil malamang na nanggaling ang unang ideya sa sarili ninyong makalaman at makasariling ideya. Halimbawa, kung hindi mabuti ang isang tao sa inyo, agad-agad kayong makakaramdam ng pagkainis. Relaks! Dapat kayong magpasalamat kaysa mainis. Dahil, kung minamaltrato kayo, nasa panig ninyo ang Diyos. Siya ang Diyos ng katarungan; bibigyan niya kayo ng katarungan. Ano pang mas mabuti kaysa sa pagiging nasa panig ninyo ang Diyos?

Ang Mga Gawi ng Diyos ay Kabaligtaran ng Ating Mga Gawi

Pero anong natutuklasan ko? Hindi pa natututunang mag-isip ng mga Cristiano sa ganitong paraan. Sa tuwing may nakakagawa ng mali tungo sa atin, nakakaramdam tayo ng hinagpis, ng pagka-inis: “Sila’y di-makatarungan at di rin makatarungan ang Diyos.” Ang kadalasang tanong ay, “Bakit pinapayagan ng Diyos na mangyari ito sa akin?” Pinapayagan niyang mangyari ito sa inyo dahil nakahanda siyang ibuhos ang kanyang grasya sa inyo. Kaya ba ninyong mag-isip sa ganyang paraan? Napakahirap mag-isip nang ganyan.

Ito’y dahil ang Biblia ay ang paraan ng pag-iisip ng Diyos, hindi ng sa tao. Hindi kayang isulat ng tao ang librong ito – ang Biblia. Hindi nga niya maintindihan ito, lalo pa ang isulat ito. At hindi man lang natin maintindihan ang katuruan ng Panginoong Jesus, lalo pa ang imbentuhin ito. Iyan mismo ang garantiya na nanggaling si Jesus mula sa itaas, gaya mismo ng sinasabi niya. Lubos na kakaiba ang kanyang kaisipan. Lubos na kakaiba ito sa atin kaya hindi natin ito maunawaan. Nakasentro ito sa Diyos.

Sa susunod na pagkakataon, kung may tao sa opisina o sa paaralan na di-makatarungan tungo sa inyo, pasalamatan ninyo ang Diyos para rito dahil ngayon ay alam na ninyo na nasa inyong panig ang Diyos. Ginawan kayo ng mali; huwag kayong humayo’t maghiganti. Kung maghihiganti kayo upang maging patas na kayo ng kaaway, nawala na ninyo ang pagkakataon upang mapasa-panig ninyo ang Diyos. Iyon ang nasa likod ng katuruan ng Panginoon.

Kung may sumampal sa inyong pisngi at kung sinampal ninyo rin siya, patas na kayong dalawa. Pero kung sinampal niya kayo’t hindi kayo gumanti, may utang siya sa inyo, at mapapasa-inyong panig ang Diyos. Ngayon, kung hindi ninyo naiintindihan iyan, sasabihin ninyong, “Hindi iyan makatarungan! Bakit ako tatayo rito upang masampal?” Siyempre, dahil hindi pa ninyo nakikita ang Diyos. Kung nakita na ninyo ang Diyos, sasabihin ninyong, “Haleluya! Heto pa ang kabila. Ngayon, kung sasampalin mo pa ako rito, dalawa na ang utang mo sa akin. Nasa panig ko ang Diyos sa dalawang atraso mong ito laban sa akin. Sige, ipagpatuloy mo lang ito at mapapasapanig ko ang Diyos sa lahat ng atraso mo laban sa akin.” Oh, napakahirap mag-isip nang ganyan dahil ang kaisipang ito ay nakasentro sa Diyos.

Kapag inimbita ninyo ang isang tao, anong nais ninyo? Nais ba ninyong imbitahin niya kayo pabalik? Okey, isang paraan iyan ng paggawa. Nakuha na ninyo ang inyong gantimpala; natanggap na ninyo ang inyong kabayaran. Pero kung iimbitahan ninyo ang mga di-kayang imbitahan kayo bilang kabayaran, kung gayon, mayroong di-balanse sa hustisya! Nagbigay kayo at hindi kayo nakatanggap pabalik. Hmm, ang Diyos ay Diyos ng katarungan, kaya kailangan niyang ibalik ang pagkabalanse ng mga bagay-bagay. At kaya, kayo’y babayaran ng Diyos. Ngayon, sinong nais ninyong magbayad pabalik sa inyo?

May kapatirang may matinding pangangailangan. Wala siyang pera! Sasabihin ninyong, “Bakit ko ibibigay ang pera ko sa kapatirang ito? May sarili naman siyang ama’t ina; kaya naman nilang tulungan siya. May sarili siyang mga kamag-anak. Wala akong pakialam dito.” Oo, maaari kayong mag-isip ng ganyan.

Ang ibang paraan ng pag-iisip ay ito: “Nangangailangan ang kapatirang ito at tutulungan ko siya. Mababawasan ang pera ko. Pero alam ng Diyos, at makukuha ko ang gantimpala ko mula sa kanya, kaya ayos lang iyon.” Walang sinumang nagbibigay sa ganitong paraan maliban na lang kung tinatanaw ng taong iyon ang paggantimpala na mula sa Diyos, hindi mula sa tao. At kaya, ang ganitong uri ng pagbibigay ay ang konkretong pagpapahayag ng pananampalataya.

Pero napakahirap gawin ito, ‘di ba? Ibig kong sabihin, ayaw nating magsigapang ang mga namamalimos sa ating bahay at dumihan ang ating magandang carpet at magandang sofa. Isipin na lamang kung gaano kamahal ang pagpapalinis ng buong lugar pagkaalis nila, at hindi pa kasama roon ang mismong piging. Isipin na lamang kung anong iisipin ng mga kapitbahay kapag dinagsa ang ating bahay ng mga taong magugulo, marurumi’t madudungis. Ang sinasabi ng Panginoon ay, “Depende ito kung paano kayo mag-isip, kung kanino kayo naghahanap ng gantimpalang iyon.”

Ang Piging ng Diyos ay Para sa Matutuwid Lamang

Kaya, narito ang pinakapunto ng mga salita niya sa huling bahagi ng b.14: “Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” Ngayon, narito ang isang bagay na lubos na mahalagang unawain. Tinutukoy ng Panginoong Jesus ang muling pagkabuhay ng matutuwid. Kung gusto ninyong muling-mabuhay, ma-resurrect, kailangang kabilang kayo sa matutuwid. Ang muling pagkabuhay tungo sa Piging ng Mesiyas na ito – sa panahong ito ng pagpapala – ay para sa matutuwid. Wala kayong pakikibahagi sa muling pagkabuhay na ito maliban kung kabilang kayo sa matutuwid. Iyan ang mga salita ng Panginoon, hindi akin. Huwag hayaang masabihan kayo ng ibang bagay ninuman.

Isang Mapanganib na Nauusong Katuruan sa Churches Ngayon

May mapanganib na katuruan na nauuso sa panahong ito kung saan binabalewala ang pangangailangan sa pagiging aktuwal na matuwid. Isang lubos na napakapanganib na katuruan iyon! At hindi iyan katuruan ayon sa Kasulatan – ang pagsasabi ng isang legal lamang na pagiging matuwid na ibinibigay sa atin, o inilalagay sa atin, na walang ibang basehan kaysa sa pagpapahayag ng pananalig, o “profession of faith”. At kaya, kapag ipinahayag ninyong naniniwala na kayo kay Cristo, magiging ‘matuwid’ na kayo, kahit na wala man lang nakikitang konkretong pagbabago sa inyong buhay.

Lubos na nakakapinsala ang ganitong uri ng katuruan para sa isang church. Mapupuno ang church ng mga taong tinatawag ng mundo bilang ‘mga relihiyosong mapagkunwari’, mga taong di-tunay na nabago, na hindi naging mga bagong nilalang, na simpleng gumawa ng pagpapahayag ng pananampalataya at sinabihang sila ngayo’y nabigyan na ng katuwiran, iyon ay, ang katuwiran ni Cristo o ‘Christ’s righteousness’.

Para sa inyong nasa training program na nag-aaral sa aklat ng Roma, makikita ninyo na ang pinakasentrong tema – ang susing salita – ng Roma ay ang ‘katuwiran’ o ‘righteousness.’ May limang magkakaibang salitang Griyego para sa ‘katuwiran’ na ginamit doon. Ito’y dahil di-kailanman iniisip ni Pablo na hiwalay ang kaligtasan sa katuwiran. Sa katunayan, nakakagulat na madalang sambitin ni Pablo ang salitang ‘kaligtasan’. Kailangan lang ninyong tingnan ang isang ‘concordance’ upang matuklasan na napakadalang sambitin ni Pablo ang ‘kaligtasan’ o ‘salvation’. Pero napakadalas niyang sambitin ang ‘katuwiran’ o ‘righteousness’.

Sa totoo lang, sinuri kong muli kahapon lang ang mga istatistika. Sa istatistika, natuklasan kong ang salitang ‘kaligtasan’, halimbawa, ay nabanggit ng mga 26 na beses sa mga isinulat ni Pablo, samantalang nabanggit ang ‘katawan’ o ‘body’ nang 91 na beses. Nakapagtataka, ‘di ba? Ipinapakita niyan sa inyo kung gaano kalayo ang ‘proportion’ ng mga ito. Naaalala ba ninyo kung saan nabanggit ni Pablo ang tungkol sa ‘katawan’? Parang ilang beses lang dito’t doon, pero nagamit niya ang salitang ‘katawan’ ng 91 na beses. Ang salitang ‘kaligtasan’ – ginamit ng ika-apat na bahagi o ¼ lang nito. Ginamit niya ang salitang ‘tagapagligtas’ o ‘savior’ ng ilang beses lang. Bakit ganoon? Ito’y dahil para sa kanya, walang diskusyon ukol sa kaligtasan maliban kung pag-uusapan ang tungkol sa katuwiran! Pero kung titingnan ninyo ang mga salitang gaya ng ‘kabanalan’ o ‘holiness’, ‘katuwiran’, oh, napakarami ng mga ito!

Subalit, sa church sa panahong ito, makikita na ang kabaligtaran ang binibigyang-diin. Parati na lang sinasabi ang tungkol sa kaligtasan pero madalang naman ang tungkol sa katuwiran. Para bang nawala sa larawan ang katuwiran dahil sa kung anumang kadahilanan. Binaligtad na nang husto ang pagkakabalanse ng mga bagay-bagay. Salungat ang binibigyang-diin kumpara sa Kasulatan. Siyempre, may dalawang uri ng muling-pagkabuhay sa Biblia: ang muling-pagkabuhay ng matutuwid tungo sa kaligtasan at ang muling-pagkabuhay ng mga di-matuwid, ng mga makasalanan, tungo sa kamatayan. Ngayon, kung kayo’y nasa muling-pagkabuhay ng mga di-matuwid, babangon lang kayo para makondena sa kamatayan. Pero ang pinag-uusapan dito ng Panginoong Jesus ay ang tungkol sa “muling pagkabuhay ng mga matuwid”.

Pagiging Matuwid: Kaligtasan sa Pamamagitan ng Pagbabago

Kapag nagsasalita ang Panginoong Jesus tungkol sa katuwiran, hindi niya sinasabi ang tungkol sa legal na pagiging matuwid. Tinutukoy niya ang tungkol sa praktikal na katuwiran. At ito mismo ay binibigyang-kahulugan niya rito: ang ‘righteousness’ na ito ay may kinalaman sa pagbibigay sa mga dukha at sa hindi paghahanap ng anumang kapalit. Hindi ito kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ito’y kaligtasan sa pamamagitan ng pagbabago – sa pamamagitan ng pagbabago ng buong paraan ng pag-iisip ninyo. Iyan ang kaligtasang tinutukoy ng Panginoong Jesus. Hindi kayo maliligtas sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ganito iyon: Hindi ito ang mga uri ng mga gawang maaaring gawin ng tao sa kalikasan o ‘nature’ niya. Kabaligtaran sa ating kalikasan ang magbigay nang walang inaasahang kapalit na anumang materyal o konkretong bagay. Gagawin lang natin ang ganyang bagay kung nabago na ang ating kaisipan, kapag naging mga bagong nilalang na tayo gaya ng nasa Roma 12:1-2.

Umaasa akong naiintindihan na ninyo ang sinasabi ng Panginoong Jesus tungkol sa isang konkretong pagiging-matuwid. Ngayon, hindi naman ibig sabihin nito na walang katuwiran na nagmumula sa pagiging napatawad. Una sa lahat, kailangan nating mapatawad. Tinukoy ng Panginoong Jesus ang tungkol dito sa naunang mga bersikulo, sa Lucas 14:7-11. Sinasabi niya roon ang tungkol sa pagpapatawad. Makikita natin dito sa seksyong ito na ang concern niya ay: sa sandaling mapatawad na tayo, dapat ay may tunay na katuwiran na tayo, may tunay na pagbabago sa ating pag-uugali, sa ating paraan ng pag-iisip.

Ano itong pagbabago ng pag-iisip? Walang sinumang gumagawa ng ganitong bagay na sinasabi ng Panginoong Jesus dito. Upang makita kung gaano katotoo ang mga salitang ito, kailangan lang ninyong subukang gawin ito. Subukan ninyo minsang pumunta sa kalsada at yayain ang dukha, ang lumpo, ang bulag, o magbigay sa kapatiran sa church na nangangailangan at tingnan kung anong mararamdaman ninyo. Agad-agad ninyong mararamdamang, “Bakit ko ginagawa ito? Hindi ko ito responsibilidad.” Mapapansin ninyong agad-agad na magproprotesta ang buong katauhan ninyo laban dito dahil alam ninyong wala kayong makukuhang materyal na pakinabang mula rito.

Nasanay tayong makakuha ng pakinabang mula sa ginagawa natin. Iyan ang paksa ng buong edukasyon natin – upang makakuha tayo ng posisyon sa mundong ito, upang maging matalino sa mundong ito, upang mabigyan tayo ng lugar sa ating lipunan. Pero ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kaparaanan ni Jesus ay magdadala sa atin sa kahirapan, sa pagiging dukha. Iyan mismo ang pinag-uusapan natin dito. Walang sinumang hindi pa tinatalikuran ang mundo at binabalewala ang makamundong logic o pangangatwiran ang gagawa ng mga ganitong bagay – ang anyayahan ang dukha.

Tinatalikuran ng Matutuwid ang Mundo

Kaya, heto’t napunta na tayo sa pakahulugan ng ‘katuwiran’ o righteousness sa katuruan ng Panginoon. Ang unang kahulugan ng ‘matuwid’ o ‘righteous’ sa katuruan ng Panginoon ay ang taong tumalikod na sa mundo dahil nabago na ang buo niyang pag-iisip. May bago na siyang pinapahalagahan at ang sentro nito ay ang Diyos. At dahil nabago na ang pag-iisip niya, hindi na siya namumuhay para sa kasalukuyang panahong ito, sa kasalukuyang buhay na ito, pero namumuhay na siya para sa panahong darating. Nakita na ng bagong nilalang kay Cristo na pansamantala lang ang mundong ito; lumilipas ito. Walang kabuluhang panghawakan ang kung anong lumilipas.

Madalas kong iniisip ang mundong ito na gaya ng paghawak sa sandakot na buhangin. Lalo ninyong higpitan ang hawak, lalo pang bumibilis ang paglabas nito mula sa inyong mga daliri. Nasubukan na ba ninyong humawak ng sandakot na buhangin? Sa susunod na beses na nasa beach kayo, subukan ninyo ito: ang hawakan ang sandakot ng tuyong buhangin. Hawakan ninyo ito ng mahigpit, ng abot sa inyong makakaya, upang walang makalabas mula sa inyong kamay. Matutuklasan ninyong mas mahigpit ang hawak ninyo, mas mabilis ang labas ng buhangin mula sa inyong mga daliri!

Nakita na ng bagong nilalang kay Cristo na walang kabuluhan ang humawak sa mundong ito. Tulad ng sinasabi ni Pablo, “Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman.” [1Tim 6:7] Lahat ng inyong pinagtrabahuhan, hindi ninyo man lang madadala – maging sa inyong reputasyon o mga degree o pera. Wala kayong madadala! Maiiwanan ang lahat! Nakita na ng bagong tao kay Cristo na ang mahalaga ay ang darating na buhay (ang buhay na walang hanggan) dahil wala kayong mapapanatiling hawak ng inyong kamay sa buhay na ito. Pero ang buhay na darating ang ating pinatutunguhan. Iyon ang buhay na dapat nating pagsumikapan. Iyon ang buhay na dapat nating pahalagahan.

Kaya, ang unang bagay tungkol sa katuwiran sa pakahulugan ng Panginoon ay: Ang matuwid ay ang tao na sa pagtalikod niya sa mundo ay may bago nang mga pinapahalagahan o ‘sense of values’. At dahil may bago na siyang mga pinapahalagahan, nagiging ibang-iba na ang kanyang pag-iisip at kaya’y handa na siyang magbigay, na hindi na naghahanap ng anumang kapalit ngayon. Sa katunayan, ayaw na niya ang kapalit ngayon dahil kung may naibalik na sa kanya ngayon, wala nang ibabalik pa sa kanya ang Diyos.

Kakaiba na ang pag-iisip niya sa diwang umaasa na siya na ang lahat ay manggagaling mula sa Diyos – bawat gantimpala, bawat kapalit, bawat pakinabang. O sa kasalungat nito, kung siya’y nagawan ng mali, umaasa siya sa katarungan na magmumula sa Diyos, hindi mula sa tao. Kung nagbibigay siya sa paraang wala siyang makukuhang kapalit, umaasa siya ng kapalit mula sa Diyos. Ganito ba ang inyong o aking kaisipan?

Kailangang May Lakas-Loob Upang Magkaroon ng Pananalig

Tunay bang nabago na ang kaisipan natin bilang mga Cristiano? Kagalak-galak ba ang ating kaisipan dahil nakasentro ito sa Diyos? Naglalakas-loob ba ito sa pakikipagsapalaran sa pananalig dahil naglalakas-loob ito na magtiwala sa Diyos? Lagi kong nakikita na kinakailangang may matinding lakas ng loob upang magkaroon ng pananalig. Humayo si Abraham kahit hindi niya alam kung saan siya tutungo. Kailangan ng lakas-loob sa pagsasagawa niyon. Walang magtatangkang gumawa niyon kung wala siyang lakas-loob na manampalataya’t magtitiwala sa Diyos. Ang mga taong humahayo ang siyang nakakaranas na pinapatibay sila ng Diyos; at hindi niya sila kailanman bibiguin. Pero maliban na gawin ninyo ang unang hakbang, hindi ninyo mahahanap ang kaluwalhatian ng Diyos.

Tulad ng sinasabi ng Panginoong Jesus sa Juan Capitulo 11, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” [b.40] Sinabi ko na noon nang ilang beses na ang problema sa mga church ngayon ay punong-puno sila ng mga tao na hindi pa nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos. At hindi pa nila nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos dahil wala silang lakas-ng-loob na manampalataya upang makipagsapalaran, upang pagkatiwalaan siya ng mga dapat gawin.

Pinagkatiwalaan ko siya nang maraming beses na at hindi niya kailanman ako binigo. Napagbintangan ako at tumanggi akong iwasto ang pagbibintang, kahit na alam kong napaka-di-makatarungan nito. Mali ito. At maaari akong umaksiyon upang itama ang lahat at linisin ang pangalan ko, pero sa tuwing isasagawa ko na sana ito, naipapaalala sa akin: Hindi. “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti…’ sabi ng Panginoon’.” [Roma 12:19] Siya ang gaganti; hindi ko itutuwid ang kamalian. Hayaang manggaling sa kanya ang gantimpala ko. Hayaang siya ang magtama sa kamalian at maglinis sa pangalan ko.

Gayundin sa mga materyal na bagay, ginawa ko rin ang kaparehong bagay at hindi siya nagkulang. Nakipagsapalaran ako mula sa Far East, sa Dakong Silangan, tungo sa Europa na halos walang kapera-pera, gaya ng alam ng ilan sa inyo, na nagtiwala sa Diyos. Dahil sinabi niyang, “Humayo ka!” humayo naman ako at napatunayan kong tapat siya! Sa napakahabang panahon ng pag-aaral, tinustusan niya ang lahat ng pangangailangan ko. Itinayâ ko ang aking buhay sa kanya at hindi siya nagkulang. Kung nagkulang siya, humantong na sana ako sa imburnal sa England; pero di siya nagkulang. Tumingala ako sa kanya at nakita ko ang kaluwalhatian niya. “Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Nawa’y magkaroon ng church na nakakita na ng kaluwalhatian niya. Kung magkagayon, hindi masyadong mahirap na maging matuwid sa pamamagitan ng grasya niya.

Sa Diyos Nagtitiwala ang Matutuwid Para sa Ganti’t Pagpawalang-Sala

Kaya, ibuod na natin ang unang punto. May dalawang punto rito. Una, ang matutuwid ay ang mga taong nakasentro ang pag-iisip sa Diyos, ang mga nagtitiwalang itutuwid ng Diyos ang mga kamalian. At dahil hinahanap nila ang kanilang gantimpala mula sa Diyos, gusto nilang magbigay sa mga tao, sa mga kapatiran – maaaring pati sa mga di-Cristiano (maging kaninuman) – na hindi hinahanap ang kapalit. Maaari ninyong sabihin na napaka-di-praktikal nito, kung pera ang pinag-uusapan. Pero nakapagtataka kung gaano napakapambihirang totoo ito kapag isinagawa.

Sa totoo lang, ang anumang lipunan na tunay na lumalakad sa prinsipyong ito ay hindi na magkakaroon ng mga pangangailangan pa; mawawalan na ng mga dukha. Pero kahit pa sa isang lipunan na hindi lumalakad sa prinsipyong ito, ang mga nagtitiwala sa kanya ay di-kailanman natagpuang may pangangailangan. Ang galing! Kahit pa ang inyong mga materyal na pangangailangan, ibibigay ito ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng Mang-aawit, “Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom; ngunit silang humahanap sa Panginoon [ang matutuwid] sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.” [Mga Awit 34:10] Ganyan ang katapatan ng Diyos. Kung di-mapagkakatiwalaan ang Diyos sa buhay na ito, bakit mag-aabala pang pagkatiwalaan siya para sa buhay na darating?

Sa palagay ko, kung minsan, may katotohanan ang sinasabi ng mga di-Cristiano na mapagkunwari ang mga Cristiano. Ito’y dahil kung ang Diyos ay gaya ng ipinapahayag nila, dapat namumuhay sila nang taliwas sa uri ng buhay nila ngayon. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga sinabi ni Bertrand Russell, “Kung tunay na naniniwala ang mga Cristiano sa Diyos na ipinapahayag nilang pinaniniwalaan nila, sa tingin ko ay hindi ito tugma sa naoobserbahan kong buhay na ipinapamuhay nila.” Sa palagay ko’y tama siya.

Kung naniniwala kayo sa Diyos na bumuhay muli sa patay, kung naniniwala kayo sa Diyos na bubuhay-muli sa matutuwid upang makibahagi sa Pista, sa pagdiriwang ng kaligtasan, anong uri ng Diyos ito? Siya ang Diyos ng kaluwalhatian, ng kadakilaan, ng kabanalan, ng katarungan. Ang ganyang Diyos ang karapat-dapat sa buong pagtitiwala. Mamuhay nawa tayo bilang mga taong nagtitiwala sa kanya. Hayaang makita ng mundo na pinagtitiwalaan natin siya – tayong umaangking matutuwid.

Kung gayon, ang katuwiran o righteousness ay ang pagtatalikod natin sa mundo dahil bumabaling tayo nang lubusan sa Diyos. Pinagtitiwalaan natin siya nang lubos. Hindi natin pinagtitiwalaan nang pareho ang mundo at ang Diyos. Hindi natin pinagtitiwalaang pareho ang pera at ang Diyos, na sinusubukang gawin ng ilang Cristiano, at humahantong sila sa pagiging mga mapagkunwari, at nararapat silang isalarawan nang ganoon. Isa lamang ang pwedeng mangyari: magtitiwala kayo sa Diyos o magtitiwala kayo sa mundo. Kung nagtitiwala kayo sa Diyos, hayaang siya ang magbigay ng gantimpala sa inyo.

Nakabase ang Talinghaga sa Kuwento sa ‘Palestinian Talmud

Makikita natin kung gayon dito na inilalarawan ng Panginoong Jesus sa talinghagang ito ang isang lalaking nag-anyaya ng iba’t-ibang tao sa isang piging. Pero gumawa ng mga dahilan ang mga ito; ayaw nilang pumunta. At kaya, sa kalaunan, humayo siya’t inanyayahan ang mga dukha, mga bulag at mga pilay. Sa ibang salita, makikita na inia-apply ng talinghagang ito kung anong kasasabi lamang ng Panginoong Jesus sa Fariseo, “Huwag anyayahan ang mayayaman; anyayahan ang mga dukha.” Ngayon, iyan ang mismong ginawa ng Diyos. Inaanyayahan ng Diyos ang mga dukha.

Napakaganda ng talinghagang ito. Napakaganda ang pagkakabuo nito. At para bang naimodelo ito sa isang talinghagang makikita natin sa ‘Palestinian Talmud’. Naglalaman ng antigong materyal ang ‘Palestinian Talmud’. Kung ang kuwento sa ‘Palestinian Talmud’, na nakasulat sa Aramaic, ay mula sa panahon ng Panginoong Jesus o bago pa niyon, kung gayon, ang kuwentong isinalaysay ng Panginoong Jesus dito sa talinghaga ay kuwentong nakabatay sa tunay na buhay.

Mula sa ‘Palestinian Talmud’, nalalaman natin ang isang tunay na kuwento na ganito ang nangyari: May isang lalaking tinatawag na Bar Mayan. (Ang ‘Bar’ ay ang Aramaic na salita para sa ‘anak’; Bar Mayan, anak na lalaki ni Mayan.) Isang maniningil ng buwis si Bar Mayan at siya’y lubos na napakayaman. Alam ninyo na kasuklam-suklam ang mga maniningil ng buwis dahil nangungulekta sila ng mga buwis para sa mga taga-Roma. May ilang lubos na mabubuti sa kanila, pero sa kabuuan, labis na kinapopootan sila dahil itinuturing silang di-tapat sa Israel.

At kaya isang araw, inanyayahan ng mayamang maniningil ng buwis na ito – at tandaang isang tunay na pangyayari ito sa buhay – ang mga konsehal ng kanyang siyudad upang dumalo sa isang piging. Inanyayahan ni Bar Mayan ang mga konsehal na ito dahil umaasa siyang makakabuo ng koneksyon sa kanila. Umaasa siyang maiintindihan nila kung bakit ginagampanan niya ang trabahong ito at umasang tatanggapin nila siya bilang isang kaibigan. Ayaw niyang palaging nakakaramdam ng pagkapoot; nais niyang makaramdam ng pagkakasundo.

Pero binalewala siya ng mga konsehal ng siyudad dahil isa siyang maniningil ng buwis. Kinamumuhian nila siya at hindi pinaunlakan ang paanyaya niya. Pero dahil siya’y isang taong mataas ang estado sa buhay, dahil siya’y mayaman, kinailangan nilang di-paunlakan ang paanyaya niya nang may paggalang. Gayunpaman, tumanggi pa rin silang dumalo.

Kahit na lubos na nagalit tungkol dito, ayaw ni Bar Mayan na masayang ang ihinandang pagkain, dahil sa katunayan, nakahanda na ang piging. Para bang noong inanyayahan niya sila, hindi sila nagbigay ng diretsahang sagot na ‘oo’ o ‘hindi’; pinatagal nila ang pagbigay ng kasagutan. Nang dumating na ang oras, nagkasabwatan silang lahat na tumangging pumunta sa piging.

Ngayon, nakahanda na ang pagkain at hindi sasayangin ni Bar Mayan ang mga hinanda niya. At kaya, ginawa niya ang mismong nangyari sa talinghagang ito! Inutusan niya ang kanyang mga alipin na pumunta at anyayahan lahat ng mga dukhang tao sa siyudad: ang mga namamalimos, ang mga bulag, ang mga lumpo. Inanyayahan niya silang lahat sa kanyang bahay upang kaining lahat ang pagkaing kanyang inihanda, na siyang tinanggihang kainin ng mga konsehal.

At kaya, may tunay na pangyayari na pinagbasehan ang talinghagang ito. Gaya ng sinabi ko, ang salaysay na ito mula sa ‘Palestinian Talmud’ ay maaaring nangyari sa panahon ng Panginoong Jesus o bago pa niyon. Kung nagkagayon nga, maaaring lubos na pamilyar ang kuwento sa talinghagang ito sa pandinig ng mga tao – hindi lamang sa host na nang-imbita sa Panginoong Jesus sa salu-salo, kundi sa lahat ng mga bisita sa hapunang ito.

Subalit, mas masakit ang punto kung maiintindihan natin na kinamumuhian ng mga Fariseo si Jesus. Trinato nila siya sa antas ng mga maniningil ng buwis. Hindi nila maaaring ipawalang-bahala siya nang lubos dahil napakatanyag niya. Hinahangaan siya ng maraming tao. Gusto pa ring makinig ng maraming tao sa kanya, pero ayaw nang makinig ng mga pinuno ng Israel sa kanya. Subalit hindi nila maisantabi siya dahil sa katanyagang ibinibigay ng maraming tao sa kanya. Nangyayari rin ito sa panahon ngayon, ‘di ba? Nangyari ito kay John Wesley noong panahon niya. Ni-reject siya ng mga pinuno ng mga church, pero ang maraming tao, ang mga ordinaryong tao’y tumanggap kay Wesley nang may galak. Hindi nila basta-basta mabalewala siya.

Mga Pagdadahilan sa Pag-ayaw sa Imbitasyon

Ngayon, tingnan natin ang talinghagang ito. Ang nangyari rito ay: nang humayo ang unang mensahero, inanyayahan nila ang mga kilalang tao. Makikitang sila’y mayayaman. Nagugulat ba tayo na ang mga kilalang tao, mga mayayamang tao ay imbitado? Sa Juan 2:2, ipinaalala ni apostol Juan sa atin na ang Cristo ay namatay hindi lamang para sa ating mga kasalanan, kundi para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan. Dapat tandaan itong mabuti ng mga Cristiano. Si Cristo’y namatay hindi lamang para sa iyo at sa akin; namatay siya para sa kasalanan ng buong sanlibutan. Para sa di-Cristiano rin! Sinasabi ng Panginoong Jesus dito na sa Pista ng Mesiyas, inaanyayahan ang lahat, kahit pa ang mga kaaway niya. Walang sinumang nalaktawan.

Pero, dito, sa talinghagang ito, nakikita natin na umpisa nang gumawa ng kadahilanan ang mga taong ito. Ganito ang sinasabi ng una: “Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.” [b.18] Masdan! Hiniling niyang ma-excuse, pero nang napakamagalang! “Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.” Magalang na magalang! Di niya nakalimutan ang kanyang magandang asal. Pero sasabihin ko sa inyo, kahit pa gaano kayo gumawa ng kadahilanan, maging magalang man ito o hindi, ang punto nito ay: tumanggi kayo. Napapansin kong maraming tao ang gumagawa ng mga magagalang na dahilan, pero ang isang magalang na dahilan ay kasing-nakakamatay gaya ng isang di-magalang na pagdadahilan. Ang punto ay: hindi pa rin kayo kasali sa Pista.

Ang sinasabi ng pangalawa ay, “Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila’y subukin.” Para bang hindi masusubukan ang mga baka sa susunod na araw. Kailangan pang gawin ito sa mismong araw ng piging. Idineklara naman ng pangatlo na, “Ako’y nagpakasal kaya’t hindi ako makakarating.” Hindi niya makayanang mawalay sa kanyang asawa kahit dalawang oras lang upang dumalo sa hapunan. Ang sabi niya, “Nagpakasal ako” kaya’t di siya makakarating.

Suriin natin ang karakter at kalikasan ng mga dahilang ito. May isang bagay na pare-pareho sa kanila. Sa lahat ng mga dahilang ito, walang nararamdamang pangangailangan ng kaligtasan. Sa panahon ngayon, maraming beses kapag nakikipag-usap kayo sa mga tao, sa mga pinaka-mahirap-na-maabot na tao, ang mga di-matutulungan ay ang mga taong walang pakiramdam ng pangangailangan nila.

Hindi matutulungan ng isang doktor ang pasyenteng nag-iisip na wala siyang sakit, kahit na siya’y may sakit. Wala siyang nararamdamang pangangailangan. Kaya’t anong gagawin ninyo? Kakaladkarin ba ninyo siyang nagpupumiglas upang maoperahan? Hindi! Wala siyang nararamdamang pangangailangan. Maaaring mamamatay na ang isang tao mula sa kanser, pero hindi siya nakakaramdam ng anuman. Kumakalat na ang cells ng kanser sa buong katawan niya, ngunit wala naman siyang anumang nararamdaman, kaya wala siyang nararamdamang pangangailangan. Sa sandaling nakaramdam na siya ng pangangailangan, kadalasa’y huli na ang lahat upang malunasan pa ito.

At kaya, may isang bagay na pareho sa kaso ng tatlong taong ito, kahit na magkakaiba ang mga dahilan nila: wala silang nararamdamang pangangailangan, walang sense of spiritual need. Bakit? Dahil ang pinapahalagahan nila’y ang mga materyal na bagay. Ito ang puntong gustong ituro ng Panginoong Jesus.

Ang una’y abala sa binili niyang bukid. Inirerepresenta ng bukid dito sa katuruan ng Panginoong Jesus ang mga materyal na ari-arian. Ang real estate o ari-ariang lupain ay ang pinaka-basic na pag-aari, kung saan pwede kayong magpatayo ng bahay; pwede kayong magkaroon ng bukirin. Iyon ang real estate, lupain! Natatanto kahit pa ng mga namumuhunan ngayon na ang lupain ang tunay na matibay na lugar upang paglaanan ng puhunan.

Kung mamumuhunan kayo sa ginto, maaari itong tumaas o bumaba. Kung mamumuhunan kayo sa stocks and shares, maaaring bumagsak ang stock market. Pero kung mag-i-invest kayo sa lupain, iyan ang isa sa mga pinakasiguradong puhunan. Ito ang pinaka-basic na ari-arian. At kaya, nakikita natin dito na inirerepresenta ng lupain ang mga makamundong ari-arian.

Ang pangalawang tao ay bumili ng limang magkatuwang na lalaking baka. Ang baka ang pinaka-basic na paraan sa produksiyon. Inirerepresenta nito, halimbawa, ang magsasakang bumili ng sarili niyang limang tractor. Magagamit ninyo ang baka sa pagtatrabaho sa bukid. Walang silbi ang pagkakaroon ng bukid kung wala naman kayong paraan ng pag-aararo nito. At kaya, inirerepresenta ng baka ang kaparaanan ng produksiyon. Inirerepresenta ng mga ito ang paraan ng pagkakaroon ng kikitain. Inirerepresenta nito ang negosyo.

At kaya, makikita nating pinanghahawakan ng una ang ari-arian. Pinanghahawakan naman ng pangalawa ang negosyo niya. At pinanghahawakan naman ng pangatlo ang buhay-may-asawa. Ang pagpapakasal ay isang bagay na pinapangarap ng napakaraming tao. Sila’y nagtratrabaho, kumikita at nag-iimpok ng pera – bakit? Upang magkaroon ng kasalan, upang mapakasalan ang isang babae, upang magkaroon sila ng mga anak, upang malagay sa tahimik na buhay.

Pagkaabala sa Mundo—Nagpapatalikod sa Kaligtasan ng Diyos

Ngayon, wala namang masama sa pag-aasawa. Walang krimen sa pagkakaroon ng kaparaanan sa produksiyon, sa pag-aari ng isang negosyo o alinmang tulad nito. Ang masama ay kapag naging napakahalaga para sa atin ng mga bagay na ito kaya ipinawalang-bahala na lang natin ang Pista ng Kaligtasan ng Diyos. Ito ang punto nito. Hindi ito paghahatol sa pag-aasawa. Ito’y paghahatol sa paglalagay sa pag-aasawa bilang dahilan sa di-pagtanggap ng kaligtasan ng Diyos. Hindi hinahatulan dito ang pagkakaroon ng ari-arian, kundi kapag naging dahilan ang ari-ariang iyon sa di-pagpasok sa kaligtasan ng Diyos. Ginamit ng mga taong ito ang mga bagay na ito bilang dahilan sa di-pagtanggap ng kaligtasan.

Matibay naman ang dahilan! Ang fact ay: naging abala sila sa mga bagay na ito. Nakukuha ng mga bagay na ito ang buong atensyon nila. Ipinapakita ng talinghagang ito ang mga taong hindi pa tinatalikuran ang mundo. Nakita natin na ang unang pakahulugan ng matutuwid o ‘righteous’ ay yaong mga tumalikod na sa mundo. Pero narito ang mga taong okupadong-okupado sa mga bagay-bagay sa mundong ito, kaya’t tinalikuran nila ang Pista ng Kaligtasan, ang Piging ng Kaligtasan ng Diyos. Nakapanlulumong bagay iyan!

Nakita ko nang nangyari ito sa tunay na buhay. Bawat talinghaga ng Panginoong Jesus ay lubos na praktikal at tumutukoy sa isang tunay na sitwasyon ng buhay. Kuning halimbawa ang kabataan sa panahon ng pag-aaral nila. Nakita ko na sila – gaano kaalab sila para sa Panginoon! Oh, napaka-busy nila para sa Diyos. Ginugugol nila ang napakaraming oras para sa Diyos. Abalang-abala sila sa paggawa nito at niyon. At pagkatapos, nag-graduate sila. Pagkatapos, nagkaroon sila ng kapirasong ari-arian; bumili sila ng bahay para sa sarili nila. At pagkatapos, bumili sila ng sasakyan at nag-asawa. At kasabay ngunit sa kabilang direksiyon, bumaba nang bumaba ang kasiglahan at alab nila para sa Diyos. Unti-unti, tumatalikod sila sa kaligtasan. Lumamig na sila. Sinasabi nila na gumulang o nag-mature na raw sila. Sa katunayan, ang tanging nangyari ay naging “mas makamundo” sila. Iyon lang ang nangyari.

Maaari kong tanawing muli ang mga araw noong nag-aaral pa ako – napakaraming tao ang abalang-abala para sa Diyos, napakasigla nila para sa Diyos. Ngayon, mga abogado na sila, o malalaking negosyante na, o mga doktor na. Sila ang mga taong may posisyon sa mundo. Ang katumbas sa posisyon nilang iyon sa mundo ay ang pagiging espiritwal na maligamgam naman nila. Ang ilan sa kanila ay lubusan nang lumayo. Wala na silang panahon ngayon para sa mga piging ng kaligtasan. Mas abala sila sa lupain nila, sa baka nila, sa asawa nila. Napakatotoo niyan sa buhay.

At kaya, anong nangyayari rito? Ano, kung gayon, ang gagawin ng Diyos? Sa halip ng mga taong ito na tinanggihan ang kaligtasan, hahayo siya at yayayain ang dukha, ang bulag, ang pilay – ang uri ng mga taong hindi karapat-dapat.

Turing ng Matuwid na Di Siya Karapat-Dapat sa Imbitasyon ng Diyos

Dinadala ako nito sa pangalawang punto sa pakahulugan ng katuwiran o ‘righteousness’. Ang pakahulugan ng Panginoong Jesus sa katuwiran dito ay ang pakahulugan ng pagiging karapat-dapat. Ibig sabihin, ang matuwid na tao ay ang uri ng taong nakikita ang sarili niya bilang di-karapat-dapat. Mapapansin na mas lalo pa kayong umuusad sa mundo, mas lalo ninyong itinuturing na karapat-dapat ang inyong sarili. Pero hayaang sabihin ko sa inyo: mag-ingat sa panlilinlang na iyan!

Sa ngayon, maaaring estudyante pa lamang kayo. Hindi pa kayo nakaka-graduate. Wala pa kayong estado sa mundo: isang undergraduate lang, walang degree, wala pang maipagmamalaking ‘natapos’. Pero isa sa mga araw na ito, ga-graduate kayo at makokolekta na ninyo ang inyong degree. Agad-agad, mararamdaman ninyong may estado na kayo. Naging karapat-dapat na kayo. Maaari na ninyong isuot ang togang pang-akademya at ang isang sombrerong nakakatawang-tingnan. Agad-agad, naging karapat-dapat na kayong magsuot ng mga bagay na ito. Agad-agad nagkaroon kayo ng isang pirasong papel sa inyong kamay, na maganda ang pagkakagawa at pagkaka-imprenta, na pwede ninyong ilagay sa isang kuwadro at isabit kung saan. Bigla kayong ginawang ‘karapat-dapat’ nito.

Pero hayaang sabihin ko sa inyo ang isang bagay. Sa sandaling umpisa ninyong maramdaman ng pagiging karapat-dapat ninyo, lagot na kayo sa harapan ng Diyos. Ang mga taong ito, dahil nagkaroon sila ng bukirin, nagkaroon sila ng mga baka – limang bakang magkatuwang, marami iyon! – o dahil nagkaroon sila ng asawa, agad-agad na silang naging may-estado.

Naramdaman ba ninyo ito noong bagong-kasal kayo? Biglang nakakuha kayo ng panibagong estado; napabilang kayo sa senior generation. Nakapagtapos kayo; nakarating na kayo. Lahat ng mga kabataan diyan sa baba, kailangan nilang tumingala sa mga senior dito, sa mga may-asawa na, sa mga taong may estado na sa lipunan. Ngayon, dapat tama ang pagtawag sa inyo bilang, “Mister ganito’t ganoon.” Noon, kayo’y ‘Miss’ lang, pero ngayon, bigla kayong naging ‘Mrs.’ May karagdagang ‘syllable’; dati’y isa lang, ngayo’y dalawa na. Umunlad na talaga kayo. Umusad na kayo. Biglang-bigla, nakaabot kayo sa mas mataas na posisyon. Ngayon, napakamapanganib niyan. Napakamapanganib! Bahagi iyan ng sakit.

Tingnan ang Sarili Kung Paano Kayo Nakikita ng Diyos

Kung gusto ninyong maging matuwid sa mga mata ng Diyos, ang paraan ng inyong pag-akyat ay ang pagbaba. Kilalanin ang inyong sarili kung paano kayo nakikita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit itinuturing ninyo ang inyong sarili bilang karapat-dapat ay dahil nakikita ninyo ang ibang tao gaya ng pagtingin ng ibang tao sa inyo. Nakikita ninyo ang inyong sarili sa mga mata ng mundo.

Maaari ninyong sabihin, “Ilang tao ba ang nakatapos sa unibersidad? Hindi masyadong marami, at ako, ahem, ay isa sa kanila. At ilan ang may Master’s? Hindi masyadong marami! Pero nakakahigit ako kaysa sa mga nakapagtapos na iyon. At ilan ang may Ph.D.? Ah, mas kaunti pa. Kabilang ako sa matataas sa lipunan, sa piling-pili! Ako, ang inyong abang lingkod, ay isang Ph.D.!”

Ngayon, wala namang masama sa Ph.D. Walang masama sa Master’s. Walang masama! Nagmula ako sa isang pamilyang may napakaraming Ph.D. Pero ang punto rito ay simple lang: Kapag ginawa kayo ng mga bagay na ito na maramdamang karapat-dapat kayo, na mapupurihan ang Diyos sa pagkakaroon ng kagaya ninyo, kung gayon, hindi na kayo maituturing bilang matuwid sa mga mata ng Diyos.

Nananahan ang Diyos sa mabababang-loob at sa nagsisising espiritu. Sa sandaling isipin nating may-kakayahan tayo, nagiging kawalan tayo sa paningin ng Diyos. Umaasa akong naiintindihan ninyo ito. Sa sandaling isipin nating nakaangat na tayo, tiyak na hindi pa kayo nakarating sa espiritwal na pag-angat. Ito’y dahil, ngayon, sa halip na isipin ang sarili gaya ng kung paano tayo tinitingnan ng Diyos, iniisip natin kung paano tayo tinitingnan ng mga tao. Dahil pinupuri tayo ng mga tao, iniisip nating kapuri-puri tayo. Iniisip nating may estado o kakayahan na tayo.

Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao sa Talinghagang Ito

Kaya, may tatlong kategorya sa talinghang ito. Ang una’y ang mga taong nagsidahilan. Pansinin na may iisang implikasyon lamang sa kanilang mga dahilan – na ang kanilang sariling pinagkaka-abalahan ay mas mahalaga kaysa sa naghanda na nag-anyaya sa kanila.

Ngayon kung itinuring nila ang naghanda bilang mas mahalaga kaysa sa kanilang mga pinagkaka-abalahan, siyempre, kung aanyayahan sila ng naghanda, pupunta sila kaagad. “Kung aanyayahan mo ako, pupunta ako. Di bale na ang mga bagay na ito na pinagkakaabalahan ko! Pwede kong tingnan ang bukirin ko bukas, o sa susunod na araw, o kahit sa susunod na linggo. Di mahalaga kung kailan. Inanyayahan mo ako, pupunta ako.” Pero hindi! Hindi nila itinuturing ang naghanda bilang karapat-dapat sa kanila. “Hindi karapat-dapat sa akin ang naghanda. Kapag dumalo ako, makakapagbigay-papuri at paggalang ang pagdalo ko sa naghanda, kung pipiliin kong dumalo.”

May mga taong nag-iisip na napapapurihan daw ang Diyos dahil Cristiano sila. Gaanong napupuri raw ang Diyos sa pagkakaroon ng kagaya nila sa church! Aba! Nagkaroon na ba kayo ng anumang konsepto sa kaluwalhatian ng Diyos? Iniisip ba ninyong makadaragdag sa kaluwalhatian ng Diyos ang inyong presensya sa kanyang church kahit na isang katiting? Anong uri ng Diyos ang inyong sinasamba? Siya ang Tagapaglikha ng langit at lupa! Nailuluwalhati ba siya dahil mangyaring nasa church niya kayo? At dahil sa pastor ako sa kanyang church, naluluwalhati ba siya? Napapapurihan ba siya dahil narito ako? Kung ganito kayo mag-isip, ang Diyos ninyo ay napakaliit!

Kung may konsepto kayo ng kaluwalhatian at kadakilaan ng Diyos, ang sasabihin ninyo ay: “Sino ba ako na dapat magmalaki sa pagiging Cristiano?” Pero, ang mga taong ito, itinuturing nila na di-karapat-dapat ang naghanda, ang ‘host’, na mapasali sila sa handaan. Ito ang nangyayari. Maraming beses inaanyayahan natin ang mga tao upang pumunta sa Pista ng Kaligtasan, inaanyayahan natin sila sa church, at ang sagot nila ay, “Wala akong oras.” Wala kayong oras? Hintayin ninyo hanggang wala na ring oras para sa inyo ang Diyos. Sa panahong iyon, tunay na lagot kayo!

Ang pangalawang uri ng tao ay ang mga inanyayahan ng Diyos dahil mismong sila’y nakakaramdam ng pagiging di-karapat-dapat. Ang bulag, ang pilay – sila ang mga nakakaramdam ng pagiging di-karapat-dapat. Hindi nila iniisip ang kanilang sarili bilang mga somebody, bilang may ipagmamalaki. Kapag inanyayahan sila, hindi sila gumagawa ng mga dahilan; dumadalo sila! Sasabihin nilang, “Wow, kung aanyayahan niya ako…”. “Totoo? Inanyayahan niya ako?! Ako?! Sigurado ba siya?” Sila yaong mga taong di-kailanman naiisip na napakabuti nila upang maanyayahan. Natatanto nilang hindi sila karapat-dapat.

At mapapansin ninyo na may progression, may pag-unlad sa pag-iisip sa talinghagang ito. Ang pangatlong kategorya ay ang mga nag-iisip na napaka-di-karapat-dapat nila, gaya nang sinasabi rito sa b.23, na kailangan pa silang piliting dumalo. Kailangan pa silang puwersahin. At kaya, sinabi ng panginoon sa alipin, “Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok….”

Pansinin na may grupo ng mga tao na tinitingnan ang kanilang sarili bilang lubos na di-karapat-dapat para sa biyaya at awa ng Diyos, na kung sasabihin ninyong, “Halina kayo, dahil tinatanggap kayo ng Diyos”, sasabihin nilang, “Hindi. Hindi ako ganoong kabuti. Ako’y masama, isang pusakal na makasalanan na di-kailanmang tatanggapin ng Diyos.” At kailangan ninyo silang puwersahin. Kailangan ninyo silang yakagin nang malumanay ngunit mahigpit sa kamay at gabayan sila tungo sa kaharian ng Diyos. Kailangan ninyo silang pilitin, at sabihang, “Please, kailangan ninyong sumama. Kailangan ninyong maniwala na kahit kayo’y di-karapat-dapat, tinatanggap kayo ng Diyos.”

Ang Pakahulugan ng Pagiging Karapat-Dapat

Kaya, ang pakahulugan ng pagiging karapat-dapat na ibinibigay ng Panginoon sa atin sa pangalawang puntong ito ay simpleng ito: na lalo ninyong nakikita ang inyong sarili na hindi kayo karapat-dapat, mas lalo naman kayong tunay na karapat-dapat sa paningin ng Diyos. Ang pinaka-di-karapat-dapat na tao ay yaong nagtuturing sa sarili niya bilang karapat-dapat. At ang pinaka-karapat-dapat sa paningin ng Diyos ay yaong nakakaalam sa sarili niya na siya’y di-karapat-dapat. Ngayon, hindi ito nanggaling mula sa anumang mapagkunwaring pagpapakumbaba. Simpleng natututo na tayong makita kung ano ba talaga tayo.

Hindi nai-impress o napapahanga ang Diyos sa perang taglay natin. Sa palagay ba ninyo’y napapahanga siya niyon? Napapahanga ang mga tao, pero hindi ang Diyos. Sa palagay ba ninyo’y napapahanga siya sa mga natamo ninyo sa akademika? Muli, napapahanga ang mga tao, oo, pero ano naman iyon sa mata ng Diyos? Tinitingnan ng Diyos ang inyong puso bilang kung ano talaga kayo. Iyon ang tinitingnan niya; hindi niya tinitingnan ang inyong mga diploma. Tinitingnan niya ang inyong puso at nakikita niya kung ano talaga kayo. At alam ninyo kung ano talaga kayo, hindi kung anong nakikita ng ibang tao kung ano kayo. Iyon ay, kung ano talaga kayo: sa inyong kahinaan, sa inyong kakulangan, sa inyong pagkamakasarili. Alam ninyong tunay na naroon ang mga bagay na iyon. Iyon ang mga bagay na dapat ninyong tingnan dahil iyon ang tinitingnan ng Diyos.

Ang Matutuwid ay ang Dukha sa Espiritu

At kaya, sa pagbubuod, walang mas mapalad kaysa sa maanyayahan gaya ng pag-anyaya ng Diyos sa atin sa Pista ng Kaligtasan. Wala nang mas mahalaga pa, wala nang mas malaking kagalakan pa. Gaya ng sinasabi ng tao rito sa b.15, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.” Masaya ang taong may lugar sa kaharian ng Diyos! Pero sinong magkakaroon ng lugar sa kaharian ng Diyos? Sila yaong may lugar sa “muling pagkabuhay ng mga matuwid” sa b.14.

Pero sino ang matutuwid? Ang matutuwid ay ang “mga dukha sa espiritu,” gaya ng nababasa natin sa Mateo 5:3. Ang ‘dukha sa espiritu’ ang siyang magmamana ng kaharian ng Diyos. Ang ‘dukha sa espiritu’ ang mayroong lugar sa pista, sa Piging ng Kaligtasan. Pero anong ibig sabihin ng ‘dukha sa espiritu’? Ang ibig sabihin nito ay ang dalawang punto ukol sa katuwiran: Una, ang ‘dukha sa espiritu’ ay yaong mga tumalikod na sa mundo dahil mayroon na sila ngayong bagong pamantayan ng kaisipan, isang bagong paraan ng pag-iisip. Ang ‘dukha sa espiritu’ ay ang mga taong nagpaalam na sa mundo at nagsabi ng ‘oo’ sa Diyos. Para sa kanila, ang Diyos na ang sentro ng kanilang kaisipan.

Hinahanap nila ang gantimpala mula sa Diyos, hindi mula sa tao. Nabubuhay sila na nakatuon ang pananaw sa Diyos. Anuman ang ginagawa nila, ayaw nilang maghanap ng papuri mula sa tao. O kung ginawan man sila ng mali ng tao, hindi sila naghahangad na mabigyan ng katarungan mula sa tao, kundi sa Diyos. Sa lahat ng bagay, nakatuon ang kanilang mga mata sa Diyos. Ang ‘dukha sa espiritu’, dahil nagpaalam na sila sa mundo, ay mga dukha dahil wala na sa kanila ang mundo; sa halip, nasa kanila na ang Diyos.

May Malalim na Diwa ng Pagiging Di-Karapat-Dapat ang Matutuwid

Pangalawa, sila ang mga taong nagkaroon na ng malalim na pakiramdam ng pagiging di-karapat-dapat. Ang ‘dukha sa espiritu’ ay yaong nagsisisi sa kanilang puso, ang mga contrite of heart, na palaging nagtuturing sa sarili na sila’y di-karapat-dapat kahit na sa pinakamaliit na habag ng Diyos.

Inilahad ng dakilang apostol Pablo ang isang halimbawa ng mismong bagay na ito. Hindi pa kayo kailanman nakakita ng isang taong nakaramdam sa sarili niya bilang pagiging di-karapat-dapat kaysa kay Pablo. Kailangan lang ninyong basahin ang 1Timoteo 1:15 kung saan sinabi niyang kahit na siya ang pinuno – “ang pangunahin” – sa mga makasalanan dahil inusig niya ang church ng Diyos, natanggap niya ang awa ng Diyos. Sinabi niyang, “Kung iniisip ninyong makasalanan kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang bagay: higit akong makasalanan. Nakagawa ako ng mas grabeng mga bagay kaysa sa nagawa ninyo.”

Sa 1Corinto 15:9, sinasabi niyang, “Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, at hindi karapat-dapat na tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang iglesia ng Diyos”. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kahit na pinatawad na siya ng Diyos. Ibig sabihin, hindi niya malilimutan ito. Palagi niyang hahayaan na gawin siyang mapagpakumbaba nito. Palagi niyang tatandaang siya ay di-karapat-dapat. Ang pinaka-karapat-dapat na tao ay ang nakakaalam sa sarili bilang di-karapat-dapat.

Sa Mateo 8:8, sinabi ng senturion sa Panginoong Jesus, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay”. Hindi niya naramdamang karapat-dapat siya upang tanggapin ang Panginoong Jesus sa kanyang bahay. Pero isa siyang senturion. Ang senturion ay isang opisyal na mataas ang ranggo. Maaari nga niyang sabihing, “Isa akong senturion, di-hamak na mas mataas kaysa sa mga karaniwang tao riyan sa labas.” Maaari pa ngang humarap ang senturion sa Emperador. Isa siyang opisyal na mataas ang ranggo. At kadalasan, nagmumula ang mga senturion sa mga maharlikang pamilya. May ilang ipinaglaban ang pag-akyat nila sa mga ranggo; ang iba naman ay nakuha ang ranggong ito dahil sa galing sila sa mga maharlikang pamilya.

Pero sinabi ng senturiong ito sa Panginoong Jesus, “…hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay.” Subalit napatunayan niyang siya ang pinaka-karapat-dapat sa lahat ng mga tao sa Ebanghelyo. Sinabi ng Panginoong Jesus, “…kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.” Ipagdasal natin kung gayon na ipakita sa atin ng Diyos kung ano talaga tayo, upang malaman natin kung ano ang pagiging matuwid, at upang magkaroon tayo, sa pamamagitan ng biyaya niya, ng lugar sa Pista ng Kaligtasan.

 

Katapusan ng mensahe.
Ito’y isang ‘edited transcription’ ng mensahe.

Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong
responsibilidad para sa pagkaka-ayos
at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

 

Lahat ng mga nasambit na bersikulo ay mula sa
Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001.

 

(c) 2021 Christian Disciples Church