You are here

4. Parable of the Lost Son

Talinghaga ng
Nawawalang Anak

(Parable of the Lost Son)
Lucas 15:11-32
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Ipagpatuloy natin ngayon ang ating pag-aaral sa katuruan ng Panginoon sa mga talinghaga sa Lucas Capitulo 15. Nakarating na tayo sa pangatlo sa mga talinghaga sa Lucas 15, ang Talinghaga ng Nawawalang Anak o ang Talinghaga ng Alibughang Anak [the Prodigal Son]. Ang talinghagang ito ay tungkol sa pagiging anak, iyon ay, kung ano ang tungkol sa pagiging isang anak. Ano ang mga problema sa pagiging anak? Paano tayo magiging isang anak? Isasalaysay ko na lamang sa inyo ang talinghagang ito dahil napakahaba kung babasahin pa. Ito ay mula sa b.11 hanggang sa b.32.

Hiningi ng Isang Anak ang Kanyang Mana

Sa talinghagang ito, isinasalaysay ng Panginoong Jesus sa atin ang isang lalaki, ang isang ama na may dalawang anak na lalaki. Lumapit sa ama ang nakakabatang anak at sinabi sa kanya, “Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.” Gusto na niyang makuha ang kanyang mana bago pa mamatay ang kanyang ama! Hindi siya makatiis na maghintay pa hanggang mamatay ang kanyang ama upang makuha ang mana niya. Sinabi niya sa kanyang ama, “Pakibigay mo na po sa akin ang mana ko ngayon.” Ngayon, nagsasabi mismo iyan sa inyo ng napakaraming bagay tungkol sa nakakabatang anak at sa kanyang mentalidad, kahit na mayroong ganyang paglalaan sa ilalim ng Batas-Judio. Sa ilalim ng Batas-Judio, may probisyon para rito, na kung pipiliin na ng ama, maaari na niyang ibigay sa anak niya ang bahagi ng mana bago pa siya mamatay.

At kaya, makaraan ang ilang araw, sinasabi rito sa b.13, na itong nakakabatang anak na ito, pagkatapos niyang matanggap ang ibinigay ng kanyang ama, ay umalis na sa kanilang tahanan. Pansinin na hindi man lamang sinuway ng ama ang anak. Hindi niya sinabing, “Hindi kita papayagang gawin ito,” na tulad marahil ay sasabihin ng karamihan sa mga ama. Nagbibigay ito sa atin ng pang-unawa sa karakter ng Diyos.

Winaldas ng Anak ang Mana Niya

Umalis ang anak, dala-dala ang kanyang mana. Pansinin na pumunta siya sa “isang malayong lupain”, umaasang magpakalayu-layo mula sa ama, dahil siyempre, gaya ng alam ninyo, gusto ng mga anak na lalaki na magkaroon ng kanilang kalayaan. Nais ng mga anak na gawin ang sarili nilang gusto. Ayaw nilang palaging nasa pagmamanman ng ama, at kaya humahayo sila ng malayo upang mahanap ang kalayaan. Hindi siya pumunta sa karatig-bansa; nagpakalayu-layo siya sa malayong lupain, ang sabi rito. Ngunit nakakalungkot! Sabi nga ng kasabihan, “Easy come, easy go!” Ang mga bagay-bagay na napakadaling makuha, napakadali ring mawala. Maaaring pinagtrabahuhang mabuti ng ama upang magkaroon ng kanyang mga ari-arian, ngunit gaya ng maraming anak na galing sa mga may-kayang pamilya, ang hindi nila pinaghirapan, hindi rin nila pinapahalagahan.

At kaya, nakikita natin na pumunta ang anak na ito sa malayong lupain, na nilustay niya ang lahat ng mayroon siya sa loob ng maikling panahon. Wala siyang alam sa pangangasiwa ng negosyo. Wala siyang kaalam-alam sa kung paano niya aalagaan ang kanyang pera, at sa kasalukuyan, nasa kalagayan na siya ng pagkalugi.

Kaya, sa ngayon, natuklasan niya na upang mapanatili siyang buháy, kailangan na niyang magtrabaho, magkaroon ng kabuhayan. Bigla niyang natanto na mayroon palang lugar ang trabaho sa buhay. Hanggang sa puntong ito, tinatanggap lang niya ang lahat bilang grasya. Iyon ay ang lahat ng kung anong ibinigay ng ama sa kanya. Ngayon, bigla na lamang niyang kailangang magtrabaho. Ngunit sa totoo lang, siyempre ay wala siyang kaalam-alam sa pagtatrabaho. Anong magagawa niya? Ang taong hindi alam kung paano pangasiwaan ang mismong sarili niyang buhay at sarili niyang pera ay hindi basta-basta pagkakatiwalaan ninuman ng anumang responsibilidad.

At kaya, sa wakas, ang tanging responsibilidad na maaaring mapasa-kanya ay ang responsibilidad ng pagpapakain sa mga baboy. Natagpuan niya ang kanyang sarili na nailagay sa posisyon bilang tagapangalaga ng mga baboy. Ngunit siyempre, hindi man lang may mataas na sahod iyon. Kaunti lang ang natatanggap niya, hindi man lang sapat na panustos sa mga pangangailangan niya. At kaya, umabot siya sa puntong nasabik na siyang makakain ng pagkain ng mga baboy. Habang nasa ganito siyang kalagayan, nag-umpisa na siyang mag-isip tungkol sa kanilang tahanan.

Natauhan ang Nawawalang Anak

Kung minsan kailangan pa talaga nating magkaroon ng malakas na katok sa ulo upang tayo’y magising! Sinasabi rito na sa wakas ay natauhan siya: “...nang siya’y matauhan”. Sa wakas, nagising siya! Sa kanilang tahanan, ibinibigay sa kanya ng kanyang ama ang lahat ng bagay, ngunit ngayon, pansinin na ang sinasabi sa b.16 ay, “walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.” Malayo siya sa kanyang tahanan, isa siyang ‘nobody’, at walang nagmamalasakit sa kanya. Tinalikuran niya ang tanging nagmamalasakit sa kanya – ang ama niya. Walang sinumang natitira pa na nagmamalasakit sa kanya. Kapag tinalikuran natin ang Diyos, matutuklasan nating tinalikuran natin ang tanging tunay na nagmamalasakit sa atin. Sa labas, sa malayo sa Diyos, wala nang iba pang magmamalasakit sa atin.

Kaya, natagpuan niya ang kanyang sarili sa ganitong kalagayan at nag-umpisa siyang mag-isip tungo sa kanyang sarili. Sa b.17 sinasabi na, “nang siya’y matauhan”, nagsimula na siyang makatanto kung ano ang tunay niyang sitwasyon, kung ano talaga ang mga katotohanan sa buhay. “Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito’y namamatay sa gutom?” Sa wakas narating niya ang lohikal na konklusyon, “Titindig ako at pupunta sa aking ama”.

Doon na lamang ang tanging lugar na kanyang mapupuntahan, ngunit paano siya makakabalik sa kanyang ama? Nakuha na niya ang kanyang mana; wala na siyang karapatang bumalik sa ama. Kaya, plinano niya sa kanyang isipan na sasabihin niyang, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.” Mayroong malalim na pang-unawa rito – naiintindihan niyang hindi lamang siya nagkasala laban sa kanyang ama, nagkasala rin siya laban sa langit, laban sa Diyos. “Ang aking nagawa ay hindi lang laban sa iyo, kundi laban sa Diyos. At kaya ngayon, hinihiling ko sa iyo na tanggapin mo nawa ako, hindi bilang anak – wala na akong karapatan pang maging anak mo – kundi bigyan mo ako ng lugar na kasama ang iyong mga upahang lingkod. Hindi ko alam kung karapat-dapat pa akong tanggapin kahit pa bilang isang alipin. Ngunit kung maaari, ituring mo na lamang akong kasama sa mga upahang lingkod dito. Nagmamakaawa ako na tanggapin mo akong muli.”

May Habag ang Kanyang Ama sa Kanya

Makikita natin sa b.20, “Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama...”; nakatanaw sa bintana ang ama niya sa lahat ng sandali para sa kanya! Nakadungaw palagi ang ama sa bintana. Naghihintay, tumatanaw-tanaw. Biglaang napanaw lahat ng kanyang kawalan ng pag-asa at napuno siya ng galak – dahil sa may kalayuan, nakita niya ang gusgusing taong ito na nakasuot ng gutay-gutay na damit, pagod na pagod na kinakaladkad ang sarili sa kalsada!

Sinasabi rito sa b.20 na, “ito’y awang-awa sa kanya. Ang ama’y tumakbo, niyakap siya at hinagkan.” Mayroon siyang awa’t habag! “Siya’y napuno ng habag”! At hindi na siya naghintay. Hindi lamang siya naglakad; patakbo siyang sumalubong sa anak. Walang mga salitang tulad ng, “Dapat na siyang matuto ng aral. Magsisilbing mabuti iyan para sa kanya!” Walang pagiging mapanisi. Walang paghihiganti! Nagmadali ang ama at niyakap ang anak.

At ginawa ng anak ang eksaktong binalak niyang gawin. Sinabi niyang, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.” [b.21] “Hindi ako karapat-dapat na maging anak mo.” Ngunit binigyan siya ng ama ng pinakamagandang kasuotan, naglagay ng singsing sa kanyang daliri at sandalyas naman para sa kanyang mga paa. (Ipinapakita rito na wala man lamang siyang sandalyas na suot noon; naglakad siyang nakapaa.) At kahit ang kanyang gutom ay napunan ng pinakamabuti sa lahat: ang pinatabang baka. At may malaking kagalakan doon.

Mayroon Pang Isang Nawawalang Anak

Hindi na kailangan pang sabihin na itinuring ng panganay na anak ang buong eksenang ito bilang nakakainis. “Hindi kailanman nababagay ang tamad na taong ito sa anumang bagay – laki sa layaw kasi! Nangahas pa nga siyang di igalang ang tatay sa paghingi ng kanyang mana bago pa mamatay ang tatay! Lumayas, nagluko, nilustay ang lahat! Tapos ngayon ay babalik-balik na isang manlilimos! At anong ginawa ng tatay? Sa halip na ilagay siya kasama ng mga utusan, nagpapakasaya pa siya at nagagalak pa sa kanya!”

Lubos na naiinis ang panganay na anak. Bakit niya nararamdaman ito? Dahil, di gaya ng ama, wala man lamang habag ang panganay na ito! Wala siyang nadarama na natuto na ng leksyon ang nakakabatang kapatid ang leksyon niya, na nagdaan na ito sa pinakamasahol na panahon at hindi na kailangang gawing mas masahol pa. Naroon siyang ang suot-suot ay mga basahan, nakapaa, halos patay na sa gutom. Kailangan pa ba siyang imudmod sa lupa bago niya matutunan ang kanyang leksyon? Gaano pa kaya kababa ang pwede niyang ibaba? Nakita ng ama na tama na. Ngunit hindi ganito ang panganay na anak – dahil wala siyang habag.

Ganito tinatapos ang talinghaga sa b.32 kung saan sinabi ng ama na, “…ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya’y nawala at natagpuan.” Kaya nga ito tinatawag na ‘Ang Talinghaga ng Nawawalang Anak.’ Sa totoo lang, mas gusto ko itong tawaging: ‘Ang Talinghaga ng Dalawang Nawawalang Anak.’ Ang isa sa kanila’y mas nawawala kaysa sa isa. Isa itong talinghaga ng dalawang nawawalang anak kung saan isa lamang ang natagpuan; hindi kailanman naligtas ang isa pa dahil hinding-hindi niya natanto na siya pala ay nawawala.

Ang Biblia ay Aklat ng mga Nawawalang Anak

Kaya, pag-aralan na natin ngayon ang espirituwal na kahulugan ng sipi o passage na ito. Isa itong bagay na gusto kong isipin ninyong mabuti, na ang buong Biblia ay tunay na isang kasaysayan ng mga nawawalang anak. Isipin ninyo itong maigi – ang Biblia ay isang aklat ng mga nawawalang anak. Palaging ang mga anak ang mga nawawala, naliligaw ng landas. Una sa lahat, nawala si Adan, at tinatawag siyang ‘anak ng Diyos’. Sa Lucas 3:38, makikita ninyo na sinasabing anak ng Diyos si Adan. Utang niya sa Diyos ang kanyang pagiging buháy. Anak ng Diyos si Adan. Nawala si Adan.

Halos lahat sa Lumang Tipan ay tungkol sa Israel, at ang Israel ay tinatawag na ‘anak ng Diyos’ sa napakaraming lugar, tulad halimbawa sa Hosea 11:1ss na binanggit sa Mateo 2:15. “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak”, iyon ay, noong iniligtas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto.

Ang salitang ‘anak’ ay may malawak na kahulugan sa Biblia. May mga anak sa lahat ng iba’t ibang ‘degree’ o ugnayan at iba’t ibang katayuan sa relasyon nila sa Diyos. May mga anak na mas malapit sa Diyos kaysa sa ibang mga anak, ngunit mga anak pa rin sila. Ang mga anghel ng Diyos ay tinatawag ding ‘mga anak ng Diyos’, halimbawa sa Job 1:6, sa Job 2:1, o sa Job 38:7. Ngunit kahit pa ang mga anghel ay nawala rin. Tingnan halimbawa sa Judas b.6, kung saan sinasabing, “At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.”

Ang Pagiging Anak ay Hindi Batayan ng Seguridad

Sa mga church sa ngayon, mayroong kaisipan na isang kasiguraduhan ang pagiging anak, na ang ‘sonship’ ay ‘security.’ Napakakaraniwan nito sa mga Cristiano ngayon. “Ano ang batayan ng aking kasiguruhan o ‘assurance’? Na ako’y isang anak!” Mayroong karaniwang bukambibig na ang sinasabi ay, “Minsang anak, parating anak.” “Once a son, always a son.” Sige, minsang anak, parating anak, ngunit ano ang eksaktong ibig sabihin nito? Walang sinasabing anumang ganito tungkol sa seguridad kapag ang Kasulatan ang pinag-uusapan. Palaging nangungusap ang Biblia tungkol sa mga nawawalang anak. Ang pagiging isang anak ay hindi garantiya na hindi kayo mawawala. Ito ang buong punto ng Talinghaga ng Nawawalang Anak.

Kung kayo’y isang Cristiano, huwag ninyong itaguyod ang inyong espirituwal na seguridad sa kaisipan na kayo’y anak, at kaya, ayos na kayo, na maaari ninyong gawin ang anumang gusto ninyo: na maaari kayong magkasala sa abot ng gusto ninyo; na maaari kayong lumayo sa Diyos, at maliligtas pa rin kayo sa bandang huli. Iyan ang karaniwang katuruan sa ngayon sa mga church, ngunit gusto kong sabihin sa inyo, batay sa Salita ng Diyos, kalapastanganan iyan! Hindi iyan katuruan ayon sa Kasulatan. Huwag ninyong itaguyod ang inyong espirituwal na buhay sa isang bagay na di-totoo. Maaari itong lubos na nakakaginhawa. Maaari itong lubos na nakakapagpalubag-damdamin, nakakapagpaseguro, ngunit simpleng hindi ito totoo.

May nagsabi sa akin, “Ang mga Cristiano – kahit na tumalikod pa sila sa Diyos, magkasala, makagawa ng lahat ng uri ng mga bagay – ay maliligtas pa rin!” Paano ito mapapatunayan mula sa Salita ng Diyos? Sinabi niyang, “Napakadali! Dahil mga anak na tayo ng Diyos. At minsang anak, palaging anak.” Ay, naku! Ang ganyang kaisipan ng seguridad ay nakakapinsala. Hindi ba ninyo nabasa ang Biblia? Ang Biblia ay aklat ukol sa mga nawawalang anak. Nawala si Adan; siya’y anak. Nawala ang Israel; siya’y anak. Ang mga anghel ay mga anak ng Diyos; nawala rin sila. At magtataguyod kayo ng inyong seguridad simpleng sa pagsasabi na, “Ako’y anak”?

Mga Anak ng Diyos – sa Isang Malawak na Diwa at ‘Special’ na Diwa

Ngayon, napakagandang maging anak ng Diyos, hindi ko ipagkakaila iyan kahit isang sandali. Tunay na napakagandang maging anak ng Diyos! At mga anak tayo ng Diyos sa ilang diwa. Mayroong maluwang na diwa ang salitang ‘anak ng Diyos’ na sinasabi ni Pablo sa Gawa 17:28 kung saan sinasambit niya ang isa sa manunula na Griyego, na, “tayo rin ay kanyang supling.” Ang Diyos ay Ama sa maluwang na diwa, sa diwang utang natin sa Diyos ang ating pagiging buháy, bilang mga tao. Utang natin sa ating mga magulang ang ating buhay, ngunit mas pundamental pa rito, utang natin sa Diyos ang pagiging buháy natin; sa diwang siya ay Ama, dahil “sa kanya tayo’y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao. ...tayo rin ay kanyang supling.”

Ngunit may mas malapit na diwa pa rito. Tulad na lamang sa bawat pamilya, may ilang anak na mas malapit sa ama kaysa sa iba pang mga anak. At kaya, sa espirituwal na buhay, may mga ilang anak na mas malapit sa Diyos kaysa sa iba, na mga tumatayo sa mas malapit na ugnayan sa Ama. Pwede tayong maging anak sa napaka-espesyal na diwang ito: tayo’y mga anak sa diwa ng pagiging inampon ng Diyos. Sinasabi ni Pablo ang pagkaampon ng mga anak sa Roma 8:15: “...tumanggap kayo ng espiritu ng pagkupkop”. Anak din tayo sa pamamagitan ng pagkupkop o pagkaampon, sa pamamagitan ng pagkapanganak na muli o ‘regeneration.’

Ang Pagiging Anak at Ang Pagsisisi

Makikita natin na ginagamit sa Biblia ang salitang ‘anak’ sa isang napakalawak na diwa. Anumang diwa ng pagiging anak na pinag-uusapan natin, hindi ka pwedeng basta lang tumayo riyan at sabihing, “Nakakasiguro ako dahil isa na akong anak.” Nalulungkot ako para sa napakaraming Cristiano ngayon na naturuan na di-mahalaga ang uri ng buhay na kanilang ipinapamuhay; na hindi mahalaga ang kalidad ng buhay; na maging banal man o hindi ay hindi na mahalaga pa; na magkasala man kayo ay hindi na mahalaga pa.

Sa katunayan, tinanong ko ang isa sa mga Cristianong ito, “Sabihin mo sa akin ito: sa iyong doktrina, saan mo man nakuha ang iyong doktrina, kung nakapatay ng tao ang isang Cristiano, maliligtas pa rin ba siya? Oo o hindi?” Alam ba ninyo ang sagot niya? Sa teoriya ng “once saved, always saved” (minsang naligtas, palaging ligtas), siyempre, maliligtas pa rin kayo kahit na nakapatay pa kayo ng tao; wala kayong magagawa upang hindi kayo maligtas.

Nagpatuloy ako, “Kung ganoon, ang di-Cristiano na nakagawa, sabihin na natin, ng isang maliit na kasalanan gaya ng pagnanakaw, siya ay mapupunta sa impiyerno. Ngunit ang Cristiano ay pwedeng pumatay, at siya ay maliligtas pa rin? Anong uri ng doktrina ang itinuturo mo? Saan mo nakuha ito mula sa Biblia?” Nanggaling ang pagkakamaling ito mula sa lohikal na konklusyon ng “minsang anak, palaging anak.” Pero, mali ang ‘logic’ na ito dahil nalimutan nilang maaari kayong maging anak at mawala pa rin! Mas lalo pang nakakapanlumo iyan kaysa sa hindi naging anak man lamang.

Isipin ninyo ito nang mabuti. Ang Biblia ay isang aklat tungkol sa mga nawawalang anak; ito ay nakakapanlumo. Sa palagay ba ninyo ay maliligtas ang anak na ito kung hindi siya nagsisi? Ang talinghaga ay tungkol sa isang anak na nawala at naligtas – siya ay naligtas hindi dahil anak siya, kundi dahil nagsisi siya. Naligtas siya batay sa kanyang pagsisisi, hindi batay sa kanyang pagiging anak. Wala man lamang magagawang kaibahan kahit na katiting kahit na naging anak man siya, kung hindi siya nagsisi. Kung maliligtas siya nang hindi nagsisisi, hindi na natin kailangan pa ang talinghagang ito. Ang buong punto ng talinghagang ito ay: nagsisi siya! Iyan ang dahilan kung bakit siya naligtas.

Ang Anak na Hindi Nagsisi

Ngunit ano naman ang tungkol sa panganay na anak? Alam ba ninyo kung ano ang inirerepresenta ng panganay na anak sa Biblia? Isa rin siyang anak. Tingnan ang mga talinghaga ng Panginoong Jesus; may ilang talinghaga tungkol sa dalawang anak. Palaging inirerepresenta ng panganay na anak ang mga eskriba at mga Fariseo, samantalang palaging inirerepresenta ng nakakabatang anak naman ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan.

Ang mga ito ang dalawang pangunahing grupo ng mga tao sa Israel: ang mga eskriba at mga Fariseo sa isang panig at ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan sa kabilang panig; ang mga ito ang dalawang anak. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon sa mga Fariseo at mga eskribang, “Papasok ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan sa kaharian ng Diyos na hindi kayo kasama.” [Mateo 21:31] Hindi kayo makakasali. Maiiwan kayo roong umiiyak at nagngangalit ang mga ngipin. Ngunit sila, dahil nagsisisi sila, makakapasok sila sa kaharian.” Walang sinumang maliligtas kung walang pagsisisi. Walang katuruan sa Kasulatan na may sinumang naligtas na wala namang pagsisisi.

Kaya nga sinabi ng dakilang propetang si Juan na Tagapagbautismo na, “Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili na ‘mga anak kami ni Abraham, mga anak ng Diyos’ dahil kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak mula sa mga batong ito. Ngunit sa halip ay magsisi! Huwag ninyong gawing batayan ng inyong kumpiyansa ang pagiging anak.” Ngunit ang mga Judio, gaya ng mga Cristiano, ay ibinabatay ang kanilang kumpiyansa sa pagiging anak: “Kami ay piling tao. Ang Diyos mismo ang pumili sa amin.” Totoong ito ay grasya, ngunit nakakapagbigay rin sa atin ang grasya ng pagmamayabang o ‘pride’. “Kung tutuusin, ito’y dahil sa kanyang grasya kaya pinili niya ako, hindi ikaw. Pinili niya kami, hindi ang mga iba.” Dahilan iyan ng pagkakaroon ng pride.

Gusto kong ipakita sa inyo na sa pagkakaroon ng ganyang ‘attitude’ o pakikitungo, hindi pa ninyo naiintindihan ang Biblikal na katuruan ukol sa pagiging anak. Iyan ang dahilan kung bakit sa Capitulo 8 ng Juan, sinasabi ng mga Judio sa Panginoong Jesus na, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid.” (b.41) Totoong mga anak nga sila, ngunit sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Kayo’y mula sa inyong amang diyablo.” (b.44) Mga anak ni Abraham na mga anak ng diyablo? Ang mga anak ni Abraham ay ang mga anak ng pangako! Sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Hindi, sa pamamagitan ng inyong bunga ninyo pinapatunayan na kayo ay walang iba kundi mga anak ng diyablo.” Hindi iyan upang insultuhin sila. Isa lamang itong pagsusuri ng kanilang espirituwal na kondisyon. Kaya, pakaisip-isipin natin nang malalim ang puntong ito: na hindi natin dapat ibatay ang ating kumpiyansa sa katotohanang pinili tayong maging mga anak.

Huwag nating hayaang mailigaw tayo ng maling katuruan sa mga araw na ito. Masasabi kong ang karamihan sa mga katuruan ngayon sa church ay sinusubukang sabihin sa inyo na ang tanging kailangan ninyong gawin ay ang maging anak. Ang maging anak ay mahalaga, mga kapatid. Iyan ang unang hakbang. Ngunit huwag ninyong isipin na ang pagiging anak ang mismong batayan ng kasiguraduhan. Walang Biblikal na pundasyon para riyan, dahil ang pagkakaroon ng pribilehiyo ay may kaakibat na responsibilidad. Mas marami kayong matanggap, mas marami ring hihingin ang Diyos sa inyo. Dahil kayo’y mga anak, mas marami siyang aasahan mula sa inyo. Iyan ang sinasabi niya sa Israel, “Dahil kayo at kayo lamang sa mga tao sa lupa ang kinilala ko, kaya huhusgahan ko kayo.” [Amos 3:1-2] Iyan ang batayan ng kanyang paghuhusga.

Ngayon, isaisip ito nang maigi. Palagi ninyong tandaan na ang talinghagang ito’y hindi isang talinghaga tungkol sa mga nawawalang di-mananampalataya sa Diyos, kundi ito ay isang talinghaga tungkol sa mga nawawalang anak. Subukang mapasaisip itong maigi. Sa kasong ito, ang ‘mga anak’ ay itinutukoy kahit na sa mga Judio, sa dalawang aspeto ng mga Judio: sa mga eskriba’t mga Fariseo sa isang panig at sa mga publikano, mga maniningil ng buwis at mga makasalanan naman sa kanilang panig.

Ang Pagiging Ama ng Diyos – Ang Ating Mapagmahal na Tagapaglikha

Ngunit ngayon, pansinin natin sa kabilang dako ng talinghagang ito ang Pagiging Ama ng Diyos, “the Fatherhood of God..” Ang Diyos ay pinag-uusapan bilang Ama. Nakita na natin na ang salitang ‘anak’ ay ginagamit sa maluwang na diwa, na isinasaad na ang bawat tao ay tumatayo sa isang tiyak na kaugnayan sa Diyos. Kahit ang di-mananampalataya sa Diyos ay tumatayo sa isang ugnayan sa Diyos. Bakit? Paano nangyari iyon? Simple lamang, dahil nilikha siya ng Diyos! Tumatayo siya sa isang relasyon sa Diyos dahil utang niya sa Diyos ang kanyang pagiging buháy. Sa diwang iyon, supling siya ng Diyos, gaya ng sinasabi ni Pablo sa Gawa 17:28. Sa napakaluwang na diwang iyon ng salita, ang Diyos ay Ama rin sa kanya dahil utang niya sa Diyos ang kanyang pagiging buháy. At kaya, ibig sabihin niyan na mananagot ang bawat isa sa Diyos. Sa isa mang diwa o sa isa pa, ang Diyos ay Ama sa bawat tao. Ngunit sa atin, siya ay Ama sa mas malapit na diwa.

Ang Pagiging Ama ng Diyos – Ang Ating Tagapagligtas, Abba Ama!

Mga anak tayo, gaya ng maingat na itinuturo ni Pablo, sa pamamagitan ng pag-ampon. Tumanggap tayo ng “espiritu ng pagkupkop.” (Roma 8:15) Siyempre, mayroon din, gaya ng sinasabi ni Juan tungkol dito, ng ‘kapanganakang-muli’ o ‘regeneration.’ Ginamit iyan upang mangusap ukol sa pagiging anak sa naglalarawang diwa o ‘figurative sense.’ Hindi dapat itong intindihin sa literal na paraan, kundi sa espirituwal na paraan. Iyon ay, mga anak tayo dahil nabago na tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos – tayo ay “naipanganak na muli.” Ngunit mas gustong sabihin ni Pablo ang tungkol sa “bagong nilalang”, na tayo’y naging mga bagong nilalang kay Cristo, gaya ng sinasabi sa 2Corinto 5:17.

Ngunit sa pagkita na ang Diyos ay Ama sa atin, sa alinman sa dalawang diwa, at para sa ating mga Cristiano, sa mas malalim na diwa kaysa sa di-Cristiano, ano ang pakikitungo o ‘attitude’ natin sa Diyos? Sa anong ugnayan o ‘relationship’ tayo nakatayo kasama siya? Ano ang pakikitungo natin sa kanya? Lubos na binibigyang-diin ng katuruan ng Panginoong Jesus ang puntong ito: ang Pagiging Ama ng Diyos. Isang napakahalagang punto nito sa katuruan ng Panginoong Jesus.

Ipino-point out ng Biblia sa atin – at kahit sa katuruan ng Panginoong Jesus itinuturo rin niya ito – na nagmamalasakit din ang Diyos para sa di-Cristiano. Halimbawa, sa Sermon sa Bundok, sinasabi niyang nagpapaulan din ang Diyos sa masasama at sa mabubuti, sa matutuwid at sa di-matutuwid. Hindi lamang siya nagpapaulan sa mga Cristiano. Pinapasikat niya ang araw sa di-Cristiano gaya rin sa mga Cristiano. Dahil siya, bilang Ama sa maluwang na diwang iyon, ay nagpupunan ng mga pangangailangan ng buong sangnilikha niya, kasama na rin kahit ang mga ibon sa himpapawid, kasama ang mga bulaklak sa parang. Ngunit kung gayon, paano naman natin tratuhin ang Diyos bilang Ama?

Tayo, bilang mga Cristiano, ay nakatayo sa isang mas malapit na diwa sa Diyos, dahil kilala natin siya hindi lamang bilang Tagapaglikha, kundi bilang Tagatubos din. Nakaugnay tayo sa kanya sa isang uri ng dalawang magkapulupot na kurdon ng pagiging anak: pareho bilang Tagapaglikha at bilang Tagatubos. Maaari nating tawagin ang Diyos bilang “Abba, Ama.” Hindi lamang bilang “Ama”, kundi bilang “Abba, Ama!”

Ngayon, iyan ang katangi-tanging elemento ng katuruan ng Panginoon. Ang “Abba” ay ang sinasabi namin sa Mandarin bilang “Baba”. Palagay ko ay naibahagi ko na sa inyo na sa ‘dialect’ na Shanghainese, sa katunayan ay mayroon kaming sinasabing halos eksaktong gaya ng sa Aramaic, ng sa Hebreo. Ang sinasabi namin sa Shanghainese ay “Ah-ba”, na lubos na mapagmahal na paraan ng pagtawag sa isang ama. Minsan sasabihin naming ‘Dia-dia’ ngunit sinasabi rin naming, ‘Ah-ba’. Eksaktong katulad ng “Ah-ba” ang pagtawag sa Hebreo na “Abba”. “Abba, Ama!” Marahil nanggaling ang Shanghainese mula sa Hebreo, hindi natin alam. Kaya, nakikita natin na mayroong napakagandang bagay tungkol dito.

Ngayon, hindi makakatawag ang di-Cristiano sa Diyos bilang “Abba, Ama.” Hindi niya maaaring sabihin iyon dahil masasabi lamang ninyo iyon kapag nasa sa inyo na ang Espiritu ng Diyos. Isinasaad ng ‘Abba’ ang isang madikit na relasyon na hindi kailanman mae-enjoy ng di-Cristiano. Wala siyang gayong buháy na relasyon sa Diyos. Nakatayo lamang siya sa isang pormal na relasyon sa Diyos, sa diwang ang Diyos ay Ama niya sa maluwang na diwa, sa diwang iyon na utang niya ang kanyang pagiging buháy sa Diyos. Ngunit hindi siya nakatayo sa madikit na relasyong ito na nae-enjoy ng isang batang tunay na may komunikasyon sa kanyang ama.

Hindi kayo pupunta sa isang estranghero at sasabihing, “Daddy.” Titingnan niya kayo at sasabihing, “Sino ka? Bakit mo ako tinatawag na ‘Daddy’? Sinong nagbigay sa iyo ng karapatang sabihin iyan?” Ngunit makakapunta kayo sa inyong sariling ama at sabihing, “Daddy.” Masaya siya riyan. Walang problema sa kanya dahil sa kanya mayroon kayo nitong madikit na relasyon sa isa’t-isa.

Mga Nawawalang Anak – Nasaan ang Ating Kasalanan?

Para sa aming mga Intsik, ang maaaring pinakamalaking kasalanan na maiaakusa laban sa isang Intsik ay ang masabing siya’y ‘bu xiao’, iyon ay, hindi iginagalang ang kanyang mga magulang. Ngayon, kung masasabi ninyo na ang isang bata ay ‘bu xiao’ – kahit sa mga Intsik lang – ibig sabihin, iyon na ang pinakamasahol na bagay na masasabi tungkol sa sinuman. Hindi masyadong mahalaga kung siya man ay isang magnanakaw sa isang bangko, basta siya ay ‘xiao’. Ibig sabihin, masasabi pa ring magalang siya sa mga magulang niya. Mapagmahal pa rin siya sa mga magulang niya. Halos mapapatawad ninyo siya sa pagnanakaw sa bangko kung ginawa niya ito para sa kanyang ama. Ang ibig kong sabihin, sa palagay ko’y magiging magaan ang sentensya ng isang hukom, magiging maawain siya, sa sinumang talagang gumagawa nito dahil sa ‘xiao’.

Sabihin na natin na ang ama niya ay may malubhang sakit at hindi niya kayang magbayad ng mga bayarin, kaya ang anak ay nagnakaw sa bangko. Sa palagay ko, ang hukom ay malamang na magiging maawain – kahit papaano para sa isang hukom na Intsik – kung nagawa ito dahil sa ‘xiao’. Ngayon, kung masasabi ninyo sa isang tao na siya’y ‘bu xiao’, wala na siyang pag-asa. Basta’t mga Intsik ang pinag-uusapan, wala man lamang sementeryong paglilibingan sa kanya. Hindi siya karapat-dapat na makita pa sa ilalim ng langit. Tapos na siya.

Kung naiintindihan natin ito, paanong nangyari na hindi pa rin natin naiintindihan na utang natin – nang higit pang mas pundamental – ang ating pagiging buháy sa Diyos! Ang Diyos ay Ama natin sa mas pundamental na diwa kaysa sa ating sariling pisikal na ama.

Tingnan ang sangnilikha at isipin ang pinagmulan nito. Isipin ang mga prutas na kinakain ninyo. Kamangha-mangha! Tingnan ang isang orange – ang galing ng pagkakasalansan ng laman nito. Ito ay nakasalansan sa paraang mayroong balat na ‘waxy’ sa labas, malakandila, kaya nananatili ang pagkasariwa nito sa matagal na panahon. Kapag binalatan ninyo ito upang buksan, makikita ninyo na maayos ang mga seksyon nito sa loob; tamang-tama lang ang bawat ‘segment’ sa isang kagat o sa pagpasok sa inyong bibig. Hindi ninyo na kailangan pang subukin na ipasok ang buong orange sa inyong bibig. Bawat ‘segment’ ay tamang-tama lamang ang laki. At sa bango nito, sa ‘aroma’ nito, walang magaling na tagapagluto ang makakagawa ng ganitong bango.

Maaaring subukin ng isang ‘chemist’ na gayahin ang lasa ng ‘orange’, ngunit ang lasang iyon ay walang pagkakatulad sa ginawa ng aking Ama sa kanyang panglangit na kusina. Alam agad ninuman ang kaibahan; maaaring sing-lasa ng orange, ngunit alam ninyong kemikal lamang ito. Ngunit ang totoong orange ay perpekto sa lasa at sa tamis! Hindi ito masyadong matamis na magdidikit-dikit ang loob ng inyong bibig. Minsan kakain kayo ng kendi at hindi na ninyo mabubuksan agad ang inyong bibig. Magnguya kayo ng ‘toffee’ at magdidikit-dikit ang inyong mga ngipin. Napakaraming asukal nito. Masyadong malagkit. Ngunit ang orange ay di-masyadong matamis; ito’y perpektong balanse. Ang bango niyon, ang disenyo niyon, ay tunay na perpekto!

Pagkatapos, sa sangnilikha ng Diyos, mayroon kayong iba’t-ibang uri ng lahat ng bagay. Halimbawa, iba rin ang mansanas. Kapag kinagat ninyo ito – gaya ng alam ng lahat – nililinis nito ang mga ngipin ninyo, minamasahe nito ang mga gilagid ninyo. Ang lahat ay nakadisenyo na may layunin. Isipin na lamang ang mga iba-ibang lasa! Ngayon, halimbawang iisang uri lamang ng prutas ang ginawa ng Diyos, baka sasabihin ninyong, “Mayroon pa bang ibang makakain?” Pero, sa mundong ito, may napakaraming uri ng mga prutas! Bawat isa ay mayroong sariling lasa, sariling tamis, sariling sarap!

Natikman na ba ninyo ang peach? Wow! Fantastic! Napakasarap ng lasa! Maraming beses, sa pagkain ko ng peach, ang tanging salitang nasasabi ko upang ito’y ilarawan ay ‘fantastic’! Bawat isa ay iba – may malutong, may malambot. Hindi sila lahat pare-pareho sa ‘texture’. Iba-ibang lasa pero pare-pareho ng ‘texture’ – maaari pa ring maging ‘boring’ iyon. Ngunit bawat isa ay iba-iba ang texture: may malulutong, may malalambot. Tunay na kamangha-mangha ito!

Kapag kinakain ninyo ang mga prutas na iyon, iniisip ba ninyo ang pinanggalingan ng mga ito, kung saan nagmula ang mga ito? O binabalewala lamang ito? Isinusubo lang ba ninyo ito sa inyong bibig? Kung gayon, tunay na hindi pa ninyo naiintindihan kung ano ang galak sa buhay. Napakagandang maging Cristiano dahil ito ay napakamakahulugan. Napakagaling! Sa isip ko, ang hindi maging Cristiano ay ang mamuhay lamang ng munting bahagi ng inyong buhay. Hindi ninyo talaga mae-enjoy ang buhay. Hindi ninyo mae-enjoy ang kagandahan, ang disenyo, ang layunin, at ang pagkakagawa ng mga bagay-bagay.

Tingnan ang bulaklak. Ano ang maibibigay na silbi ng bulaklak? Lubos na naiisip naming mga Intsik ang silbi ng mga bagay-bagay. Palagi naming iniisip na, “Ano ang praktikal na gamit nito? Kung wala itong silbi, kalimutan na ito! Bibigyan ninyo ako ng isang kumpol ng mga bulaklak; titingnan ko ang ito nang may pagkasuya. Anong magagawa ko sa mga bulaklak? Hindi ko naman makain ang mga ito. Hindi naman ako makakagawa ng damit mula sa mga bulaklak. Ang ibig kong sabihin, ano ba ang ginagawa sa mga bulaklak? Sayang, walang-silbi ito!”

O tingnan ang bilang ng mga punong-kahoy. Alam ninyo, mula nang dumating ako sa Canada, tunay na natuto akong masiyahan sa mga punong-kahoy. Kamangha-mangha na nakapaglakbay ako sa buhay na hindi man lamang tumitingin sa mga punong-kahoy. Para sa akin noon, pare-pareho ang mga punong-kahoy; isa lamang itong berdeng nakaumbok doon. Gayon lamang iyon, hanggang nag-umpisa akong tumingin sa mga punong-kahoy, at natanto ko na napakaraming uri ng mga punong-kahoy! Daan-daang uri ng mga puno! Bawat dahon ay iba ang hugis, iba-iba ang disenyo. Nagbabago ang mga kulay sa taglagas [autumn]. May iba’t-ibang silbi ang bawat punong-kahoy: matitigas ang kahoy ng ilan at malalambot naman ang sa iba. Kung ang mayroon lang tayo ay ang mga malalambot na kahoy, magkakaproblema tayo sa pagpapatayo ng mga bahay. Iba’t-iba ang hugis ng bawat isa, iba’t-iba ang uri. Iba-iba rin ang mga kulay ng kahoy, pati na ang haspe o ’grain’ nito. Kamangha-mangha!

Gaya ng kasabihang Intsik, “Kapag uminom ka ng tubig, isipin mo ang pinagmulan nito.” Isipin ito. Para sa akin, tunay na napakaganda ang maging isang Cristiano. Tunay na isang exciting na buhay ito, lalo na kung ginagawa kung ano ang itinuro sa aming gawin bilang mga Intsik: Isipin ang pinagmulan ng mga bagay na ito. Iniisip ko ang pinagmulan ng lahat ng ito at pagkatapos nagkakaroon ako ng isang pusong sumasamba, ng may malaking paggalang, ng may ‘xiao’, ng may kabanalan tungo sa Diyos, at sinasabi kong, “Salamat, Diyos ko. Tunay na kamangha-mangha ang iyong mga kaparaanan. Tunay kang kamangha-manghang Ama sa akin. Gayon ang iyong awa at habag sa akin – ang iyong kagandahang-loob, ang iyong kabutihan!” Ah, tunay na kamangha-mangha! Mas lalo pa kayong nakakaintindi, mas lalo pang kamangha-mangha ito.

May kaibigan akong nag-aral ng ‘physics’. Sinabi niya na mas lalo pa siyang mag-aral ng ‘physics’, mas lalo naman siyang napupuno ng kamanghaan sa kahanga-hangang sangnilikha ng Diyos. Tunay na napupuno siya ng debosyon. May isa pa akong kaibigang nag-aral ng medisina. Isang araw, nag-uumapaw siya sa galak. “Tunay na kahanga-hanga! Kamangha-mangha – ang disenyo ng Diyos!” Nagtaka ako kung anong sinasabi niya. “Ang hugpong ng tuhod! Ang knee joint!” Sa totoo lang, hindi ko kailanman naisip ang tuhod bilang kahanga-hanga. Sadyang hindi ko taglay ang pinakamagandang pares ng tuhod dito. Para bang isang buto lamang ito na nakaumbok doon sa harap. Ngunit siya ay puno ng papuri rito, “Ang disenyo ng tuhod ay kamangha-mangha! Ito’y marvelous!” Hanggang sa puntong iyon, wala pa akong nakikitang sinuman na na-excite tungkol sa mga tuhod. Pero oo, tunay na kahanga-hanga ang tuhod.

Mas lalo kayong magkaroon ng kaalaman sa sangnilikha ng Diyos, mas lalo naman ninyong maiintindihan ang disenyo at layunin nito, at mas lalo itong magiging exciting. Ang problema sa atin ay ang pagiging ignorante. Iyan ang problema sa atin. Kung makaintindi man lang sana tayo nang mas higit pa, ang kamangha-manghang istruktura ng ating utak, ang istruktura ng ating buong katauhan at layunin, ang paraan ng pagkakadisenyo ng lahat ng bagay – magkakaroon tayo ng ‘xiao’, sasambahin natin ang Diyos, sasabihing, “Diyos, tunay na napakabuti mo!”

Ngayon, tungo sa ating mga magulang – napakalaki ng utang natin. Naging napakabuti nila sa atin. Naging napaka-gracious nila sa atin at dapat natin silang igalang at bigyan ng respeto na nararapat sa kanila. Ngunit mas lalo pa ang utang natin sa Diyos na siyang Ama ng lahat ng mga ama, ang magulang ng lahat ng mga magulang! Gaya ng sinasabi sa Biblia, “Siya ang Ama ng lahat ng mga ama.” [Tingnan sa Malakias 2:10, Hebreo 12:9 at Efeso 4:6]

Ang Diyos – Ang Lubos na Napakamaawaing Ama

Ngayon, dinadala tayo nito sa susunod na punto ng talinghagang ito. Ito’y ang pagpapakilala sa Diyos bilang isang Ama na lubos na napakamaawain. Gaya ng nasabi ko na nang nakaraan, kailangan nating itama ang ating pagkaunawa sa Diyos. Kaming mga Intsik, palagi kaming may kaisipan tungkol sa Diyos bilang ‘Shang Di’. Ang ibig sabihin ng ‘Shang Di’ ay ang ‘Diyos’, ang Emperador sa itaas (‘Shang’ ay sa itaas at ‘Di’ ay ang emperador). Iginagalang namin ang Diyos at nirerespeto siya at kinakatakutan siya bilang ‘Shang Di’, ang Emperador na mataas sa lahat ng mga emperador.

Mayroon kaming mga Intsik ng ‘Tiān Tan’ [Templo ng Langit] sa Peking [Beijing na ngayon]. Binisita ko ang Tiān Tan noong estudyante pa lamang ako sa Peking. Lubos akong namangha sa Tiān Tan. Napakaganda nitong istruktura. Sa loob ng isang bahagi nito, mayroon doong gusali na wala man lang naroroon maliban sa mga salitang ‘Shang Di’, Diyos – ang Emperador ng Langit! Bilang mga Intsik, nakasanayan na naming isipin ang salitang ‘Di’, ang emperador, bilang kasindak-sindak na nilalang, na puno ng kapangyarihan; hindi namin iniuugnay ang ideya ng pagiging maawain sa Emperador. Ngunit sa Biblia, kailangan nating matuto na mag-isip sa ibang paraan: lubos na napakamaawain ang Diyos!

May kaalaman kami na, isang beses kada taon pumupunta ang Emperador sa Tiān Tan at nag-aalay ng sakripisyo sa Diyos. Tunay na kahanga-hanga na sa China, kahit bago pa sa panahon ng Biblia, mayroon nang kaisipan sa iisang Diyos, ‘Shang Di’, na kung minsan ay sinasambit sa mga lumang-lumang classics bilang ‘Tiān’, Langit, eksaktong katulad sa Biblia. Sa Mateo, may salitang ‘langit’, na sa katunayan ay itinutukoy sa ‘Diyos’; ito’y isang Hebreong pantukoy o ‘metonym’ sa Diyos. Pareho ring bagay ito sa Intsik: itinutukoy ang ‘Tiān’ sa Diyos, hindi lamang sa himpapawid, ang ‘tiān.’ Mas malayo pa kayong magsiyasat pabalik sa lumang classics, matatagpuan ninyong palaging itinutukoy ang ‘Tiān’ sa Diyos. Halimbawa, sa isang kasabihan sa Intsik: “Nasa tao ang pagpaplano, nasa ‘Tiān’ ang pagsasagawa”, iyon ay, nasa Diyos – hindi nasa ‘himpapawid’ – ang pagsasagawa. Kaya mayroon kaming malinaw na kaisipan sa China tungkol sa Diyos.

Pumupunta noon ang Emperador upang mag-alay ng sakripisyo sa Diyos dahil naintindihan niya na, una sa lahat, utang natin ang lahat ng bagay sa Diyos – naintindihan niya iyan! – at utang natin sa Diyos ang ‘allegiance’ o ang pagiging tapat natin sa kanya. At kaya, may diwa na ang Diyos ay nakakamangha. Nakakalungkot na ang konsepto ay hindi masyado bilang ‘ama’, kundi bilang ‘emperador’. Ngunit nakikita sa Lucas 15:20 ang salitang ‘awang-awa.’ Dito, gusto kong bigyan ninyo ng pansin ang kagandahan ng Biblikal na katuruan tungkol sa awa o habag [compassion].

Mga Reperensiya Ukol sa Habag sa Bagong Tipan

Sa Bagong Tipan, ang salita na naisalin dito bilang ‘compassion’ sa Ingles, o awa o habag sa Tagalog, para sa mga ilan sa inyo na may kaalaman sa Griyego, ay ‘splagchnizomai’ na galing sa Griyegong salitang ‘splagchnon’ na ang ibig sabihin ay ang nasa kaloob-loobang mga bahagi ng katawan, na ang tinutukoy ay ang puso, ang atay, at mga baga. Tinawag itong ‘splagchnon’, ang bituka, ang malalalim na bahagi ng tao.

At pagkatapos, bilang paraan ng paghalintulad o ‘metaphor’, ang naging kahulugan nito ay ang malalalim na damdamin sa loob ninyo. At kaya, ibig sabihin nito ay awa o habag [compassion] sa diwa na nararamdaman ng Diyos tungo sa atin sa kaloob-looban niya. “God feels for us with his inward being.” Isinasaad nito ang kalaliman ng nararamdaman. Ginagamit lamang ang salitang ito kapag gusto ninyong iparamdam ang malalalim na damdamin, hindi kahit ano na lamang uri ng damdamin. Iyan ang salitang ginamit dito sa talinghaga. Mayroong awa at habag ang Ama, iyon ay, sa loob ng Ama ay mayroong diwa ng malalim na pakiramdaman ng pakikidalamhati, ng pakikisimpatiya, ng pakikisama sa damdamin para sa nawalang anak na ito na ngayo’y nagsisisi na.

Ngayon, ginagamit ang salitang ito sa Bagong Tipan, na nakakaaliw, na may partikular na reperensiya sa Panginoong Jesus, maliban sa Talinghaga ng Nawawalang Anak:

  1. Ang unang pagkakagamit nito’y sa Mateo 9:36 kung saan tiningnan ng Panginoong Jesus ang napakaraming tao, at sinasabi roon na, “...nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay… gaya ng mga tupa na walang pastol.” Kapag tinitingnan niya tayo rito, makakasiguro kayo na tinitingnan tayo ng Panginoong Jesus na may malalim na nararamdaman, malalim na habag, bilang mga taong nangangailangan ng isang pastol.
  2. Ang pangalawang pagkakagamit nito ay ukol sa pagpapakain ng napakaraming taong gutom sa ilang. Nang nakita niya ang kanilang pagkagutom at ang kanilang pangangailangan sa ilang, nahabag siya sa kanila. Ang dahilan kung bakit pinakain niya ang mga tao ay hindi dahil gusto niyang gumawa ng isang milagro. Iyan ang palaging maling kaisipan. Sinasabi sa atin ng Biblia na pinakain niya ang 5,000 na tao dahil mayroon siyang habag sa kanila. Nalungkot siya na sila’y gutom. Mababasa ninyo iyan sa Mateo 14:14 at Mateo 15:32.
  3. Ang pangatlong pagkakataon na makikita natin sa Ebanghelyo na nagsasabing mayroong awa o habag ang Panginoong Jesus ay nang nahabag siya sa isang ketongin. Hindi pinaglalaanan ng panahon ng maraming tao ang mga ganitong uri ng tao – mga pangit na tao, punong-puno ng mga sugat sa kanilang mukha’t katawan. Nasa labas ng lipunan ang mga ketongin; mga ‘social outcasts’ sila. Walang nais lumapit sa kanila sa takot na sila’y makokontamina. Tiningan ng Panginoong Jesus ang ketongin at naawa siya sa kanya. Iyan ay nasa Marcos 1:41.
  4. Ang pang-apat na pagkakataon na nasabing nahabag ang Panginoong Jesus, ng may ganitong malalim na nararamdaman, ay tungo sa dalawang bulag na lalaki sa Mateo 20:34. Tiningnan niya ang dalawang bulag na ito ng may habag. Ang maging bulag ay kinokondena sa pagiging manlilimos dahil, sa lipunang iyon, hinding-hindi sila makakahanap ng trabaho. Kailangang igugol ninyo ang buhay ninyo sa pamamalimos.
  5. Ang panglimang pagkakataon na sinabing nagkahabag siya ay tungo sa balo ng Nain, ang balong namatayan ng kaisa-isang niyang anak na lalaki. Naglalakad siya sa mga kalsada na sinusundan ang bangkay ng kanyang namatay na anak tungo sa libingan, umiiyak sa pagkawala ng kaisa-isa niyang anak. Napadaan ang Panginoong Jesus at tiningnan ang balo at nahabag sa kanya. Malalim ang naramdaman niya para sa babae. Pinatigil niya ang prusisyon at binuhay-muli ang anak ng babae. Muli, gumawa siya ng milagro, hindi dahil sa gusto niyang ipruweba na kaya niyang buhaying muli ang patay. Hindi kailanman naglibot-libot si Jesus upang pahangain lamang ang sinuman; hindi niya kailanman sinubok na ipruweba ang anumang bagay. Ginawa niya ang mga bagay na ito dahil sa awa o habag. Tandaan ninyo iyan. Binuhay niyang muli ang anak ng babae dahil naawa siya sa kanya. [Lucas 7:13.]

Ang Salitang ‘Awa’ o ‘Habag’ sa Katuruan ng Panginoong Jesus

Ginamit din ito ng 3 na beses sa mismong katuruan ng Panginoon:

  1. Ang una, sa Talinghaga ng Mabuting Samaritano, sa Lucas 10:33, “at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.”
  2. Pangalawa, sa ating talinghaga ngayon sa Lucas 15:20, kung saan awang-awa ang ama sa kaawa-awang hitsura ng kanyang anak na nanumbalik na payat, pagod, nakasuot ng gutay-gutay na damit, at nakapaa pa. Iyan ang kanyang anak at nahabag ang ama sa kanya.
  3. At panghuli, sa Mateo 18:27, kung saan hindi nakayanang bayaran ng alipin ang utang niya at nahabag ang kanyang panginoon at pinatawad siya. Iyon nga lamang, hindi naman nagkahabag ang aliping ito sa iba.

Ang lahat ng magandang larawan dito ng Pagiging Ama ng Diyos, na nagsasaad ng malalim na panloob na habag, ay napakagandang nailarawan sa buhay ni Cristo at sa kanyang katuruan. “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.” (Juan 5:19) At ang mga salita sa Lucas 6:36, “Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama (sa langit) na maawain”, ay nagbubuod ng lahat ng ito para sa atin. Ang ating Ama ay mahabagin. Kaya, dito, nakikita natin ang magandang larawan ng pagiging anak ng tao at ang Pagiging Ama ng Diyos.

Ang Tatlong Talinghaga – Bawat Isa’y May Puntong Pantulong

Patungkol sa usapin ng kaligtasan, napansin natin na sa dalawang naunang talinghaga ng Nawawalang Tupa at ng Nawawalang Pilak, sa bawat kaso, ang pilak na salapi at ang tupa ay ‘passive’ o walang ginagawa. Ang pastol ang gumagawa ng lahat, o ang babae ang gumagawa ng lahat. Ngayon dito, mayroon tayong isang mahalagang prinsipyo sa pag-unawa ng mga talinghaga. Ito ang puntong kailangan ninyong tandaan: na bawat talinghaga ay nagpiprisinta ng isang punto, isang pundamental na punto. Huwag kunin ang isang talinghaga na para bang itinuturo na nito ang lahat ng mga bagay. Hindi! Bawat talinghaga ay naglalarawan ng isang punto.

Kung kukunin lamang ninyo ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa, halimbawa, hahantong kayo sa maling doktrina – at kailangan ko kayong bigyang-babala riyan – na ginagawa ng Diyos ang lahat at walang ginagawa ang tao tungo sa kaligtasan. Ibig sabihin, lubos na walang ginagawa o ‘passive’ ang tao. Nakaupo lamang siya roon at hinihintay na iligtas siya ng Diyos. Kasi, ‘di ba, ano bang ginagawa ng tupa sa unang talinghaga? Walang ginagawa ang tupa. Nakaupo lamang ito roon at walang ginagawa. Hinihintay na lamang niya ang pastol na dumating at iligtas siya. Ngayon, kung diyan lamang kayo magtataguyod ng isang doktrina ng kaligtasan, hahantong kayo sa isang porma ng ‘Calvinism’: ang kawalang ginagawa ng tao sa harapan ng aktibidad ng Diyos. Ngunit tingnan ninyo, ang naunang dalawang talinghaga ay nabubuo gamit bilang pantulong ang pangatlong talinghaga.

Sa Talinghaga ng Nawawalang Anak, ang ating pinag-aaralan, makikita ninyo na sa katunayan, ang ama ay ang walang ginagawa. Nanatili lamang siya sa bahay na walang ginagawa, maliban sa pagtanaw sa bintana para sa kanyang anak. Ang anak ang gumawa ng lahat ng bagay; siya ang nagsisisi. Siya ang nagpapasya kung anong sasabihin niya sa ama. Siya ang nanunumbalik sa ama.

Ngayon, kung magtataguyod naman kayo ng isang doktrina ng kaligtasan dito lamang sa talinghagang ito, kayo’y magiging tabingi rin dahil sasabihin ninyo na, kung gayon, ginagawa lamang ng tao ang lahat ng bagay at walang ginagawa ang Diyos. Hindi! Kailangan ninyong pagsama-samahin ang lahat ng tatlong talinghaga upang magkaroon kayo ng kumpletong larawan.

Uulitin kong muli na nakasalalay ang mali ng ‘Calvinism’ sa eksaktong puntong ito: ang kamaliang pagtutuon lamang sa unang dalawang talinghaga at hindi isama ang pangatlong talinghaga, Ang Talinghaga ng Nawawalang Anak, at kaya, sinasabi nila na ginagawa raw lahat ng Diyos at wala na kayong gagawin pa. Uupo na lamang daw kayo at hihintayin na iligtas kayo ng Diyos. Sa katunayan, maski raw ang inyong pananampalataya ay isang kaloob din. Wala man lamang daw kayong anumang pananampalataya; ito’y ibinibigay sa inyo, at kaya, kahit sa pananampalataya, kayo’y ‘passive’ din. Ngayon, iyan ay lubos na pagmamalabis at talagang hindi-tama ayon sa Kasulatan. Hindi man lamang itinuturo ng Panginoong Jesus ito.

Pagsisisi – Ang Magising sa Spiritual Truth ng Pag-ibig ng Diyos

Itinuturo ng Panginoong Jesus na ang nag-udyok tungo sa pagsisisi ng anak ay ang alaala ng pag-ibig ng ama. Sa buong talinghaga, pansinin na ang anak ang aktibo, hanggang sa puntong magbalik siya sa tahanan. Napakahalagang maintindihan ito. Sa sandaling makita natin ito, mapapansin din natin na ang pagsisisi ay isang estado ng pagkagising – pagkagising sa espirituwal na katotohanan! Gaya ng napansin na natin sa b.17, sinasabi nitong, “nang siya’y matauhan.” Nagising siya!

Napakahalaga niyan. Kung hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kagaya ninyo itong alibughang anak na natutulog pa rin. Hindi pa kayo natatauhan. Hindi pa ninyo nauunawaan ang espirituwal na katotohanan. Nabubuhay pa rin kayo sa isang panaginip. Panahon na upang magising sa katotohanan ng Diyos! Ngayon, ang ilang tao ay hindi natatauhan ni nagigising hangga’t hindi sila nakakatikim ng malakas na dagok. Ang anak na ito ay hindi natauhan. Nabubuhay pa siya sa kanyang huwad na mundo, hanggang humantong siya sa gulong kinahantungan niya.

Alam ninyo, ang talinghagang ito ay tungkol sa aking sarili, ako mismo ito. Nabuhay ako sa isang huwad na mundo. Inisip ko ang sarili ko bilang isang taong tunay na agnostiko o ‘agnostic’ [taong naniniwala na imposibleng malaman o mapatunayan na mayroong Diyos] o isang ateista o ‘atheist’ [taong naninindigang hindi totoong mayroong Diyos], alinman sa dalawa. Nag-atubili ako sa dalawa. Kung pilosopiya ang pag-uusapan, mas kagalang-galang ang agnostisismo o ‘agnosticism.’ Hindi kagalang-galang ang ateismo o ‘atheism’; wala itong batayang pilosopikal na mapapanindigan. Ngunit nag-atubili ako sa dalawang iyan. Nabuhay ako sa huwad na mundong ito na itinaguyod ko para sa aking sarili, hanggang humantong ako sa problemang ito na hinantungan ng alibughang anak, hanggang nakaupo ako isang araw sa isang ‘Communist prison camp’. At pagkatapos, natauhan ako! Sinabi kong, “Anong ginagawa ko rito?”

Gaya ng alibughang anak, nasabi kong, “Anong ginagawa ko rito? Ako, na maaari sanang nasa tahanan kasama ng aking ama at namumuhay sa masaganang buhay na ito, ay nakaupo rito ngayon kasama ang mga baboy.” Iyan ang kalagayan ko noon. Nakaupo ako roon sa prison courtyard na binabantayan ng isang machine gun ng mga Comunista. At bigla akong natauhan! Kinailangan kong mapunta sa ganoong uri ng gulo upang matauhan ako. Ang sinabi ko sa sarili ko, “Anong ginagawa ko rito?” Pagkatapos, tumingala ako at sinabi kong, “Ano kaya ang tungkol sa Diyos, ang Diyos na hindi ko pinaniniwalaan?” At sa pinakauna-unahang pagkakataon, sinabi ko sa aking sarili, “Alam ko kung anong sasabihin ko. Sasabihin ko sa Diyos ang ganito.” Bumalangkas ako ng isang panalangin sa aking isip at pagkatapos ay ipinalangin ko iyon. Nanumbalik ako! Namangha ako sa pagkakitang lubos na mahabagin ang Diyos. Ang Diyos na pinakitunguhan ko sa nakakahiyang paraan ay lubos na mahabagin.

Ang Kasalanan ng Alibughang Anak – Tinalikuran Niya ang Ama Niya

Maaaring hindi ninyo iniisip na nakagawa kayo ng anumang kasalanan. Tingnan ninyo itong alibughang anak. Noong iniwan niya ang kanyang tahanan, ininsulto ba niya ang kanyang ama? Inabuso ba niya ang kanyang ama? Minura ba niya ang ama niya? Hindi! Ninakawan ba niya ng anumang bagay ang ama niya? Hindi! Hiningi niya ang kanyang bahagi ng mana at nakuha nga niya ito. Marahil ang ginawa niya ay nakakahiya at sa paraang walang galang, ngunit hindi ito ilegal. Hindi ito kasalanan. Wala siyang nilabag na batas.

Paano natin titingnan ang sitwasyong ito, kung gayon? May pagkagaspang ba siya sa kanyang pag-aasal tungo sa kanyang ama? Wala! Kaya, hindi siya nagnakaw; di siya pumatay ng tao; wala siyang ginawang anumang masama. Ano ang kasalanan niya? Ano ang ginawang mali ng alibughang anak? Tanging isang bagay lamang: tinalikuran niya ang ama niya. Iyan ang kanyang ginawa.

Anong ginagawa ninyong masama bilang di-Cristiano? Ang krimen ba ninyo’y ang pagpatay ng tao? Nagnakaw ba kayo? Nagnakaw ba kayo sa bangko? Hindi! Ito’y ang pagtalikod ninyo sa Diyos. “Bu xiao” kayo sa pangunahing diwa. Itinatwa ninyo ang kaluwalhatiang para sa Diyos, ang Ama sa lahat ng mga ama, na siyang pinanggagalingan ng buhay natin. Iyan ang krimen. Iyan ang aking krimen. Iyan ang ginawa ko noon.

At marahil nakagawa pa ako ng mas higit pa kaysa riyan: ininsulto ko ang mga Cristiano; pinagkatuwaan ko ang mga Cristiano; ngunit hindi ko tinawag ang Diyos ng kung anu-anong pangalan. Hindi ako nagnakaw; wala akong pinagnakawan nang may dahas; wala akong ginawang anumang ganyan. Ngunit ginawa ko ang pinakamasamang bagay sa lahat: tinalikuran ko ang Diyos! Ipinakita ko ang aking likod sa kanya at sinabing, “Wala akong panahon para sa iyo. Tutungo ako sa daang ito. Paalam.”

Ngunit noong nanumbalik ako sa kanya – alam kong wala akong karapatang kausapin siya – oh, gaanong kalaki ang habag niya! Patakbo siyang sumalubong sa akin. Nakatagpo ko ang Diyos, sa lahat pa ng mga lugar, sa isang Communist prison camp. Isang kamangha-manghang lugar! Masasabi ko na tunay na pinapasalamatan ko ang Diyos para sa mga Comunista sa diwang ito. Kung hindi kailanman dumating ang mga Comunista, baka hinding-hindi ako magiging Cristiano. Masdan ito, may layunin sa buhay ang lahat, kahit pa ang mga Comunista. Kung hindi naging Comunistang bansa ang China, sa palagay ko’y hindi ako kailanman magiging Cristiano.

Nagamit ang lahat ng ito upang magising ako sa totoong kalagayan ko noon. Nagising ako, lumabas mula sa pagkakatulog, at nakatagpo ko ang Diyos. Hindi ko talaga makayang ilarawan ang pagkakatagpo ko sa Diyos na iyon – nakaupo roon sa courtyard na iyon – ngunit sa kamangha-manghang karanasan na iyon sa prison courtyard, nakatagpo ko ang Diyos. Nakipag-usap ako sa kanya. Naranasan ko siya sa paraang hindi mauunawaan ng sinumang hindi pa nakakaranas sa Diyos. Walang paraan upang mailarawan ko ang bagay na ito: nakapalibot noon ang Diyos sa akin at napuno ng saya ang buong katauhan ko, isang kagalakang hindi ko maintindihan. Walang lohikal na paraan upang maintindihan ko ang pagkakatagpo kong ito sa Diyos.

Napakaraming mga kayamanan dito ngunit kailangan ko nang magtapos, at kaya, kailangan ko nang igsihan ang huling punto rito. Maisasalarawan din ang puntong ito mula sa mismong karanasan ko sa prison camp. Nang sa wakas ay nai-deal na ako ng Diyos, sa pagbaba niya sa akin sa pinakamababa, sa mababang lansangan, ay doon ako naging handa na makatagpo siya.

Ano ang palagay ninyo rito? Kung ang anak na ito, habang nakaupo siyang kasama ang mga baboy, ay naisip niyang, “Hmm, anak pa rin naman ako, ‘di ba? Chang pa rin ang apelyido ko, ‘di ba? Chang siya, Chang din ako, kung gayon, anak pa rin ako! Ibig kong sabihin, kung pupunta ako sa isang korte, maitatanggi ba niyang ama ko siya at ako’y anak niya?” Halimbawang ipinasya ng anak na, “Babalik ako at sasabihing, ‘Sige na, Dad! Kahit anupamang nangyari, alam mo pa rin na ako ito, si Sonny Boy. Kilala mo ako, ‘di ba? Marumi na ako ng kaunti ngayon, pero Chang pa rin naman ang apelyido ko, ‘di ba? At Chang rin ang pangalan mo, di ba? Ikaw ang Dad ko. Ibig kong sabihin, hindi mo maitatanggi iyan. Narito ang birth certificate ko. Tingnan mo! Heto ang pagpapatibay!’”

Ang Pagiging Anak ay Grasya – Grasyang Hindi Maaaring Ipagpilitan

Sa isip ko, napakaraming mga Cristiano ang nag-aasal ng ganito. Iniisip nilang haharap sila balang-araw sa Diyos sa langit, at sasabihing, “Tingnan mo, narito ang aking baptismal certificate. Nabautismuhan ako sa church na ito. Isang napakabuting church nitong Gospel Church sa Montreal. Hindi masamang lugar ang mapuntahan ito. At tingnan mo ang petsa rito. Sertipikado ito – heto! Nariyan ang pirma ng pastor. Kahit na hindi mo mabasa ito, totoong pirma ito ng pastor. Legal ito! Kaya, narito ako! Inaangkin ko ang aking kaligtasan. Hindi ako naging masyadong mabuting Cristiano; totoo naman kung iyan ang nasa isip mo. Ibig kong sabihin, napakarami kong nagawang kasalanan. Nakagawa ako ng napakaraming kasamaan sa aking panahon. Maaaring ang Christian life ko ay hindi naging kasing-buti ng sa di-Cristiano, inaamin ko naman. Ngunit, gayunpaman, narito ang baptismal certifcate ko. Ako’y isang anak at narito na ako ngayon.”

Maraming mga Cristiano ang nag-iisip na sasabihin ng Diyos na, “Ah, hi, Sonny Boy! Dahil taglay mo ang baptismal certificate mo, kung gayon ako ang iyong Ama. Sige, kung gayon, maaari ka nang umuwi sa tahanan ko.” Kung mag-iisip kayo nang ganito, mabibigla kayo nang labis! Pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagiging anak sa talinghagang ito. Kung ibabatay ninyo ang inyong kaligtasan sa pag-angkin ninyong anak kayo, lagot kayo! At walang pagmamalabis dito!

Ang nawawalang anak sa talinghagang ito ay tunay na naging anak lamang noong natanto niyang hindi siya karapat-dapat na ituring na isang anak. Naging anak lamang siya sa unang pagkakataon noong nalaman niyang wala siyang karapatang maging anak. Doon sa puntong iyon siya naging anak. Iyan ang pangunahing kaibahan niya sa nakakatandang anak na anak nga, ngunit hindi anak. Dapat nating makuha’t maintindihan ito nang malalim. Noong sinabi niya sa kanyang sarili, “...pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, ‘Ama, ... Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod’”, iyon ang punto kung saan handa na siyang makatanggap ng biyaya. Walang sinumang karapat-dapat na makatanggap ng grasya na nag-iisip na mayroon siyang karapatan sa grasya. Hindi grasya ang grasya kung sa tingin ninyo ay karapatan ninyong magkaroon nito.

Mag-ingat sa anumang doktrina o katuruan na nagsasabi na maaari ninyong ipilit o i-demand ang inyong kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom; na mayroon kayong karapatan dito dahil naniwala kayo sa ganoong araw at ganoong buwan. Sinumang mag-isip sa ganyang paraan ay magugulat na lamang. Ang tanging tao na magmamana ng Kaharian ay ang dukha. “Mapapalad ang mga dukha….” [Mateo 5:3] Wala silang mga karapatan. Hindi sila nang-aangkin ng mga karapatan. Lumalapit sila simpleng bilang mga mapagkumbabang dukha.

Kapag haharap ako sa Diyos sa Araw na iyon, sinasabi ko sa inyo, magiging hangal ako kung haharap ako sa Diyos at sasabihing, “Oh Diyos, alam mong isa akong pastor. Oo, nagpahayag ako ng Ebanghelyo nang maraming taon! Nagpahayag ako sa maraming pagpupulong at maraming komperensya. Ibig kong sabihin, alam ng lahat ng mga taong ito. Tawagin mo ang mga tao rito. Ibig kong sabihin, may libu-libong mga tao rito. Tingnan mo po lamang sila. Narinig nila akong nagpahayag, ‘di ba? Cristiano ako. Hindi lamang iyan, pastor din ako. Kaya, kung mayroong may karapatan na makapasok sa kaharian ng Diyos, ako iyon! Hayaang ihanda na ng mga anghel ang kanilang mga trumpeta.” Ha! Sasabihin ko sa inyo, kung haharap ako sa Diyos ng ganito, wala man lamang siyang panahon para sa akin. Walang panahon kahit anupaman!

Ang Pagiging Tunay na Anak – Pagsisilbi

Sa Araw na iyon kapag haharap na ako sa Diyos, sasabihin kong, “Panginoon, wala akong maihaharap sa iyo. Wala akong pag-aangkin. Masiyahan nawa ikaw na tanggapin ako bilang iyong di-karapat-dapat na alipin. Nagawa ko ang kaya kong gawin. Napakahina ng aking nagawa. Ngunit sinubukan kong gawin ang abot sa aking makakaya sa pamamagitan ng iyong grasya. Ngunit sa aking mga limitasyon, napakahina ng gawaing iyan. Marahil, Panginoon, magiging mahabagin ka na tanggapin ako na makabilang sa iyong mga alipin.”

Iyan ang tanging uri ng pakikitungo o ‘attitude’ na titingnan ng Diyos. Wala siyang panahon para sa mayayabang, walang oras para sa mga may-tiwala sa sarili. At kung sakaling nakatanggap kayo ng isang doktrina o katuruan na naglalagay sa inyo sa tinatawag na kasiguruhan o ‘assurance’, na sa totoo lang ay ‘complacency’ o pagiging kampante, kalimutan na ito! Walang Biblikal na pundasyon para riyan. Ang anak na ito sa talinghaga, gaya ng sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus, ay tinanggap noong bumalik siya sa ama, na nagmamakaawa para lamang sa isang lugar kasama ng mga inuupahang lingkod. Tandaan ninyo iyan! Isaisip iyan. Idinadalangin ko na matututunan natin ang pakikitungong ito, dahil iyan ang susi sa buong talinghagang ito. Kung mayroon mang itinuturong anumang bagay ang talinghagang ito sa atin, ito’y dito mismo sa puntong ito na may itinuturo sa atin. Hindi lamang dahil nagbalik ang anak. Ito’y kung paano siya bumalik, iyon ang mahalaga. Oh, anong pundamental na pagbabago ang nangyari sa kanyang ‘attitude’!

Mismong ang dakilang apostol ng Panginoon na si Pablo, ay nagmalaki sa iisang titulo lamang, at iyon ay, “alipin ni Jesu-Cristo.” Hindi siya nag-aangkin ng mas mataas pang karangalan kaysa sa pagiging kasama sa mga alipin ni Jesus. Alam ninyo, mas mataas pa ang posisyon ng mga inuupahang lingkod kaysa sa mga alipin. Mayroong tiyak na kalayaan ang mga inuupahang lingkod; wala ang mga alipin. Ninanais lamang ni Pablo na magkaroon ng lugar na kasama ng mga alipin ni Jesu-Cristo. Hindi siya nagmamayabang sa pagiging anak; hindi man lamang siya nagsasalita tungkol sa mga ganitong bagay kung pinag-uusapan ang kanyang sarili. Sinasabi niya bilang pangkalahatan, “Oo, mga anak tayo. Naghihintay tayo ng pagkaampon bilang mga anak, ngunit higit sa lahat, nagluluwalhati ako sa iisang bagay na ito: ang pribilehiyo ng pagiging isang alipin lamang ni Jesu-Cristo.”

Ang alagad o alipin, kapag nagawa na niya ang lahat ng bagay, ay walang nakuhang karangalan at kabutihan. Simpleng ginawa lamang niya ang kanyang trabaho. Nakakita na ba kayo ng isang alagad o alipin na pumunta sa harapan ng kanyang amo at sinabing: “Narito ako! Tingnan mo ang aking nakamit na tagumpay”? Anumang nagawa ninyo, gaanuman kalaki ang achievement ninyo, hindi ito nakakahigit kaysa sa dapat ninyong ginawa sa umpisa pa lang.

Ito ang kahulugan ng ‘kaligtasan sa pamamagitan ng grasya’, ng ‘salvation by grace.’ Ang ibig sabihin ng ‘grace’ ay: wala akong maipagmamalaki, wala akong maaangkin, kahit man lamang maipagmalaki ang pagiging anak na naibigay sa akin. Ang pinakamapanganib na bagay ay ang ipagmalaki ang tungkol sa grasya, na para bang naging karapatan na ninyo ang grasya. Ipapaalala kong muli sa inyo, na sa katuruan ng Kasulatan, ang anumang mula sa karapatan ay hindi mula sa grasya. Ang natanggap ninyo sa ‘pamamagitan ng karapatan’ o ‘by right’ ay kinikita ninyo sa pamamagitan ng gawa. Kung ano ang mula sa grasya ay palaging kaugnay sa grasya. Kung magiging mga anak tayo, hindi tayo kailanman mga anak sa pamamagitan ng karapatan. Kahit na ako’y anak na, hindi ko maaangkin ang pagiging anak bilang isang karapatan dahil palagi itong mula sa grasya, at ang grasya ay hindi kailanman mula sa karapatan.

Hanggang sa Araw na iyon, tatayo ako sa harapan ng Diyos bilang walang estado, kundi simpleng isang mapagkumbabang nagsisising makasalanan na naligtas sa pamamagitan ng grasya, na tumutungo sa Diyos na Ama ko, at magsasabing, “Narito po ako, masaya na tumanggap ng iyong grasya, at patuloy na tumatanggap.” Mayroon akong kumpiyansa hindi dahil sa isa akong anak, kundi dahil sa kanyang habag. Ang kumpiyansa ko ay wala sa aking sarili, ni sa aking posisyon, lalong hindi sa posisyong naibigay sa akin, kundi tangi at palaging sa kung ano siya – ang Mahabagin kong Ama.

Ngunit hindi siya magiging mahabagin sa mayayabang, sa mga mapagmataas, sa mga nagwawagayway ng kanilang pagiging anak, na para bang isang bagay itong maaari nilang maangkin o maipilit na makuha sa pamamagitan ng karapatan. Hindi naiintindihan ng mga taong ito ang pagiging anak. Ngunit punong-puno ang church sa mga araw na ito ng mga Cristianong nagsasabing, “Ah, nakakasiguro ako dahil ako’y isang anak ng Diyos.” Namumuhay ba kayo gaya ng isang anak? Nag-aasal ba kayo gaya ng isang anak? At makakapamuhay at makakaasal lamang kayo gaya ng isang anak kapag nabubuhay at umaasal kayo bilang isang taong nakakaalam na wala kayong karapatan sa pagiging anak, ni kahit pa ang karapatang mapasama sa mga inuupahang lingkod. Naiintindihan kaya ninyo iyan?

Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na makabalik tayo sa Ama sa araw-araw. Umaasa akong naisasagawa ko ito araw-araw, upang sa Araw na iyon, haharap ako sa kanya na mayroong buong kasiguraduhan ng pananampalataya, na may full assurance of faith na nasa kanyang awa’t habag, habag sa mga mapagkumbaba at maamo. Iyan ang kasiguruhan na tinutukoy ng Panginoong Jesus, “...ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.” (Juan 6:37) Iyan ang aking kasiguraduhan, hindi sa kasiguraduhang ako’y isang anak ng Diyos. Hinding-hindi ninyo dapat ibatay ang inyong ‘assurance’ sa anumang bagay o kaninuman, maliban sa Diyos.

Tapos na ang mensahe.
Ito’y isang ‘edited transcription’i ng mensahe.
Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong responsibilidad para sa pagkaka-ayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.
Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia.

 

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church