You are here

5. Parable of the Unfaithful Steward

Talinghaga ng
Tusong Katiwala

(Parable of the Unfaithful Steward)
Lucas 16:1-13
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Ipagpatuloy natin ngayon ang ating pag-aaral sa Salita ng Diyos sa Lucas 16:1-13. Kilala ang talinghagang ito ng Panginoong Jesus bilang Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala. Tinatawag din ito kung minsan na ang Talinghaga ng Di-Tapat na Katiwala. Nakikita kong partikular na tugma na maipahayag ang talinghagang ito ngayon [Nota: Ito ang pantapos-ng-taong mensahe na naipahayag noong Disyembre 1978.] dahil tinuturuan tayo ng talinghagang ito na tumanaw sa hinaharap at ihanda ang ating mga sarili sa pagbibigay-sulit sa Araw na iyon kapag nakita na natin ang Panginoong Jesus, iyon ay, upang maipamuhay natin ang buhay natin sa paraang nagpaplano tayo para sa hinaharap. Iyan, siyempre, ang eksaktong dapat nating gawin sa Bagong Taon.

Heto ang isang talinghaga na napakahalaga. Mababasa sa Lucas 16:1: “Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad,” – kaya pansinin na ang mga salitang ito’y sinasabi sa mga alagad, at kaya, sinasabi partikular sa mga Cristiano. Ngayon, ang isang ‘basic’ o pangunahing problema na ibinibigay ng talinghagang ito sa ilang tao ay ito: Paano makokomendahan o mapupuri ng Panginoong Jesus ang isang tuso o di-tapat na katiwala? Bakit gagamit ang Panginoong Jesus ng isang di-tapat na tao bilang halimbawa ng pagiging matalino, iyon ay, ng karunungan o ‘wisdom’, o ng pagkakaroon ng pagtingin para sa hinaharap o ‘foresight’? Ang mabilisang sagot para riyan ay: hindi siya pinupuri ng Panginoong Jesus sa kanyang di-katapatan, kundi sa kanyang pagtingin sa hinaharap, sa kanyang ‘foresight.’ Ngunit hindi pa rin niyan mabubura ang pagtutol sa kung bakit dapat kunin ang isang larawan mula sa isang taong di-tapat, kahit na hindi naman pinupuri ang kanyang di-katapatan.

Basahin natin ngayon ang talinghaga sa Lucas 16:1-13.

Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan. At kanyang tinawag siya, at sa kanya’y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’

Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos. Naipasya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’

Kaya’t nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ At sinabi niya, ‘Isang daang takal ng langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’

Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’

At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya’y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.

At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito’y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.

Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami. Kung kayo nga’y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo’y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.

Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”

Tingnan natin ang unang bersikulo. Ano ang inaakusa ng amo sa katiwala? Ang inaakusa sa kanya ay paglulustay ng mga kalakal o ‘goods’ ng amo niya. Ngayon, ang paglulustay ay hindi pareho ng di-katapatan. Ang lustayin ang isang bagay ay hindi kinakailangang pagiging di-tapat. Ito’y ang pagiging di-maingat; ito’y ang di-pangasiwaan nang tama ang isang bagay. Ngunit hindi nito ibig sabihin ang pagiging di-tapat. Ngayon, iyan ang unang mahalagang puntong dapat isaisip.

Ang ikalawang bagay na dapat kong banggitin sa inyo ay ang nasa b.8, ang salitang naisaling-wika ng Revised Standard Version [RSV] bilang ‘dishonest’ [o ‘madaya’ sa Ang Bagong ang Biblia (ABAB)], na sa orihinal ay nangangahulugan ng ‘wrongdoing’ o ‘paggawa ng mali.’ Ito’y ang gumawa ng pagkakamali, na isang katawagang napakapangkalahatan, napakalawak. Ngunit naipasya ng mga tagapagsaling-wika sa Ingles na hindi i-‘translate’ kundi i-‘interpret’ ito, iyon ay, hindi isaling-wika kundi bigyang kahulugan ang salita, at kaya ito’y na-‘interpret’ bilang ‘dishonest’, ‘madaya’, at kaya ito’y nakapagbigay ng partikular na paglihis sa salita.

Ang salita ay ‘wrongdoing’ o ‘paggawa ng mali’ – anumang bagay na nagagawa ninyong mali. Ngayon, ang paglulustay ng ari-arian ng inyong amo ay paggawa ng mali, ‘di ba? Ngunit hindi naman ito kinakailangang pagiging madaya. Ang taong di-maingat sa kanyang ginagawa ay maysala sa paggawa ng mali. Ngunit ang pagiging di-maingat ay hindi pagiging madaya. Kasangkot sa pagiging madaya ang ‘cheating’ o pandaraya. Ngunit maaari kayong di-sumang-ayon, at sabihing, “Aha! Tingnan mo kung anong ginawa niya kasama ang mga may-utang sa kanyang amo! May utang ang isa na isang daang sukat ng langis at hinati ito ng katiwalang ito! Ngayon, pandaraya iyan.” Kung pandaraya man iyan o hindi, makikita natin mayamaya at iintindihin ito base sa Batas pang-Judio.

Pinakasentrong Punto ng Talinghaga: Pagiging Katiwala

Una, hayaan ninyo akong pumunta sa pinakasentrong punto ng talinghagang ito. Ano ang punto ng talinghagang ito? Ang pagiging katiwala. Ang lahat ay ukol sa pagiging katiwala, o ‘stewardship’. Ano ang ibig sabihin ng pagiging katiwala? Ang salitang naisalin dito bilang ‘katiwala’ o ‘steward’ ay ang salita kung saan hinango ang mga salita sa Ingles na ‘economics’ o ‘economy’. Ang salita sa Griyego ay ‘oikonomia’. Ipinapakita nito na ang pagsasalin nito sa Ingles ay simpleng ‘transliteration’ (iyon ay, pagkuha ng salita paisa-isang letra) ng salita sa Griyego, at kaya, ang salita sa Ingles ay tunay na hiniram mula sa salita sa Griyego.

Sa katunayan, ang Griyegong salitang ‘oikonomia’, na sa Ingles ay ‘economy’ [at sa Tagalog ay ‘ekonomiya’], ay binubuo ng dalawang pangkat: ‘oikos’ na ang kahulugan ay ‘bahay’ at ‘nomos’ na ang ibig sabihin nama’y ‘batas’. Kaya, ito ang batas sa bahay, iyon ay, ang mga prinsipyo ng pamamalakad sa isang sambahayan. Ang ekonomika ay ang prinsipyo kung paano ninyo tutustusan ang inyong sambahayan, o sa mas malaking katawagan: kung paano ninyo tutustusan ang isang kompanya o kung paano ninyo tutustusan ang isang bansa. Kaya, nag-umpisa ang orihinal na ideya na patungkol sa pamamahala sa sambahayan o sa tinatawag na, ‘domestic science’. Kung kaya, mula roon ay na-develop natin ang ideya sa Ingles ng ‘economics’, kung paano pamamahalaan ang mga tungkol sa pera, o kung paano pangangasiwaan ang mga pinansiyal na bagay.

Kung gayon, ang isang katiwala ay isang taong naatasang mamahala sa isang sambahayan. Kailangan niyang pangasiwaan ang isang sambahayan. Ngayon, ang katiwala sa talinghagang ito, sa katunayan, ay namamahala sa isang ‘business’ dahil nangangalakal ito ng trigo at langis. Kaya, ang sambahayang ito ay isang sambahayang-kalakalan, kung saan ang isang mayamang tao ang may-ari ng buong ‘business’ at inatasan niya ang katiwalang ito bilang kanyang tagapamahala ng negosyo, bilang kanyang ‘business manager’. Kaya, muli, makikita ninyo kung bakit ang salita sa Ingles ay may kahulugan ng ‘financial management’, ng ‘economics’.

Ngayon, sa pagkaintindi ng malinaw sa puntong ito, makikita natin na patungkol ang buong talinghaga sa pagiging katiwala o ‘stewardship’. Sa katunayan, lahat ng mga reperensya sa salitang ‘pagiging katiwala’ sa katuruan ng Panginoon ay nakikita lamang sa talinghagang ito, maliban sa isang eksepsyon. Nabanggit ng 3 na beses ang salitang ‘pagiging katiwala’ o ‘stewardship’at ang lahat ng mga ito’y nasa talinghagang ito. Ang pandiwa o ‘verb’ na ‘maging katiwala’ o ‘to be a steward’ ay nasambit ng isang beses sa Bagong Tipan, at ito ay nasa talinghagang ito [sa b.2]. Ang pangngalan o ‘noun’ na ‘katiwala’ o ‘steward’ ay nasambit ng 4 na beses sa katuruan ng Panginoon: 3 na beses sa talinghagang ito at 1 pang beses sa labas ng talinghagang ito, iyon ay, sa Lucas 12:42, na malaki ang ugnayan sa siping ito, na ating titingnan mamaya. Kaya, makikita natin agad na tungkol ang siping ito sa pagiging katiwala, sa pagiging isang katiwala.

Lahat ng Mga Disipulo ay mga Katiwala ng Diyos

Ngayon, ang tanong kung gayon ay: Paano kaya maia-apply itong lahat sa ‘akin’? Ibig kong sabihin, ayaw nating pag-aralan ang isang talinghaga na walang kinalaman sa atin. Kaya, ang tanong natin: Ano ang kinalaman ng talinghagang ito sa atin bilang mga disipulo? Ikinuwento ng Panginoong Jesus ang talinghagang ito sa kanyang mga disipulo, sa mga Cristiano, kaya siguradong may mensahe ito. Ano ang mensahe? Ang isang pangunahing punto sa Kasulatan at sa katuruan ng Panginoon ay ito: kayo at ako, tayong lahat ay mga katiwala. Lahat tayo’y mga katiwala ng Diyos. Bawat isa sa atin na naging Cristiano ay binili na ng Diyos. Gaya ng sinasabi ni apostol Pablo sa 1Corinto 6:19-20, “Binili na tayo ng isang halaga; hindi na atin ang ating sarili.”

Kapag naging Cristiano kayo, hindi lamang kayo naniniwala kay Jesus. Hindi lamang iyan ang lahat ng maitutukoy sa pagiging Cristiano. Kapag naging Cristiano kayo, hindi ninyo sasabihing, “Ah, isa na akong Cristiano ngayon.” Ano ang pagkakaiba sa inyong pagiging Cristiano ngayon at sa hindi pagiging Cristiano noon? Maaari ninyong isagot: “Dati, hindi ako naniniwala kay Jesus; ngayon naniniwala na ako kay Jesus. Iyan ang kaibahan.” Iyon lang ba ang lahat ng pagkakaiba ng pagiging Cristiano? Ah, hindi! Dati’y hindi kayo relihiyoso at ngayo’y magiging relihiyoso na kayo? Magbibitin na ba kayo ng isang krus sa inyong leeg? Iyan ba ang kahulugan ng pagiging Cristiano? Napakaliit na bahagi niyan sa kahulugan ng pagiging Cristiano, na dati’y hindi kayo naniniwala, at ngayon ay naniniwala na kayo na namatay si Jesus para sa inyong mga kasalanan. Totoo iyan, ngunit bahagi lamang iyan ng kahulugan nito.

Ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pagiging Cristiano ay ito: na pag-aari na kayo ngayon ng Diyos at pag-aari na kayo ng Panginoong Jesus. Hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili dahil binili na kayo ng Diyos, gaya ng sinasabi ni apostol Pablo: na binili na tayo sa isang halaga; hindi na natin pag-aari ang ating sarili. Kung mayroon man sa inyo na bago pa lamang na Cristiano, o bago-bago pa lang na naging mga Cristiano, gusto kong palagi ninyong alalahanin ito. Hindi lamang ito nangangahulugan na mula ngayon ay pupunta na kayo sa church, samantalang dati ay hindi kayo pumupunta sa church. Hindi lamang ito nangangahulugan na dati ay hindi ninyo binabasa ang Biblia, ngunit ngayo’y babasahin na ninyo ang Biblia. Hindi lamang ito nangangahulugan na hindi kayo naniniwala noon sa Diyos, na isinugo niya si Jesus upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan, hindi! Ngunit nangangahulugan ito na pag-aari na kayo ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo; hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili.

“Okey, pag-aari na ako ngayon ng Diyos, pero anong ibig sabihin niyon?” Ibig sabihin niyon ay hindi na kayo mamumuhay para sa inyong sarili. Ibig sabihin nito’y may isang pundamental na pagbabago sa direksiyon ng inyong buhay! Kailangan ninyong maintindihan ang puntong ito. Dati, namumuhay kayo para sa inyong sarili; ngayon, namumuhay na kayo para sa Diyos! “Ah!” sasabihin ninyo, “Ibig sabihin ba niyan, magiging tagapahayag na ako?” Hindi. Hindi ganoon kadali! Hindi pa kayo magiging isang preacher, maliban na lamang kung mayroong anumang espesyal na plano ang Diyos para sa inyo. Matagal-tagal pa bago kayo mate-train o masasanay ng Diyos na maging isang tagapahayag o maging isang alagad ng Diyos. At kung ibibigay man ng Diyos sa inyo ang pribilehiyong iyan, kung gayon, isang kakaibang pribilehiyo iyan. Hindi lahat ay maaatasan para sa gawaing iyan! Hindi ibig sabihin niyan na mahina o mas mababa kayo. Ah, hindi! Ibig sabihin lang niyan na iba ang maiaatas sa inyo upang gawin. Hindi iyan ang naiatas sa inyong gawin. Ngunit kung maaatasan man kayo, malalaman din ninyo ito sa tamang panahon. Gagawing malinaw ng Diyos ang puntong ito sa inyo.

Pagkatapos ay sasabihin ninyong, “Anong ibig sabihin ng pag-aari na ako ng Diyos at nabubuhay na ako para sa kanya?” Ibig sabihin nito, mula ngayon, lahat ng inyong pag-iisip, anumang ginagawa ninyo, nag-aaral man kayo sa kolehiyo, nagtatrabaho man sa isang partikular na trabaho, ang mag-uudyok sa anumang inyong gawin ay ang gawin ito para sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, “Magmula ngayon, anuman ang gawin ninyo, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian niya.” Kung nag-aaral kayo, nag-aaral kayo para sa kanya, para sa kanyang kaluwalhatian, at iniisip ninyong, “Paano ko magagamit ito para sa kanya?” Ang buong buhay ninyo’y nakatuon na sa kanya.

Mga Disipulo’y Katiwala ng Buhay na Walang-Hanggan

Ano ang kinalaman niyan sa pagiging katiwala? Ah, lahat ng ito’y may kinalaman sa pagiging katiwala. Dahil, kapag pag-aari na niya kayo, ibinigay na ninyo ang inyong sarili sa kanya. At ibinigay na niya ang kanyang sarili sa inyo! Iyan ang kagandahan nito! Ang pagiging Cristiano ay hindi lamang nangangahulugan na pag-aari niya kayo, kundi pag-aari rin ninyo siya! Gaya rin nito ang nasa kasal. Sa kasal, hindi lamang kayo ang pag-aari ng ibang tao. Pag-aari rin ninyo ang taong iyon. Hindi lamang ito tungo sa isang direksiyon; tumutungo ito sa dalawang direksiyon. Ikinomit ng Diyos ang kanyang sarili sa inyo. Sa pagbibigay niya ng kanyang sarili sa inyo, ibinigay niya sa inyo ang buhay, ang buhay na walang hanggan kay Cristo. Ibig sabihin niyan, katiwala kayo ng buhay na walang hanggan. Ang pagiging katiwala ay ang maging tagapamahala ng anumang naipagkatiwala sa inyong pangangalaga.

Ibinigay ang buhay na walang hanggan sa inyo, hindi lamang upang ma-enjoy ninyo ito para sa inyong sarili, kundi upang mapasa-inyo ito bilang pag-aari at upang gumawa ng anumang maaaring gawin gamit ito. Ngayon, hindi nariyan ang buhay para kainin ang buhay. Kinakain ba ninyo ang buhay? Hindi, hindi kinakain ang buhay. Kaya, anong ginagawa rito? Aamuyin ba ninyo ito? Hindi. Kaya, ano ang gagawin ninyo rito? Isusuot ba ninyo ito? Hindi rin! Ano nga bang gagawin ninyo sa buhay? Anong gamit nito? Ang buhay ay para ipamuhay. May gagawin kayo rito sa paraan ng inyong pamumuhay, sa paraan ng inyong pananalita, sa paraan ng inyong pag-iisip, sa paraan ng inyong pagkilos. Ito’y isang buong bagong direksiyon at layunin na ibinigay sa inyo ng Diyos. Iyan ang ‘exciting’ sa pagiging Cristiano: na naipagkatiwala sa inyo ang responsibilidad ng buhay na walang hanggan, hindi lamang ang pribilehiyo ng buhay na walang hanggan, kundi ang responsibilidad ng buhay na walang hanggan, upang ibahagi ito sa mga iba, upang may gawin gamit ito.

Napakahalaga ng puntong ito sa katuruan ng Panginoon kung kaya mayroon siyang ilang mga talinghaga tungkol dito: Ang Talinghaga ng mga Mina, Ang Talinghaga ng mga Talento, atbp. Nagsasabi sa atin ang bawat isa na kapag naging Cristiano na tayo, mayroong naipagkakatiwala sa ating bagay na may malaking halaga. Naging katiwala tayo ng Diyos.

Katiwala ng Pisikal na Buhay at Espiritwal na Buhay

Naipagkatiwala sa atin ang buhay na walang hanggan. Ngayon, ang buhay ay mahalaga! Tulad halimbawa, alam ng ilan sa inyo na may asawa’t mga anak kung ano ang kahulugan ng mapagkatiwalaan ng pagiging katiwala. Nang nagkaroon na kayo ng inyong unang anak, agad-agad itong tumama sa inyo, “Naipagkatiwala sa akin ngayon ang isang buhay! Nasa aking mga kamay ang isang buhay na ito upang alagaan.” Biglang tumarak sa inyo ang responsibilidad ng pagiging katiwala. May isang buhay na aarugain, isang tao na aalagaan, na palalakihin. Ang buhay ng isang tao ay nasa sa inyong mga kamay.

Kung anong gagawin ninyo sa taong iyon ay isang napakalaking responsibilidad. Ilan nang mga magulang ang nagbalik-tanaw at nagsabing, “Naging magulo ang buhay na ipinagkatiwala sa akin—hindi lamang ang buhay ko, kundi ang buhay ng mga anak ko.” Lumaki ba silang nagmamahal sa Panginoon? Namumuhay ba silang may makabuluhang buhay, isang buhay na naninilbihan sa iba, isang pagpapala sa iba, at isang kaluwalhatian sa Diyos? Bigla na lang maiisip ninyo ang responsibilidad. Siyempre, may responsibilidad din kayo para sa sarili ninyong buhay, sa paraang ipinapamuhay ninyo ang inyong buhay. Kailangan ninyong magbigay-sulit sa Diyos, gaya ng katiwalang ito sa talinghaga. Iyan ang buong punto ng talinghagang ito. Kayo at ako – tatayo tayo roon, at sasabihin ng Diyos na, “Anong ginawa mo sa buhay na ibinigay ko sa iyo?” Sa diwang ito, mananagot ang lahat ng mga tao sa Diyos.

Kahit na hindi kayo isang Cristiano, ang buhay na taglay ninyo ngayon ay nanggaling… saan? Mula ba sa inyong mga magulang? Oo, ngunit saan nakuha ng inyong mga magulang ang buhay nila? Mula sa kanilang mga magulang din! At saan naman kinuha ng inyong mga lolo’t lola ang buhay? At tuloy-tuloy na ito. At kaya, saan nanggaling ang buhay ng mga sinaunang tao? Mula sa Diyos, siyempre! Ang Diyos ay ang ating panlangit na Ama, ang may-akda ng lahat ng buhay: pisikal at espiritwal. Kung may pisikal kayong buhay, kailangan ninyong ipaliwanag sa Diyos kung anong ginawa ninyo sa buhay na ibinigay niya sa inyo.

May dobleng responsibilidad ang Cristiano. Hindi lamang niya kailangang magbigay-sulit para sa pisikal na buhay niya, kundi kailangan din niyang magbigay-sulit para sa espiritwal na buhay niya, ang buhay na walang hanggan na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kaya, ang pagiging isang Cristiano’y nangangahulugan ng mas malaking responsibilidad. Siyempre, ibig sabihin din nito’y mas malaking pribilehiyo; kung mas marami ang naibigay sa inyo, mayroon kayong mas malaking pribilehiyo, at mas malaki rin ang inyong responsibilidad.

Spiritual Economics’: Nabubuhay na May Layunin, Direksiyon at Plano

Ngayon, isiping mabuti habang hinaharap natin ang Bagong Taon, “Ano ang aking gagawin sa taon na nasa harapan ko? Paano ko kaya ipapamuhay ang buhay na ito sa paraan na kapag tatayo na ako sa Araw na iyon sa harapan ng Panginoong Jesus at tatanungin niya akong, “Anong ginawa mo sa Bagong Taon?” Kailangang magplano kayo para sa hinaharap! Huwag na ninyong hintayin pa ang panahong darating at saka lang tatanungin, “Anong gagawin ko sa araw na ito? Anong gagawin ko sa kinabukasan?” Kung ganito kayo mamuhay, sasayangin lamang ninyo ang buhay ninyo. Sasayangin ninyo ang oras ninyo kung wala kayong layunin, walang direksiyon. Sinumang nakapagsagawa na ng ekonomika ay alam na walang sinumang namahala ng ekonomiya sa paghihintay lamang kung anong mangyayari kinabukasan. Kailangan ninyong magplano nang maaga. Dapat mayroon kayong 1-taong plano, 5-taong plano, 10-taong plano, o anupaman ito. Mag-isip nang maaga: “Ano ang aking mga espiritwal na layunin para sa Bagong Taon?”

Kapag binabalikan ninyong tanawin, kumusta ang nakalipas na taon? Nangapa ba kayo sa buong taon sa inyong pisikal na buhay at inyong spiritwal na buhay? Kung gayon, hindi ninyo naiintindihan ang ‘spiritual economics’, ang pangangasiwang espiritwal. May mga prinsipyo na dapat ipamuhay kung nais ninyong may marating.

Ito ang problema sa katiwala sa talinghaga natin. Gaya ng napakaraming tao, marahil ay ang karamihan pa, nabubuhay parati sila para sa isang araw muna. Nangangapa sila mula sa isang araw tungo sa susunod na araw na umaasa sa pinakamabuting mangyayari. Gaya ng kasabihan ng mga Chinese, “Hu li hu tu” – magulo ang isip. Wala silang direksiyon ni layunin. Hindi nila alam kung anong ginagawa nila. At kaya, kung kayo’y “hu li hu tu”, magulo ang isip, magiging “ma ma hu hu” rin kayo – palpak at pabaya – na ang literal na pagkakasalin ay: ‘kabayo-kabayo-tigre-tigre’, na ibig sabihin ay hindi ninyo alam kung nakikitungo kayo sa isang kabayo o sa isang tigre; lahat ay parang pareho lang sa inyo.

Imagine-nin ninyo, kung pumunta kayo sa isang lugar at ang akala ninyong nakita ninyo’y isang kabayo, pero iisipin kong lagot kayo kung tigre naman pala talaga iyon! Marahil diyan nanggaling ang kasabihang Intsik na ‘ma ma hu hu’. Nagkakahalu-halo na ang mga tigre at mga kabayo. Hindi na ninyo alam kung alin ang kabayo at alin ang tigre. Iyan ang pagiging magulo ang isip: “hu li hu tu.” Hindi ninyo maipapamuhay ang espiritwal na buhay nang ganito. Dapat ninyong paghiwalayin kung alin ang mga tigre at alin ang mga kabayo. Madadala kayo ng mga kabayo sa isang lugar, ngunit dadalhin kayo ng mga tigre sa maling lugar, sa lugar na ayaw ninyong puntahan siyempre – sa kanyang tiyan! Dadalhin kayo ng mga kabayo sa lugar kung saan ninyo nais pumunta. Kaya, kailangan ninyong pag-ibahin kung alin ang alin.

Ang paraan ng pamumuhay ng maraming tao sa kanilang buhay-Cristiano ay lubos na nakakatakot. Sa katunayan, maging ang paraan ng pamumuhay nila ng kanilang panglupang buhay ay nakakatakot. Hindi man lamang nila alam kung saan sila patutungo. Mamuhay kayo bilang mga Cristianong alam kung saan kayo patutungo. Sinabi ng Panginoong Jesus, “…nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta.” [Juan 8:14] Kung hindi ninyo alam kung saan kayo nanggaling at kung hindi ninyo alam kung saan kayo tutungo, nakakaawa ang inyong sitwasyon. Iyan ang kalagayan ng di-Cristiano. Hindi alam ng di-Cristiano kung saan siya nanggaling; at hindi rin niya alam kung saan siya tutungo. Oh, alam niyang kailangan niyang maghanap-buhay at umaasa siyang makakatanggap siya ng promosyon paminsan-minsan. Ngunit hindi iyan ang buhay! Ang buhay ay ang pag-alam kung saan tutungo ang inyong buong buhay. Kailangang maintindihan ng Cristiano ang kanyang layunin. Naiintindihan ba ninyo ang inyong layunin?

Spiritual Economics: Mamuhay Upang Mailuwalhati ang Diyos

Alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong matupad, ma-accomplish dito? Isang bagay ang mahalaga. Kung Cristiano kayo, ipinagkatiwala na sa inyo ng Diyos ang kanyang grasya at kailangang mayroon kayong gawin sa grasyang iyon. Ipapaliwanag ninyo kung anong ginawa ninyo sa biyayang iyan. Siguraduhing alam ninyo kung paano ito gamitin. Mamayang gabi, umaasa akong iisipin ninyo itong mabuti: “Paano ko kaya ipapamuhay ang buhay-Cristiano sa isang paraan na ang taon na ito ay magiging isang napakagandang taon, isang ‘exciting’ na taon, isang taon na punô na mga posibilidad, isang taon na maraming nagawa para sa Diyos at para sa pagpapala ng iba?” Napakaganda niyan! Isipin itong mabuti.

Hindi ko masasabi sa inyo kung paano ninyo ipapamuhay ang inyong buhay; dapat ninyong i-work out ito, dahil hindi ko alam kung anong mga uri ng mga grasya ang naikomit sa inyo. Ngunit isang bagay ang sigurado: bawat Cristiano ay isang alipin ng Diyos. Sinasabi sa atin sa 1Pedro 2:16 na bawat Cristiano ay alipin ng Diyos. Sinasabi ni apostol Pedro, “Mamuhay kayo… bilang mga alipin ng Diyos.” Huwag ninyong isipin na ang pastor o ang tagapamahayag lamang ang alipin ng Diyos. Sa Biblia, bawat Cristiano – ibig sabihin niya’y ikaw! – ay alipin ng Diyos. At dahil alipin kayo ng Diyos, nasa kalagayan kayo ng pagiging katiwala, may ‘stewardship’, may tungkuling gagampanan.

Kaya, mababasa natin dito sa 1Pedro 4:10-11, na nagsasabi sa atin na ang bawat Cristiano ay isang katiwala. “Kung paanong ang bawat isa” – bawat Cristiano – “ay tumanggap ng kaloob,” – kaloob na grasya ng Diyos – “ipaglingkod ito sa isa’t-isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos. Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos;” – nagsasalita ng Salita ng Diyos – “sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod…”.

Kung ang inyong kaloob ay wala sa espiritwal na lugar ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos, maaari pa rin kayong makapaglingkod, gaya noong nakaraang Linggo, nagbigay tayo ng mga regalo sa ating mga kapatirang nangangailangan sa kalagitnaan natin. Iyan ay paglilingkod. Ipagpatuloy ang paggawa niyan. “…sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” Ngayon, nariyan ang layunin. “Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman.” “Sa kanya” – kanino ito? Siyempre, sa Diyos. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Ang layunin ay ang mamuhay para sa kaluwalhatian ng Diyos!

Hindi ko alam kung mayroon pang mas makahulugang layunin sa buhay kaysa sa pagkakaroon ng direksiyon sa buhay. Ang buhay-Cristiano ay isang buhay na makabuluhan, na may layunin at may direksiyon. Siguraduhin ninyong naiintindihan ninyo ang direksiyon. Maraming beses, ayaw maging Cristiano ng mga di-Cristiano dahil nakikita nilang para bang walang anumang direksiyon sa buhay ang mga Cristiano, para bang wala silang malinaw na layunin. Umaasa ako na kung may kasama kayong mga di-Cristiano sa inyong tirahan, makikita nilang, “Wow! Tunay na may layunin ang mga Cristianong ito. May direksiyon sila. May hangarin sila. May mga ninanais matupad. Ang kanilang mga buhay ay may layunin at may sistema.”

Kaya, dito sa siping ito, makikita natin ang aplikasyon ng talinghagang ito. Sinasabi ni apostol Pedro sa atin na lahat tayo’y mga katiwala ng pinaka-grasya ng Diyos, iyon ay, ang grasya ng buhay na walang hanggan at ng lahat ng mga iba pang kaloob na ibinigay niya sa atin. Binigyan ba niya kayo ng kaloob na pananalita? Gamitin ito para sa Diyos! Binigyan ba niya kayo ng kaloob na makapagtugtog ng piano? Gamitin ninyo iyan para sa Diyos! Mayroon ba kayong kaloob na makapagsalita ng mga iba’t-ibang lengguwahe? Gamitin ninyo ito sa pagsasaling-wika, sa anupaman. Binigyan ba niya kayo ng kaloob na makapagsulat? Gamitin ito para sa Diyos! Iplano ang taon na ito, na sinasabing, “Magsusulat ako ng ilang artikulo para sa Diyos.” Masisigurado kong matutuwa ang Newsletter Team. Ngunit huwag na silang isaalang-alang; mas higit na ang mapapasaya ay ang Diyos.

Napakaraming tao ang mayroong mga kaloob at anong ginagawa nila? Pinapabayaan nilang mabulok na lamang ang mga ito. Itinatabon nila ito at nabubulok ito sa lupa. Marami akong kilalang tao na taglay ang napakaraming kaloob. Kung ginagamit ng bawat Cristiano sa church ang kani-kanilang mga kaloob sa abot ng kanilang makakaya para sa Diyos, imagine-nin ang mapupuntang kaluwalhatian sa Diyos, at ang mga pagpapala na mapupunta sa ibang tao – hindi na sana mabibilang pa ang mga ito. Umupo lang kayo at isipin ito. Gamitin ang pagkukusang-loob ninyo! Nasaan ang inyong ‘spiritual drive’ – ang inyong espiritwal na kasigasigan? Ano ang inyong ‘spiritual ambition’ – ang inyong espiritwal na mithiin? Anumang mayroon kayo ay magagamit para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Pagiging Katiwala sa Praktikal na Mga Paraan

Kuning halimbawa, ang ating translation system. Hindi kalaunan, may isang tao na nanggaling mula sa 4M Organization [Christian Media Organization] upang pag-aralan ang ating system, na ginawa ng isa sa ating mga kapatirang lalaki rito. Sinabi ng taong ito na mula sa 4M sa akin, “Ah! Napakagandang system nito.” Nakaupo siya roon na may hawak na papel at lapis, sinusundan ang elektronikang ‘diagram’ ng sistemang ito, kinokopya ito para sa Winter Conference. At kaya, ngayon ay alam na ninyo, kung naroon kayo noon sa Winter Conference, na ang translation system sa kumperensyang iyon ay kinopya mula sa ating kapatid dito, na nagdisenyo ng buong system. Nakita ninyo kung paano pinagpapala ang gawain ng Diyos, kung paano ito napapagaling pa – sa pamamagitan ng electronics! Ah, totoo! Malawak ang saklaw sa bawat lugar na magagamit!

Isipin lamang ang tungkol dito. Gamitin ang kaunting pagkukusang-loob. Sa kalaunan, makikita ninyo ang mga dakilang bagay na magagawa ng Panginoon kahit sa pamamagitan natin na para bang may napakaliliit lang na halaga. Napakaganda nito. Hindi ko alam kung anong mga kaloob ang mayroon kayo; nasa sa inyo upang isipin ito. Gamitin ang inyong pagkukusang-loob at hanapin sa anong paraan kayo maaaring makapanilbihan sa Diyos. Huwag hayaang sabihin ninuman na, “Wala akong anuman upang makapagsilbi sa Diyos.” Siguradong mayroon kayo. Lahat ay mayroong kaloob.

Kahit pa sa pinakamababang paraan, mayroon kayong maiaalok. Tulad halimbawa, bawat isa sa atin kung minsan ay may ekstrang $1 o $2, o maaaring mas marami pa. Alam ba ninyong ang inyong $1 o $2 ay malaking bagay na para sa isang taong hindi nakakain ng husto sa loob ng 2 o 3 araw? Gawin ninyong layunin na hanapin kung sino ang nangangailangan, upang matulungan ninyo ang taong iyon. Paninilbihan din iyan sa Diyos gaya rin lang ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Iyan ay kailanma’y paninilbihan sa Diyos kagaya rin ng pagtayo rito at pagpapahayag. Nasilbihan ninyo ang Diyos sa pagbigay ng kahit $2 sa sinumang nangangailangan, dahil pasasalamatan ng taong iyon ang Diyos, “Panginoon, napakabuti mo sa akin kung kaya napakilos ng pag-ibig mo ang puso ng kapatirang ito upang mag-care sa akin.” Nasilbihan ninyo ang Diyos! Walang gawaing napakaliit sa mga mata ng Diyos. Minsan ang pinakadakilang gawain ay ang tinatawag na ‘maliit at di-mahalaga’ na gawain.

O marahil mayroong isang taong nalulungkot; maaari ninyong bisitahin ang taong iyon. Marahil may isa ring pwede ninyong tawagan sa telepono, kahit na isang tawag lang. Wala ba kayong panahon? O malaking halaga na ba sa inyo ang 10¢ para sa isang tawag sa telepono? Sa isang tawag lang sa telepono ay maaari na kayong makapag-encourage sa ibang tao. Paninilbihan iyan sa Diyos. Pagiging katiwala iyan sa pinakapraktikal na antas at iyan ang sinasabi ng Panginoong Jesus dito. Ngunit, dito mismo, sa maliliit na bagay tayo nabibigo at lubos na kaawa-awang nabibigo.

Pinakakailangan Para sa Pagiging Katiwala: Katapatan

Tingnan ang mga salitang ito sa Lucas 16:10: “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.” Ang nakakalungkot, ang RSV sa Ingles ay gumawa ng interpretasyon kaysa pagsasaling-wika at ginamit ang salitang ‘dishonest’ dito, ‘madaya.’ Ipinupunto ng buong talinghaga ang tungkol sa katapatan. Iyon ang punto. Hindi kayo madaya kung hindi kayo tumawag sa telepono sa isang kaibigang nangangailangan, kundi kayo’y di-tapat. At ang pinakagrabeng maikakaso laban sa katiwala ay ang kanyang di-katapatan, kaya ang salita sa orihinal ay adikos para sa paggawa ng mali. Titingnan natin ito nang mas detalyado sa ating pagpapatuloy.

Ito ang sinasabi ni apostol Pablo sa 1Corinto 4:2: “…kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.” Sinasabi ni Pablo sa b.1, “Ako’y katiwala ng Ebanghelyo ni Cristo,” at sa b.2 nagpatuloy siya, “kailangan ang katapatan sa mga katiwala.” Kaya, gaya ni apostol Pablo, kayo at ako, tayong lahat ay mga katiwala at ang inaasahan ng Diyos mula sa atin ay katapatan. Tapat siya sa atin. Tungkulin natin ang maging tapat sa kanya.

Pagiging Katiwala – May Pananagutan sa Ibinigay na Awtoridad

Sa sandaling maunawaan natin ang sentrong punto ng talinghagang ito, lubos nang maliwanag ang kahulugan nito. Handa na tayong tingnan ang nangyari sa katiwalang ito. May kasalanan ang katiwalang ito, gaya ng nasabi sa atin, at ito’y ang kanyang ‘pagiging malustay’. Ang naisaling-wika bilang ‘malustay’ o ‘wasteful’ ay mula sa Griyegong salita na ang ibig sabihin ay magkalat [scatter]: ‘diaskorpizo’. Ito ang mismong maihuhusga at kailangan nating tunay na unawain ito nang lubos.

Anong ibig sabihin ng ‘magkalat’? Kapag tiningnan natin ang paraan ng pagkakagamit ng salitang ito, ang kaparehong salita sa Griyego ay ginamit sa Mateo 26:31, kung saan nangungusap ito ukol sa pastol, ang Panginoong Jesus, bilang sinaktan at ang mga tupa ng kawan ay nagkakawatak-watak. Ngayon, kung sasaktan ninyo ang pastol, mawawala ng lider ang mga tupa, mawawala ang nag-aalaga sa kanila. Kaya, siyempre, magkakawatak-watak na sila. Hindi nila alam kung anong gagawin nila. Wala nang mamamahala sa kanila. Kakalat na lamang ang mga tupa.

Ginamit din ang salita sa Juan 10:12 [dito sa Griyego, wala ang unlapi (prefix) na ‘dia’]: ‘skorpizō’. Sa kasong ito, tumakas ang upahang-tagapagbantay dahil nakita niyang dumarating ang asong-gubat. Tumakbo siya! Ang sabi niya, “Hindi ko ipupusta ang aking buhay sa pagdedepensa sa mga tupa.” Kaya, tatakas siya at iiwanan ang mga tupa na magkakawatak-watak dahil sa mga asong gubat. Ang mga hindi napatay ay magkakawatak-watak; magsisipunta sila sa iba’t-ibang direksiyon, na inililigtas ang sarili nilang buhay.

Ito rin ang salitang ginamit sa Lucas 15:13, iyon ay, ang talinghagang pinag-aralan natin noong nakaraan, Ang Talinghaga ng Alibughang Anak. Doon nakita natin na ang ginawa ng alibughang anak ay ‘nilustay’ niya ang kanyang mga ari-arian. Sa kasong ito, isinaling-wika ito sa RSV bilang ‘squandered’, ‘nilustay.’ Winaldas niya ang kanyang ari-arian, pinagwatak-watak niya ang kanyang ari-arian.

Ngayon, napakahalagang mapansin na kapag sinasabi na pinagwatak-watak niya ang kanyang mga ari-arian, kailangan nating maintindihan ang prinsipyo: mayroong awtoridad ang katiwala. May awtoridad ang bawat Cristiano. Mayroon kayong awtoridad dahil alipin kayo. Ang tanging tao na may awtoridad ay ang alipin dahil itinalaga ang awtoridad na iyan sa isang alipin. Ako’y may awtoridad sa Ebanghelyo dahil isa akong alipin ni Cristo. Dahil sa katunayang ako’y isang alipin, mayroon akong awtoridad na ipahayag ang Salita ng Diyos, upang isagawa ang kanyang gawain. Mayroon kayong awtoridad dahil alipin kayo ng Diyos, gaya ng sinabi na ni apostol Pedro sa atin, sa bawat isa sa atin. Bawat Cristiano’y mayroong awtoridad sa kung anong naipagkatiwala sa kanya.

Dahil mayroon kayong awtoridad, mayroon din kayong pananagutan. Kung wala kayong responsibilidad, hindi rin kayo mapapanagot, gaya ng nakita natin sa kaso ng ‘predestination’ [ang paniniwala na ang lahat ay nasa pagpipili ng Diyos at wala sa tao]. Ang tanging paraan na maaari siyang panagutin ay dahil siya ang may responsabilidad. Ngayon, kung tatanggihan ninyong mayroon siyang responsibilidad, na wala siyang sariling isip, ni sariling pagpipili, kung gayon, siyempre, hindi siya maaaring maging responsable para sa kanyang mga aksyon. Ang buong punto, sinasabi sa atin ng katuruan sa Kasulatan na tayong lahat ay responsable sa ating mga aksyon dahil naipagkatiwala sa atin ang awtoridad na iyon. Kailangan ninyong ipaliwanag sa Diyos sa Araw na iyon kung anong ginagawa ninyo.

Ngunit sa kasalukuyan, sa panahong ito, responsable kayo para sa sarili ninyong buhay ngayon. Nanghihimasok ba ang Diyos sa inyong buhay? Hindi. Sinasabi ba niya sa inyo sa tuwing gabi na, “Magbigay-sulit ka sa akin ngayon mismo”? Hindi, naghihintay siya para sa araw ng pagbibigay-sulit. Ang araw ng pagbibigay-sulit ay ang Araw ng Paghuhukom, siyempre. Sa ngayon, responsable kayo sa inyong ginagawa. Hindi nanghihimasok ngayon ang Diyos, ‘di ba? Kung anong ginagawa ninyo sa inyong buhay ngayon ay responsibilidad ninyo. Alalahanin nating mabuti iyan. Kung hindi ninyo gagamitin ang inyong mga kaloob para sa Diyos, hindi manghihimasok ang Diyos sa panahong ito. Manghihimasok siya balang-araw. Ah, napakahalagang maunawaan ito!

Ano ang punto sa pagbibigay-diin sa awtoridad ng katiwala? Sinasabi nito sa atin na mayroong karapatan ang katiwala na gawin ang kanyang ginagawa ngayon. Kailangan niyang ipaliwanag balang araw kung anong ginawa niya ngayon, ngunit mayroon siyang karapatang gumawa sa ginagawa niya ngayon. At kung ginagampanan niya kung anong nasa kanyang karapatan, kung gayon, siya’y kumikilos na may responsibilidad.

Intindihin ang Talinghaga sa Liwanag ng Batas Pang-Judio

Ang susunod na punto na dapat maintindihan ay ito: kung ang katiwala ay nandaya, gaya ng kung paano inilagay bilang interpretasyon sa RSV, kung gayon, bakit 20 na takal ng trigo lang ang inalis niya mula sa 100 na takal, 20 kors lang, 20 na sukat? Kung tutuusin, mula sa langis, kalahati lang ang pinabayaran niya. Kaya, bakit 20% lang ang kinaltas niya mula sa trigo. Hindi kayo makakapagkaibigan sa pagkaltas lang ng napakakaunti, ito’y 20% lang. Mayroon pa ring 80 sukat ng trigo na dapat pa ring isauli. OK, nabawasan ng kaunti ang kanyang pasanin, ngunit hindi ganoong kalaki.

Kung gusto niyang makipagkaibigan, bakit hindi na lang niya sabihin sa nangutang, “OK, kalimutan na lang ang buong bagay! Kasi, sa bandang huli, lahat ng ito’y sa amo ko naman. Kalimutan na ang buong bagay.” Bakit hindi niya dapat sabihin iyon? Kung pababayaran niya ang ganoong kalaki, pabayaran na lang sana niya ang buong bagay. Kahit sa langis, bakit kalahati lang, bakit di na lang pawiin ang lahat sa nagkautang?

Ngayon, upang maintindihan ang puntong ito, kailangan ninyong maintindihan ang batas pang-Judio. Ang sasabihin ko sa inyo ngayon ay nakabatay sa napakahalagang gawa ni Prof. J. Duncan M. Derrett ng London University sa England, na tinatawag na The Law in the New Testament [Ang Batas sa Bagong Tipan]. Doon ay napakalinaw niyang ipinaliwanag ang mga ito na nakabase sa batas pang-Judio. Sa sandaling maintindihan ninyo ito, maiintindihan na rin ninyo na walang ginawang pandaraya ang katiwala sa kanyang huling ginawa, sa kanyang pantapos na ginawa. (Anuman ang ginawa niya sa nakaraan ay ibang bagay na. Naging malustay siya noon. Naging masama siya noon bago sa pangyayaring ito; gumawa siya ng kamalian noon.)

Ang salitang Griyego sa b.8 na isinaling-wika rito bilang ‘madaya’ [sa RSV ay ‘dishonest’] ay nangangahulugan, sa totoo lang, gaya ng sinabi ko bago pa rito, na ‘paggawa ng mali’, sa malawak na kahulugan ng salita. ‘Guilty’ siya sa paggawa ng mali, pero hindi siya ‘guilty’ sa pandaraya. Napakahalagang maintindihan iyan. Hindi siya nandaya at hindi pinupuri ng Panginoon ang sinumang mandarayang katiwala.

Anong ginagawa ninyo kapag nagnenegosyo kayo? Ang buong layunin ng negosyo ay magpapautang ng isang bagay na may interes at kolektahin ito pabalik na may tubo. Bawat banko’y namamalakad sa ganitong prinsipyo. Bawat organisasyong pangnegosyo ay namamalakad sa ganitong prinsipyo: upang kumita o tumubo. At kaya, mayroon kayong ‘trust companies’ o mga nagpapautang na kompanya sa Canada, na halimbawa, ang negosyo nila ay ang magpautang ng pera. Kung gusto ninyong bumili ng bahay, papautangin nila kayo ng pera.

Sa ngayon, umaabot na ang interes sa marahil 11%-12%. Kaya, magbabayad kayo ng interes sa inyong inutang, na tinatawag na ‘mortgage.’ Matutuklasan ninyo na sa kalahati sa inyong buhay, gumagastos kayo, sinusubukang mabayaran ang interes. Sa katunayan, sinumang bibili ng isang bahay – nabasa ko sa diyaryo noong isang araw – sa halagang $35,000, kapag natapos niya ang pagbabayad sa kanyang bahay matapos ang 20 na taon, ay nakabayad ng isa pang $35,000 sa interes. Sa madaling sabi, magbabayad kayo ng mga $70,000 para sa $35,000 na bahay. Ngayon, alam na ninyo kung paano nakakapagpatayo ang lahat ng mga kompanyang nagpapautang ng ganitong mga building at kumikita ng napakaraming pera. Ngunit kailangan ninyong utangin ang pera dahil wala naman kayong $35,000 na pambayad para sa bahay, at kailangan ninyong tanggapin ang katotohanan na kailangan ninyong magbayad na may interes.

At kaya, ang pagnenegosyo sa lipunan ng mga Judio noong mga araw na iyon ay pareho lang. Nakakapagbigay sa atin iyan ng napakagandang ideya tungkol sa langis, di ba? May nakautang ng 100 na takal na langis sa amo. At hinati ito ng katiwala sa 50 na takal? Bakit? Napakasimple lamang nito, dahil kailangan ninyong maunawaan ang batas pang-Judio. Ang nakasanayan noon, sa panahong iyon, ay napapautang ang langis na may interes na 100% sa loob ng nakasaad na panahon. Para ito iyong ‘trust company’ na sa loob ng 20 na taon, tunay na nakapagbayad kayo ng 100% na interes sa ‘trust company’. Kaya, makikita ninyo, na ito ang puntong natatagpuan natin dito.

Ang nangyari ay ito: ang amo na siyang tunay na may-ari ng lahat ng bagay, ay inilagay sa kanyang katiwala ang pamamahala sa negosyong ito. Nakapagnegosyo naman ang katiwala, siyempre, ng ilang transaksiyon at nakapagpautang ng mga ‘commodities’. Sa mga araw na iyon, hindi gaano nagpapautang ng pera ang mga tao, dahil siyempre, palaging nahaharap ito sa implasyon [pagtaas ng halaga] at mga iba pang problema. At kaya, kahit pa sa mga araw na iyon, nagpapautang sila ng mga materyal na kalakal. Ang mga ‘commodities’ ang mga pangunahing kinakalakal noon. Gumagamit ang mga tao ng langis at trigo, na mga materyal na ‘stable’ o palagian, para sa pangangalakal.

Ito pa rin ang gawi sa ngayon. Nagpautang ang katiwala ng 50 na takal ng langis. At ngayon, makakakuha siya ng 100 na takal, siyempre. Kaya, magkano ang utang ng taong ito sa kanyang amo? 100 na takal ng langis. Iyan ay 50 na takal kasama ng 50 na takal bilang interes nito.

Bakit napakataas ng interes sa langis noong mga araw na iyon? Iyan ay isang pag-iingat laban sa pandaraya. Kasi, ang kadalasan na ginagamit na langis noon ay langis ng olibo. Ang problema sa langis ay ito: kapag babayaran na ninyo ang langis, may ilang paraan ng pandaraya na maaari ninyong gawin sa langis. Alam ba ninyo kung anong uri ng mga pandaraya ang magagawa ninyo sa langis? Mas magaan ang langis kaysa tubig, siyempre. Halimbawa, kung ang sisidlan ay may tubig sa ilalim ng langis, ang tanging paraan upang matuklasan ninyo ito, ay kailangan ninyong ibuhos lahat ng laman ng sisidlan, at pagkatapos ay malalaman ninyong hindi pala purong langis ito. Maraming tao ang nahuli na ganyan ang ginawa. Ngunit may isa pang paraan ng panlilinlang. Maaari ninyong gamitin ang mas mababang-uri ng langis at ihalo ito sa mas mahal na langis ng olibo, at kaya, maaari pa rin ninyong dayain ang pinagkakautangan ninyo. Ang pag-iingat laban sa ganito ang dahilan kaya mataas ang tubo o ‘interest rate’ sa langis, dahil napakadaling madaya sa langis.

Kung kaya, maaari ninyong sabihin na ang isa pang bahagi ng interes ay isang uri ng ‘insurance policy’. Parang gaya rin sa panahong ito, kukuha kayo ng ‘mortgage’ o utang sa bahay ninyo at kukuha rin kayo ng insurance doon sa ‘mortgage,’ upang kung sa anumang dahilan ay hindi ninyo mabayaran ng buo ang ‘mortgage’ ninyo, papasok sa usapan ang insurance company. Ibig sabihin niyan, kailangan ninyong magbayad pareho ng ‘mortgage’ at ng insurance. Kaya, magbabayad kayo ng ekstra. Ganoon mismo ang nangyayari noon.

Sa kabilang banda, ang binabayarang interes para sa trigo ay 20%-25% lang. May ibang nangutang na humiram ng 80 na takal ng trigo. Ngayon kasama ang interes na naipatong dito, mayroong siyang kailangang bayarang 100 na takal.

Batas Pang-Judio: Huwag Tubuan ng Interes ang Iyong Kapatid

Kaya ngayon, anong ginawa ng katiwala? Nakikita natin na malalagot siya. Mapapatalsik siya sa kanyang trabaho, ‘di ba? Nasa gulo siya ngayon dahil sa nakaraang katamaran niya, sa nakaraang maling-pangangasiwa niya, sa nakaraang di-pag-iingat niya. Kaya, kailangan niyang gumawa ng isang mabuting bagay bago siya mapatalsik sa trabaho, upang magkaroon ng kahit 1 o 2 na kaibigan sa paligid-ligid. Ito’y upang kapag napatalsik na siya, mayroon siyang mapagkukunan ng simpatiya, na maaaring makapagbigay pa rin sa kanya ng tulong-pinansiyal. Matatandaan nila kung paano siya naging mabait sa kanila, at magiging bukas-loob silang gawan siya ng pabor.

Ngunit masasabi ninyong pandaraya pa rin ito dahil ang interes ay utang pa rin sa amo. Hindi ba? Ah, ngayon, dinadala niyan tayo sa isa pang kawili-wiling punto tungkol sa batas pang-Judio. Sa totoo lang, sa ilalim ng batas pang-Judio, ang pagkuha ng interes ay hindi talaga pinapayagan. Hindi maaari sa ilalim ng batas na magpatubo! Kailangan ninyong maintindihan ang puntong ito sa batas pang-Judio upang maintindihan ninyo ang talinghaga. Kasi, ang pag-unawa sa talinghaga ay hindi lamang sa pagbabasa nito; kailangan din ninyong magkaroon ng kaunting kaalamang ‘background’ tungkol dito. Siyempre, naintindihang lubos ng mga Judiong nakikinig sa Panginoong Jesus kung anong sinasabi niya.

Sa katunayan, ayon sa batas pang-Judio, walang Judio ang dapat magpatubo – o ang tawag dito’y ‘usury’ o labis na pagpapatubo – mula sa kapatid na nangangailangan. Hindi kayo kukuha ng tubo dahil ang karaniwang pag-aakala ay: kung kailangan ng isang tao na mangutang, ibig sabihin ay nasa pangangailangan siya. Kung kaya, ayon sa batas pang-Judio, kailangan ninyong ibigay sa kanya ang kailangan niya na hindi sasabihing, “Sige, pero gusto kong ibalik mo ito sa akin na may tubo.” Hindi iyan pagmamahal sa kapwa gaya ng iyong sarili. Kailangang ibigay na lamang ito sa kanya at bayaran niya ito nang walang interes. Kaya, sa ilalim ng batas pang-Judio, tulad halimbawa, sa Levitico 25:36-37 at sa Deuteronomio 23:19-20, atbp. – may napakaraming reperensya nito – hindi maaaring kumuha ng interes ang mga Judio mula sa isa’t isa.

Ngunit sa kalaunan, siyempre, sa panahon na ng Panginoong Jesus, hindi na sila nangungutang ng mga bagay na ito dahil lamang sa nangangailangan sila. Nangungutang sila ng mga ito para sa negosyo. Kung kaya, naipasya ng mga Fariseo na isawalang-bahala ang batas na nasa Levitico at Deuteronomio at payagan na magpatubo ang mga tao. Iyan ang background nito. Ibig sabihin niyan, binigyang permiso ng mga Fariseo ang pagpapatubo para sa kapakanan ng negosyo, ngunit hindi ito pinapayagan mula sa Kautusan.

Nakikita na ninyo ngayon kung anong nangyari. Ibinalik ng katiwala ang bahaging interes sa nakautang. Hindi niya maiaawas ang bahagi na pag-aari ng kanyang amo; magiging pandaraya iyan. Hindi niya maaaring iawas ang bahaging iyon, ngunit maaari niyang iawas ang bahagi na may kinalaman sa interes.

Kaya, ang langis na naipahiram ay 50 na takal at ang interes ay 50 na takal din. Hindi niya maaaring alisin ang bahaging pag-aari ng kanyang amo, ngunit maaari niyang alisin ang tubo nito. Sa paggawa niyan, sa katunayan ay tinutupad niya ang Kasulatan; tinatanggihan niyang kumuha ng labis-labis na tubo mula sa isang kapatid niyang Judio. Doon naman sa bahagi ng trigo, siyempre, kung bakit niya kinakaltasan ng 20% lamang ay dahil 20% ang interes, ngunit sa amo ang 80%; hindi niya maaaring ikaltas ang parteng iyon. Hindi niya pag-aari iyon. Responsable siya para rito, ngunit hindi niya maaaring iawas ang hindi niya pag-aari. Ngunit maaari niyang ikaltas ang tubo, at walang sinumang makaka-akusa sa kanya sa puntong iyan.

Ang Mali ng Katiwala: Pagiging Di-Tapat, Hindi Pandaraya

Nawa’y nakikita na ninyo ang punto sa magandang talinghagang ito na sinabi sa atin ng Panginoon. Naging di-tapat ang katiwala. Ang inaakusa sa kanya ay pagiging di-tapat, hindi pandaraya. Ang mga hindi nakakaintindi ng batas pang-Judio sa bagay na ito ay hindi nakukuha ang punto rito. Hindi siya naging tapat sa paggawa ng maayos na trabaho dahil sa hindi pag-aalaga ng mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya. Ngunit ngayon, sa huling sandali, sinusubukan niyang magkaroon ng mga kaibigan.

Kung simple niyang sinabi sa mga taong ito, sa mga nagkakautang na ito, “Pababayaran ko sa inyo ang 20%,” malalaman nilang naging madaya siya. Magiging kaibigan ba kayo ng isang mandaraya? Sa isip ba ninyo ay kung gumagawa siya ng pandaraya, na makakapunta siya sa kanila at makakaasa ng tulong mula sa kanila? Tutulungan ba ninyo ang isang tao na lantarang mandaraya? Siyempre hindi! Hindi siya makakagawa ng anumang mga kaibigan. Mawawala pa niya ang anumang mga kaibigang mayroon siya. Ang huling gawain niya ay magiging mas masahol pa sa una niyang ginawa. Hindi! Hindi siya magiging madaya. Ang huling gawain niya ay kailangang mabuting gawain kung magkakaroon man siya ng ilanmang mga kaibigan.

Kung kaya, hindi tamang tawagin ang talinghagang ito bilang Ang Talinghaga ng Mandarayang Katiwala. Dapat tawagin itong Ang Talinghaga ng Di-Tapat na Katiwala. Hindi siya naging tapat, ngunit hindi na, sa huli niyang ginawa. Naging di-tapat siya bago iyon, kaya siya nasibak sa trabaho. Ngunit itinatama niya ang lahat hanggang sa maaari niyang gawin sa kanyang huling pagkilos.

Itama ang mga Bagay sa Harapan ng Diyos Habang May Panahon Pa

Ngayon, makikita na ninyo ang buong punto na sinasabi ng Panginoon. Sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin na: “Itama ang lahat ng mga bagay habang may panahon pa.” Bago pa kayo makarating sa Araw ng pagbibigay-sulit, itama na ang lahat ng mga bagay, gaya nitong di-tapat na katiwala. Masama siya noon. Tamad siya. Batugan. Ngunit ngayon, sa kanyang huling ginawa, itinama niya ang mga bagay-bagay hangga’t maaari, upang magkaroon pa rin siya ng ilang kaibigang tutulong sa kanya, at magsasabing, “Ah, noon tamad siya. Hindi siya naging tapat sa kanyang amo dahil sa hindi niya paggawa ng mabuting trabaho. Ngunit sa bandang huli, masunurin rin naman siya sa batas sa huli niyang ginawa.”

Kaya, ang aral sa talinghagang ito kung gayon ay: Itama ang sarili sa Diyos! Itama ang mga bagay-bagay habang may panahon pa, dahil nauubusan na kayo ng oras. Ngayon, napakagandang talinghaga nito. Nakikita na natin ito ngayon at umaasa ako na naintindihan na ninyo nang lubos ang mensahe ng talinghagang ito. Isa-isip ito ng maigi.

Ngayon, mula sa ‘exegesis’ [paghuhukay ng malalim upang mailabas ang kahulugan] na pananaw, mayroon pang isang panghuling punto na gusto kong ituro sa inyo. Ito ay ang salitang naisaling-wika sa b.8 bilang ‘dishonest’ sa Ingles sa RSV, o sa Tagalog bilang ‘madaya’. Binabanggit ko ito sa inyo dahil may ilan sa inyo na pinag-aaralan ang Salita ng Diyos na nais malaman ang ‘facts’ mula mismo sa Kasulatan. Ang salitang Griyego na naisalin bilang ‘dishonest’ o ‘madaya’ ay ‘adikia’. Ang ‘adikia’ ay ginamit din sa 2Corinto 12:13, kung saan tunay na hindi ito nangangahulugang madaya. Doon, ginamit ito ukol kay apostol Pablo, na inaakusahan sa paggawa ng isang ‘pagkakamali’ tungo sa mga taga-Corinto dahil tumanggi siyang tumanggap ng pera mula sa kanila. Ngayon, ang di-pagtanggap ng pera ay hindi maaaring iakusa bilang pandaraya, ‘di ba? Siyempre hindi! Kaya, nakikita ninyo na ang naisalin bilang ‘wrongdoing’ o ‘pagkakamali’ ay hindi kahit sa anong paraan maipahiwatig bilang pandaraya.

Ginamit din ang parehong salita sa Lucas 13:27. Doon naisalin ito sa Ingles sa RSV bilang ‘iniquity’, sa pariralang ‘workers of iniquity’, at sa Tagalog bilang ‘kasamaan’ sa ‘mga gumagawa ng kasamaan’. Ngayon, sinu-sino ang mga gumagawa ng kasamaan na hindi makakapasok sa kaharian ng langit? Mababasa natin sa b.24 na sila itong mga taong hindi nagsumikap na makapasok sa makipot na pintuan. Espiritwal silang batugan.

Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang isang bagay, mga kapatid. Hindi na ninyo kailangan pang gumawa ng anumang kasamaan upang mahusgahan sa Araw na iyon. Huwag lamang kayong gumawa ng anumang bagay; kahit maging tamad lamang kayo! Walang panahon ang Diyos para sa mga taong espiritwal na tamad. Sila ang mga taong ito na hindi nagsumikap na makapasok sa makipot na pintuan. Hindi sila nagsumikap na pumasok sa kaharian ng Diyos. Hindi sila nagsumikap na pumasok sa buhay na walang hanggan. Iyan ang kasalanan nila, iyan ang kanilang krimen, at sila ay tinatawag na ‘mga gumagawa ng kasamaan.’ Kung hindi ninyo ginagawa ang mabuti, kung gayon, awtomatiko na ang ginawa ninyo ay ang masama.

Sa Mateo 25:26, sa Talinghaga ng mga Mina, matatagpuan ninyo ang mismong bagay na ito. Ang alipin na ibinaon ang kanyang isang mina sa lupa, gumawa ba siya ng anumang masama? Hindi, basta’t ibinaon niya lang ito sa lupa. Hindi siya nagnakaw ng anuman mula kaninuman. Hindi niya dinaya ang sinuman. Ibinaon lamang niya ito sa lupa. Ngunit, ano ang mga salita na sinabi ng amo sa kanya? “Ikaw na masama at tamad na alipin”. Masama! Bakit siya masama? Sinabi niya lang naman sa kanyang amo, “Isasauli ko pabalik ang sa iyo. Pinagkatiwalaan mo ako ng isang talento; isinasauli ko sa iyo ang isang talento. Pinagkatiwalaan mo ako ng isang mina; isinasauli ko sa iyo ang isang mina.” Siya’y masama mismong dahil hindi siya naging tapat. Iyon ang inaakusa sa kanya. Anumang ipinagkatiwala sa iyo, may dapat kayong gawin dito! Hindi kayo hahayo at ibabaon ito. Iyan ang kahalagahan ng talinghagang ito. Kaya, umaasa ako ngayon na kaya na ninyong maunawaan ang bagay na ito.

Naipagkatiwala sa atin ang maraming bagay. Maraming bagay! At partikular na ang pinapahalagahan ng talinghagang ito ay ang paraan kung paano natin ginagamit ang pera natin. Pansinin sa Lucas 16:9: “At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan…”. Tinatawag na “kayamanan ng kalikuan” ang pera. Sinasabi sa atin na, “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan…”. [1Timoteo 6:10] Ugat ng lahat ng uri ng kasamaan ang umibig sa pera. Hindi dahil masama mismo ang pera, ngunit ang pag-ibig nito ang masama. Ngunit dito, ang perang nasa sa atin – katiwala tayo nito – magagamit natin ito sa paraan na makakapagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Makipagkaibigan para sa Diyos sa pamamagitan ng perang iyan at pagkatapos ay matatagpuan ninyo na magiging mabuti kayong katiwala ng perang iyan.

Kaya, anupaman ang nasa inyo, ipapaliwanag ninyo sa Diyos kung anong ginawa ninyo rito. Nakikita kong napakalaking hamon nito. Ipagdasal ninyo na sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, sa susunod na taon na ito, paplanuhin ninyo ang inyong espiritwal na pangangampanya. Gagawin ninyong posible ang tamang pangangasiwa ng inyong espiritwal na ekonomiya. Isasagawa ninyo ang isang taon na plano: paano mamuhay ngayong taon, upang makapagdala ng pinakamaraming benepisyo sa ibang tao at pinakamataas na kaluwalhatian sa Diyos.

 

Katapusan ng mensahe. 
Ito’y isang ‘edited transcription’ ng mensahe.

Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong
responsibilidad para sa pagkaka-ayos at
pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

 

Lahat ng nasambit na bersikulo ay galing sa 
 Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001.

 

(c) 2021 Christian Disciples Church